Binigyang-daan ng Korte Suprema ang pagpapalaya ng mga political prisoner
Ang kabulukan ng burges na hustisya ay labis nang naipakita sa higit na labing walong taon na pagkakapiit ng mga political prisoners na nabihag noong 1950.
Ipinagmamabuti ng reaksiyonaryong pamahalaan na pakawalan sila sa panahong ang karamihan ay nawalan na ng mga tagatangkilik at iba sa kanila ay napipiho sa kanilang pananalita na tumatahak na ng linyang rebisyonista sa usapin ng estado at rebolusyon.
Mga iilang buwan na lamang ang nalalabi bago pawawalan ang mga prinsipal na kasapi ng lideratong Jose Lava noong 1950 batay sa desisyon ng Korte Suprema noong kararaang Mayo.
Alam na alam ng mga kasapi ngayon ng Partido na ang karamihan sa mga “Iskiyerdistang” oportunista ng nakaraang panahon ay nagbibigay ng kanilang bindisyon sa taksil na rebisyonistang pangkating Lava at ang kanilang mga pangalan ay madalas banggitin upang ipamarali nang mababaw ang anti-Marxista at anti-partidong teorya ng “maharlikang angkan”. Ang unang pinawalan sa kanila noon pang 1960, si William J. Pomeroy, ay matagal nang gumagampan bilang internasyonal na kinatawan ng mga lokal na rebisyonistang taksil at nagbubuhay-mayaman bilang binabayarang publisista ng embahadang Sobyet sa London.
Ang takbo ng pag-iisip ng mga namumunong political prisoners ng 1950 ay napipiho sa pananalita ng kanilang mga tagapagsalita na nagsasabing sila ay magtatayo ng babuyan o poultry o “magsososyal aksiyun kapag sila ay pinawalan.
Kapag sila nga ay magsososyal aksiyun, maaring baguhin nila ang kanilang pag-iisip at sumama sa sandatahang kilusang rebolusyonaryo sa mga bukirin o kaya’y sumama sa taksil na rebisyonistang pangkating Lava upang makipagkumpetisyon sa traidor at eskirol na si Luis Taruc para sa masigabong palakpakan ng mga burges na tagapakinig at sa pagtangkilik ng reaksiyonaryong pamahalaan.
Ang Bertrnad Russell Peace Foundation, Inc., isang burges na pasipistang samahan na sadyang narehistro sa reaksiyonaryong gobyerno at tuwirang sumusunod sa linya ng taksil na rebisyonistang pangkat Sobyet, ang nangunguna sa isang kampanya para sa pagpapalaya ng isang piling bilang ng mga political prisoner na pinamumunuan ni Jose Lava.
Habang iniisip ng rebisyonistang pangkating Lava na ang pagpapalaya ng ilang mga “Iskiyerdistang” oportunista ng nakaraang panahon ay makapagpataas ng katayuang pampulitika nito, ang isa pang posibilidad ay maliwanag, na ang pagtatangka ng mga napalayang political prisoner upang muling angkinin ang “pamumuno” ay magbubunga ng isa pang panloob na labanan na patuloy pang magwawasak ng kanilang makitid na rebisyonistang pangkat na maingay na nahahati na ukol sa mga kilos at ng patakaran sosyal na imperyalistang Sobyet buhat noong pananalakay ng Sobyet laban sa mga mamamayang Sekoslovak.
Samantala, ang reaksiyonaryong gobyerno ay tiyakang interesado sa legal na pagkilos ng isang taksil na rebisyonistang partido na makapagsasagawa ng hindi magagawa ng lantad na reaksiyonaryo laban sa proletaryong rebolusyonaryong partido na nasasandatahan ng di-magagaping Kaisipang Mao Tsetung. Ito ay isang taktika alinsunod sa estratehikong alyansa ng imperyalismong Amerikano at sosyal na imperyalismong Sobyet.