Nilabanan ng mga Kalinga ang imperyalistang kompanyang Amerikano
Pinalayas ng tatlong daang katao ng pambansang minorya ng Kalinga na nasasandatahan ng mga sibat ang imperyalistang kompanyang minahang Amerikanong Lepanto Consolidated Mining Company sa Botilao copper mines sa Lubuagan, probinsya ng Kalinga-Apayao, noong nakaraang buwan.
Sinunog ng magigiting na mamamayan ng Kalinga ang apat na bunkhouses ng imperyalistang kompanyang minahang Amerikano habang ang mga sundalo ng Philippine Constabulary na naatasang magtanggol sa mga dayuhang opisyal ng minahan ay nagsitakbo upang iligtas ang kanilang sarili.
Noon pa mang dalawang taon nang nakalipas ang mga mamamayan ng Kalinga ay nagprotesta sa pagpasok ng imperyalistang kompanyang minahang Amerikano sa lugar na yaon at sila ay nagbigay babala na oras na ipinilit ang panghihimasok na ito dadanak ang dugo.
Matatag na nilalaban ng mga mamamayan ng Kalinga ang pang-aagaw mula sa kanila ng mga minahan at mga kapaligid nitong lupain. Matinding ikinagalit nila ang panunupil ng napakaraming imperyalistang kompanyang minahang Amerikano sa mga mamamayan ng kabundukan.
Habang ang mga katutubong manggagawa ang siyang nagsisipawis, ang mga imperyalistang Amerikano ay yumayaman at inilalabas sa bansa ang produkto sa minahan at kanilang tubo mula roon.
Ang mga mamamayan ng Kalinga ay handang makipaglaban upang palayasin ang mga imperyalistang Amerikano at ang mga reaksiyonaryong sundalong papet na tumutulong sa kanila.
Ang Botilao copper mines ay nasa isang pook sa hanggahan ng Lubuagan at Tinglayan, Kalinga at Sadanga sa Bontoc. Ito ay isang pook na napakapaborable para sa isang digmang bayan. Ito ay maraming nakatira, kabundukan at nasa kalagitnaan ng Mountain Provinces.
Kung ang mga mamamayan ng Kalinga ay magpapatuloy sa kanilang pakikibaka laban sa imperyalistang kompanyang minahang Amerikano, di-sasalang na mabubuksan nila ang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa mga mamamayan ng Mountain Provinces.
Sa ngayon, ang imperyalistang minahang Amerikano at ang mga reaksiyonaryong awtoridad na papet ay nagsisikap na papanghinain ang pagtatanggol ng mga mamamayan ng Kalinga sa pamamagitan ng paggamit ng puwersa ng PC at paghahawak ng mga pribadong claim sa mga minahan at mga lupaing kapaligid nito