Pasidhiin ang muling pagbubuo ng Partido at ang sandatahang pakikibaka
Ang pagkakaganap ng Plenum ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon hindi lamang mula ng Kongreso ng Muling Pagkakatatag kundi mula pa ng may higit na labingwalong taon nang nakararaan ay malinaw na isang lubhang napakamakahulugang pangyayaring naghuhudyat ng bagong masigasig na mga pwersa ng rebolusyong demokratiko ng bayan na ngayon ay nagpapanibagong sibol.
Gayunman, ang pinakamahalagang kahulugan ng Unang Plenum ay ang konkretong kinahinatnan ng determinadong pagsisikap ng mga proletaryong kadreng rebolusyunaryo na pag-isahin ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung sa konkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Sa ganitong pangangahulugan, ang Unang Plenum ng Partido Komunista ng Pilipinas sa ilalim ng kataas-taasang pamamatnubay at inspirasyon ng Kaisipang Mao Tsetung ay matatag na nakaayon sa Konggreso ng Muling Pagtatatag noong ika-26 ng Disyembre, 1968.
Na ang Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ay hindi kailanman pinulong mula noong emergency meeting ng Komite Sentral noong 1951 sa Sierra Madre ay isang kasumpa-sumpang pagkakasala ng mga taong pormal na humawak ng titulo ng pamumuno sa Partido ngunit siyang di-kapatapatawad na tumalikod sa kanilang katungkulan. Ang mga taksil na rebisyunistang tagapagmana at tagapagkalat ng Lavaismo at Taruc-ismo ay patuloy na nagtangkang sumupil sa buhay-pampartido at sa rebolusyong demokratiko ng bayan upang protektahan lamang ang kanilang makasariling interes. Ang kanilang mga kamalian at mga krimen ay kasiya-siyang naibunyag na sa dokumentong “Wastuhin ang mga Kamalian at Muling Buuin ang Partido”, na pinagtibay ng Konggreso ng Muling Pagtatatag.
Katulad ng Konggreso ng Muling Pagtatatag, ang Unang Plenum sa ilalim ng kataas-taasang pamamatnubay ng Mao Tsetung ay patuloy na nagwawaksi sa Lavaismo at Taruc-ismo, ang dalawang katutubong tuwirang pinagmulan ng makabagong rebisyunismo, at nagdiriwang dahil sa kahuli-hulihang pagtatagumpay ng Partido, ang pangingibabaw sa pangkat Taruc-Sumulong na siyang isang sanga ng Lavaismo. Ang Bagong Hukbong Bayan, pinawian ng Lavaismo at Taruc-ismo, ay ligtas ngayong nasa sa ilalim ng ganap na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at matatag na buung-buong nagsisilbi sa mga mamamayan.
Sa kasalukuyan, ilan buwan pa lamang matapos ang Konggreso ng Muling Pagtatatag, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay nagtagumpay na sa nakabase-sa-lunsod na mga hari-harian ng Lavaismo at sa matong pangkat Taruc-Sumulong na nagmementene ng kani-kanilang “mapansariling kaharian” sa Maynila at Lunsod ng Angeles. Ang sa kanila ay ang magkasabwatang tungkulin na hadlangan at isabotahe ang pagsulong ng Kaisipang Mao Tsetung at ng rebolusyong demokratiko ng bayan sa kanilang mapagpahamak na papel bilang mga alipuris ng imperyalismong Amerikano, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Nguni’t itinakwil natin sila hanggang sa ang landas ng sandatahang rebolusyon ay kasiya-siyang nahawi na upang tahakin ng mga dati at bagong kadre at kasapi ng Partido.
Habang ang Unang Plenum ay tumpak na naglalagom sa mga tagumpay na nakamit sa kilusang pagwawasto ng Partido at muling pagbubuo na idineklara ng Konggreso ng Muling Pagtatatag, lahat ng mga kadre at mga kasapi ng Partido ay dapat makaunawa na ang pakikibaka laban sa makabagong rebisyunismo at sa lahat ng hugis ng suhetibismo at oportunismo ay hindi titigil sa ilalim ng kasalukuyang kalagayang pangkasaysayan. Tumpak para sa Unang Plenum na panindigang muli na matatag na hawakan ang Kaisipang Mao Tsetung at isagawa ang kilusang pagwawasto at muling pagbubuo hanggang sa wakas.
