Nabigong supilin ng mga reaksiyunaryong tropa ang mga rebolusyonaryo Tarlac

,

Sa loob ng tatlong buwan simula noon Abril, ang mga reaksiyonaryong tropa na binungkos at pinagalaw sa ilalim ng Task Force “Lawin” at may laking mula sa 3,000 hangggang 5,000 ay nagsisikap na matanaw, makubkob at masupil ang mga proletaryong kadreng rebolusyonaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas at mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa lalawigan ng Tarlac.

Hanggang sa ngayon, bigung-bigo sila na makadakip ng kahit na iisang Pulahang kadre o sundalo. Ang tanging dahilan ay ang Partido at ang Bagong Hukbo ng Bayan ay matalik na nakaugnay sa masa ng mga mamamayan at buong-buong naglilingkod sa kanila at dahilan, lalo na, sa kanilang pagkasandata ng Kaisipang Mao Tsetung.

Ang “Operation Prophylactic” ay pinasimulan noon Abril na may ambisyosong obhetibo na hanapin at strain ang mga sangay ng Partido at mga yunit ng Bagong Hukbo ng Bayan. Ngunit ang mga pangkat ng PC-Army na dumaluhong sa limang bayan ng Tarlac, Conception, La Paz, Capas at Bamban ay nag-ani lamang ng buhawi ng protesta ng mga masa na humantong sa isang martsang pamprotesta ng 10,000 manggagawa, magsasaka at mag-aaral sa harap ng Malakanyang, Konggreso at embahada ng Estados Unidos. Ang mga reaksiyonaryong may-kapangyarihan ay napilitang magkunwaring sumabay sa agos ng galit ng madla at nagsagawa ng isang kunwa-kunwaring pampublikong bista ukol sa mga abusong ginawa ng PC at Army.

Ang mga pang-aabuso ng mga naka-unipormeng tropa ng gobyerno ay sinundan noong Mayo ng pang-aabuso ng mga “Monkees”, mga maliliit na pangkat na nakakotse na binubuo ng mga maton at sundalo ng gobyerno na nakasibilyan. Itinanghal nila ang “raid” sa Angeles City noon Mayo 22 sa pagtangkang siraan ang Bagong Hukbo ng Bayan at takutin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng walang kabuluhang pagpapatay at panunugat ng mga walang kamalay-malay na sibilyan. Matapos ang tatlong araw, isinagawa ang mga pagtatangkang pagpatay sa mga pinaghihinalaang simpatisador ng Bagong Hukbo ng Bayan at humantong ito sa pagkamatay at pagkasugat ng di-iilang katao.

Habang nanggugulo ang mga “Monkees” sa kapatagan, tatlong malalaking kolum ng mga naka-unipormeng tropa ang kumilos nang hiwa-hiwalay mula sa mga hanggahang Pangasinan-Tarlac at Pampanga-Tarlac at mula sa loob ng Tarlac. Sa panahong ito, ipinaghambog ng mga reaksiyonaryong awtoridad militar sa mga pahayagan na mahuhulog rin sa kanilang lambat ang “Stalin University” (Paaralang Rebolusyonaryo ng Kaisipang Mao Tsetung) sa mga bundok sa pagitan ng Zambales at Tarlac. Habang ang mga armadong kolum ay gumalaw at nagtagpo sa mga bundok sa kanilang walang kabuluhang paghahanap, ang mga reaksiyonaryong tropa ay gumawa ng mga abuso tulad ng panggagahasa, pananamsam at pananakit sa mga pambansang minoryang Baluga at iba pang mga taong-bundok. Katulad ng dati, nabigo ang mga reaksiyonaryong tropa sa pagsasakatuparan ng kanilang obhetibo, nguni’t nagtagumpay lamang na galitin ang mga tao at pagtibayin ang kanilang pagmamahal sa Bagong Hukbo ng Bayan.

