Pumapayag ang papet na administrasyong Marcos sa mga abuso sa mga base militar ng Estados Unidos
Ang pagkapapet ng administrasyong Marcos, sa kabila ng mga pagpapahayag nito ng “Malayang” patakarang panlabas, ay lubos na naipakikita ng pagpayag at pagsang-ayon nito sa absolutong karapatan ng mga imperyalistang Amerikano na pumaslang at nagsamantala sa manggagawang Pilipino sa mga base militar ng Estados Unidos.
Isang manggagawang Pilipino, si Glicerio Amor, ay pinatay noong Hunyo 10 ng mga imperyalistang Amerikano sa loob ng Subic Naval Base. Hanggang ngayon, ang administrayong Marcos ay hindi pa gumagawa ng kahit na anong hakbang upang ipagtanggol ang isang mamamayang Pilipino. Bagkos, nagpalabas lamang siya ng mga pahayag na nagpapatibay sa “karapatan” ng mga awtoridad sa baseng Amerikano na mag-imbestiga at maglitis sa kaso ng pagpatay sa ilalim ng di-makatarungang US-RP Military Bases Agreement. Tulad ng mga nakaraang kaso ng pamamaslang na isinagawa ng mga sundalong Amerikano, patatawarin ng mga may-kapangyarihan sa baseng Amerikano ang mga mamamatay-tao at nagtatangkang suhulan ang mga katutubong opisyal na pigilan ang mga may-sumbong na ipagpatuloy ang kanilang sumbong at paghingi ng tulong sa masang Pilipino.
Ang administrasyong Marcos, sa pamamagitan ng Kalihim sa Paggawa Blas Ople, ay gumawa rin ng isang reaksiyonaryong kasunduan ukol sa paggawa sa mga awtoridad ng mga base militar Amerikano na naniniguro na ang pamahalaang Pilipino lamang, kasama ng pamahalaang Estados Unidos, ang siyang may-karapatan na gumawa ng mga konsultasyon ukol sa mga suliranin sa paggawa sa loob ng mga base militar ng E.U. Ang kasunduan ay nagpatibay din sa kapangyarihan ng mga opisyal na Amerikano na tumanggap at magtanggal ng mga manggagawang Pilipino sa trabaho nang kahit salungat sa mga batas ukol sa paggawa dito sa Pilipinas.
Ang reaksiyonaryong katangian ng kasunduan ukol sa paggawa na tinataguriang Ople-Williams Agreement ay nailantad nang masumpungan ng mga pinuno ng baseng Amerikano na magtanggal ng ilang mga manggagawang Pilipino kaalinsunod sa patakarang pagtitipid ng dolyar ng Estados Unidos. Kumilos ang administrasyong Marcos upang mapigil ang pangkalahatang aklasan ng Filipino Civilian Employees Association sa lahat ng mga base militar Amerikano sa buong bansa.
Ang mga pinuno ng mga base militar na Amerikano ay nagtatag ng tinatawag na Red Patches na kumikilos bilang Gestapo laban sa mga Pilipino. Ang Red Patches, kasama ang mga alipuris nitong PC ay kinamumuhian ng mga manggagawang Pilipino kung kaya’t hindi sila nangingiming gumanti sa kanila kailanmang may pagkakataon sila.