Napakaraming tahas na tagumpay ang natamo na sa pagbubunsod na matatag na mga pagpupunyagi upang muling buuin ang Partido at isagawa ang sandatahang pakikibaka sa ilalim ng maningning na liwanag ng Kaisipang Mao Tsetung. Hindi kailanman maaaring nalimutan ang Unang Plenum bilang siyang okasyon nang ang mga paghahanda para sa agraryong rebolusyon ay isinagawa, nang ang Komite Sentral ay muling pinalakas sa pammamagitan ng makakinatawang pagpasok ng higit na maraming mga proletaryong kadreng rebolusyonaryo mula sa Bagong Hukbong Bayan at sa kilusang pangmagbubukid, nang ang Military Commission ay binuo, nang ang Mga Saligang Alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan ay pinagtibay at ang organisasyong pampartido, edukasyong pampartido, at pananalaping pampartido ay lalong pinahusay.
Lahat ng ito ay isinagawa ng Unang Plenum ng Komite Sentral ng Partido sa ilalim ng kataas-taasang pamamatnubay ng Kaisipang Mao Tsetung upang pasidhiin ang muling pagbubuo ng Partido at ang sandatahang pakikibaka.
Ang dakilang diwa na dapat mangibabaw ngayon sa lahat ng mga kadre at kasapi ng Partido ay ang pagpapasidhi ng muling pagbubuo ng Partido at ng sandatahang pakikibaka sa ilalim ng kataas-taasang pamamatnubay ng Kaisipang Mao Tsetung.
Kung gayon, ang pinakamasigla at pinakamatatag ng pagpupunyagi ang siyang dapat na isagawa upang pukawin at pakilusin ang mga masa upang makapaglikha ng pinakamalawak na larangan para sa muling pagbubuo ng Partido at sa paglulunsad ng sandatahang pakikibaka. Sa pagsasagawa ng gayon, maibubunyag kung ano ang mga taksil na rebisyonista, bilang mga taksil na kasabwat ng imperyalismong Amerikano, peudalismo at burukratang kapitalismo. Sa pagsasagawa ng gayon, ang tunay na lakas pampulitika ang makakamit at mapatitibay ng mga pwersa ng rebolusyonaryong demokratikong bayan. Ito ay ang pagsasalin ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung at ng Programa ng Partido para sa Rebolusyong Demokratiko ng Bayan tungo sa materyal na pwersa.
Tumpak na inihain ng Unang Plenum ang paglulunsad ng nasasandatahang rebolusyong agraryo sa ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa at ng pinakamaunlad na destakamento nito, ang Partido Komunista ng Pilipinas. Isang digmaang pangmagsasaka ang dapat ilunsad upang makapaglikha ng isang makapangyarihang base para sa isang malawak na pakikibakang anti-imperyalista at anti-peudal tungo sa demokrasya ng bayan. Lahat ng pambansang pakikibakang demokratiko ng mga manggagawa, mag-aaral, guro, at lahat ng peti-burgesyang panlunsod at makabayang mangangalakal ay magiging mahina kapag ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang uring manggagawa ay hindi magpapasidhi sa kanilang pagsisikap na mamuno, magpupukaw at magpapakilos sa mga maralitang magbubukid at manggagawang pambukid sa isang rebolusyong agraryo. Sa paglulunsad ng digmaang magsasaka, ang Partido ay tunay na makapagsasakatuparan ng saligang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka bilang isang di-magagaping sandigan na nagkakaisang hanay ng lahat ng uri, grupo at indibidwal na makabayan na nagsisikap ibagsak ang imperyalismong Amerikano, peudalismo at burukratang kapitalismo.