Sa lahat ng kilos nito, ang mga reaksiyonaryong tropa ay naglikha ng matinding galit sa pagitan nila at ng mga mamamayan. Ang Bagong Hukbo ng Bayan, sa kabilang dako, ay tumatanggap mula sa masa ng mga napagkakatiwalaang impormasyon hinggil sa kilos ng mga tropang kaaway kaya’t naiiwasan nila ang kaaway at nababanatan ito ng mga makamatay na hambalos sa labas ng anumang pangungubkob.

Matapos ang kanilang walang-kahinatnang paghahanap sa kabundukan, tumuloy ang mga reaksiyonaryong tropa ng gobyerno sa kapatagan upang manggulo. Sa paggamit ng mapagbabasakaling taktikang pagpapadala ng isa or dalawang iskwad sa mga baryu-baryo sa madaling araw, ang mga reaksiyonaryong tropa ng gobyerno ay gumagawa ng mga abuso upang galitin ang mga tao. Ang mga maliliit na pangkat na ito ay nagwawasak ng mga pintuan, nananakit ng mga tao at nananamsam sa kanilang mga pamamahay at isang malaking pwersa’y, isang kumpanya, o batalyon ay nasa likod din nila upang sundan sila sa kanilang karumaldumal na gawain.

Nguni’t walang kinahihinatnan ang mga maton na ito ng reaksiyonaryong pamahalaan. Bagama’t sa kanilang “raid” noong June 9, sa Sta. Rita, Capas, Tarlac, ay di-sadyang natuklasan nila na ang dalawang tanel at ilang mga aklat at dokumento, nabigo naman silang makadakip ng ni isang Pulahang kadre o sundalo. Natsambahan lamang nila ang ilang kagamitang nasamsam din sa kanila sa mga nakaraang sagupaan at ilang mga babasahing di-sinasadyang naiwanan at ni hindi man nakatutulong sa kanila sa pagsupil ng tumataas na daluyong ng sandatahang pakikibaka.

Ang pagkilos ng isang sandatahang reaksiyonaryong yunit, maliit o malaki, o ang pagpasok ng isang impormer ay mabisa at kagyat na ibinabalita ng mga tao sa mga Pulahang kadre at sundalo. Ang Bagong Hukbo ng Bayan ay agad naghahanda upang lipulin ang kaaway kung agad magagawa nila o paikot na umiiwas na lamang para sa isang higit na mabuting pagkakataon upang lipulin ang kaaway. Ganito ang estilo ng pakikipaglaban ng gerilya ng bayan.

Ang Bagong Hukbo ng Bayan ay patuloy na nagpapalawak nang mabilis hindi lamang sa Tarlac kundi maging sa iba pang mga lalawigan. Sa yugtong ito, ang reaksiyonaryong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay hindi maaring umasang malulupig nila ang sandatahang lakas ng bayan sa pamamagitan ng biglang paglusob sa ganito o ganoong baryo. Ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Bagong Hukbo ng Bayan, kapuwa pinapatnubayan at pinapasigla ng Kaisipang Mao Tsetung, ay masugid na nagsasagawa ng mga paghahanda upang ang kanilang mga malawakang sona ng gerilya ay gawing lalu pang mga matatatag na baseng purok.

Pinagdidiinan ng Task Force “Lawin” ang tinatawag nitong “mga kilos pananawata” sa Partido Komunista ng Pilipinas at sa Bagong Hukbo ng Bayan sapagka’t nginig na natatakot ang mga imperyalistang Amerikano, mga asendero at mga burukratang kapitalista na uugat nang malalim dito sa Pilipinas ang Kaisipang Mao Tsetung.

Nangauulol ang reaksiyonaryong awtoridad ngayong natuklasan nilang ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ang nagbibigay patnubay sa Partido Komunista ng Pilipinas at sa Bagong Hukbo ng Bayan. Takot na takot sila sa kanilang nalalapit nang pagbagsak.

Nabigong supilin ng mga reaksiyunaryong tropa ang mga rebolusyonaryo Tarlac