Lumulubha ang pang-aatake ng reaksiyonaryong hukbo sa mga organisasyon ng manggagawa, magsasaka, estudyante at iba pang mga organisasyong pangmasa

,

Ang prinsipal na dahilan kung bakit ang badyet ng reaksiyonaryong gobyerno ay hindi napagpatibay ng regular na sesyon ng Konggreso na natapos noong Mayo ay ang mahabang debate na nagbuhat sa labis na laki ng panustos na inilalaan para sa parasitikong reaksiyonaryong Sandatahang Lakas ng Pilipinas at ang lantad na kasamaan ng hangarin nito.

Sa takot na gagamitin ng naghaharing Partido Nasyonalista ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas laban sa kanila, ang mga miyembro ng Partido Liberal sa Konggreso ay tinutulan mula pa sa simula ang nakamungkahing badget militar na lalamon ng P1.4 bilyon or 40 bahagdan ng buong badget. Bukod pa roon sa mga item na tuwirang nasa ilalim ng Departamento sa Pagtatanggol may mga item na nasa ilalim ng ibang mga departamento nguni’t sadyang nakatakda para sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa hugis ng tinataguriang “civic action”.

Ang badget militar ay napaliit din, ngunit hanggang matapos na ang sesyon, ang mga pinakareaksyonaryong miyembro ng Kongreso ay nagpumilit na itira at lakihan ang aproprasyon para sa pagbabayad sa mga sibilyan na pinakikilos ng militar para sa counter-insurgency at para rin sa pagpapalakas ng paniktik sa mga kilos na “subersibo” ng mga organisasyon ng manggagawa, magsasaka, estudyante at iba pang mga mamamayan sa ara-araw ay nagiging lalong mapanghimagsik.

Ang mga organisasyon ng manggagawa ay nagagalit sa reaksyonaryong Sandatahang Lakas ng Pilipinas dahilan sa pagwawasak nito ng mga piket, paghahatid ng mga eskirol sa mga pinagwewelgahang pagawaan, paggamit ng mga sundalo bilang eskirol at pag-aaresto at pagpatay sa mga manggagawa at sa kanilang mga lider.

Ang mga tunay na organisasyon ng magsasaka ay hindi kinakaligtaang gumawa ng mga paghahanda para sa pagtatanggol sa sarili. Ang reaksiyonaryong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay araw-araw na nakakagawa ng mga katampalasanan laban sa mga organisadong magsasaka sa Gitnang Luson at gumagamit ng mga bandido, mga magnanakaw ng kalabaw, manghuhuthot at iba pang mga pangkat ng mga mamamatay tao tulad ng “Lawin” at “Monkees” laban sa mga mamamayan.

Ang kilusan ng mga estudyanteng rebelde ay nahaharap din sa mabangis na panunupil ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Ang mga departamento ng Pagtatanggol at ng Edukasyon at mga awtoridad ng mga unibersidad ay gumagawa ng kumperensiya upang bumalangkas ng mga paraan para sa pagsupil ng kanilang natatanaw na paglaganap ng mga aksiyung rebelde ng mga estudyante sa taong ito.

Nguni’t gaano man kahusay ang kagamitan at karami ang salapi ng reaksiyonaryong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay hindi nila maalis ang kanilang pagiging kasangkapan ng panunupil ng naghaharing reaksiyonaryong mga uri. Sa kabilang dako, ang mga mamamayan ay wala nang mapamimilian kundi lumaban sila hanggang sa wakas sa pangunahing kasangkapan ng reaksyonaryong estado na araw-araw ay nagiging lalong mapang-api.

Ang limitadong kakayahan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay madaling matutuklasan ng mga mamamayan. Sa pamamatnubay ng Kaisipang Mao Tsetung, ang mga mamamayan ay madali itong maihihiwalay at malalansag nang baha-bahagi.

Lumulubha ang pang-aatake ng reaksiyonaryong hukbo sa mga organisasyon ng manggagawa, magsasaka, estudyante at iba pang mga organisasyong pangmasa