Sandatahang pakikibaka inilunsad ng mga rebolusyonaryong mamamayan ng Indiya

,

Kamangha-mangha ang mga tagumpay na nakakamit ng mga rebolusyonaryo at mga rebolusyonaryong mamamayan ng Indiya sa kanilang pakikibaka laban sa daan-daang taong makahayup na paghahari ng imperyalismo, peudalismo at burukrata kapitalismo.

Ang Partido Komunistang Indiyo na nasasandatahan ng Marxismo-Leninismo Kaisipang Mao Tsetung ay naglunsad ng pakikibaka laban sa mga rebisyonista sa loob ng Partido na tumatahak ng “landas ng parliyamentarismo” na binigyan ng papuri at suporta ng bantog sa kasamaan na si Khrushchev at ng taksil at nakatagong traidor at eskirol na si Liu Shao-chi, at sinimulan ang pagtahak sa rebolusyonaryong landas ng sandatahang pakikibaka. Sa paglalagom ng mga karanasan at aral na nakamtam sa pakikibaka ng mga magsasaka ng Naxalbari noong 1967, lalung naunawaan nila ang dakilang katotohanang itinuro ng Tagapangulong Mao na “ang kapangyarihang pampulitika ay nagmumula sa baril”.

Ipinakita ng mga rebolusyonaryong Komunistang Indiyo na ang isa sa mga dahilan ng pansamantalang pagkakagapi sa pakikibakang Naxalbari ay ang “hindi pagkakaroon ng isang Partidong nasasandatahan ng teorya ng Marxismo-Leninismo at ang pinakamataas na kaunlaran nito sa kasalukuyang panahon, ang kaisipang Mao Tsetung, na nakaugnay nang malapit sa mga masa, na hindi natatakot sa pagpupuna sa sarili at nakasanayan na ang Marxista-Leninistang estilo ng paggawa”.

Isa pang mahalagang usaping naipalitaw ng mga rebolusyonaryong komunistang Indiyo ay yaong nauukol sa pagkakaroon ng pananalig at pagtiwala sa mga masa at ang lubos na pagpukaw sa masa batay sa tesis ng Tagapangulong Mao sa “paglilingkod sa mga mamamayan nang taos-puso”. Ipinakita ng mga rebolusyonaryong Indiyo na sa pagsasandata lamang ng mga magsasaka, pagtatatag ng mga pangkat ng gerilya at ng isang nasasandatahang puwersang regular at pagtatayo ng mga pinalayang purok sa Indiya, maaaring ibagsak ang kapangyarihang pampulitika ng burukratang burgesyang komprador at ng mga panginoon sa lupa at maaaring itayo ang bagong kapangyarihang pampulitika.

Pagkalipas ng karanasan sa Naxalbari, ang mga Komunistang rebolusyonaryo at ang mga mamamayang rebolusyonaryo ng Indiya ay nagkamit, at magkakamit pa rin nang lalo pang marami at malalaking tagumpay. Ang lagablab ng pakikibakang pang-magsasaka ay kumalat na sa mga taong-burol sa Distrito ng Srikakulam, Estado ng Andhra, sa mga kapatagan at mga baybaying purok at ang karatig na Estado ng Orissa, sa Estado ng Bihar, Uttar Pradesh at sa Estado ng Korala at sa 30 mga purok pang kung saan sunod-sunod na nakamit ng tagumpay.

Sa ilalim ng pamumuno ng rebolusyonaryong komunistang Indiyo, ang mga rebolusyonaryong magsasaka sa mga nabanggit na lugar ay magiting na nagbibigay ng mga makamatay na dagok sa mga reaksiyonaryong tropa at pulis ng mga asendero, muling inagaw ang malalaking lupain at kinumpiska ang mga hayop at nakaimbak na palay nito, pinagbuklod ang mga taong-bukid sa mga komite ng mga magsasaka at nagtayo ng mga pasimulang rebolusyoaryong kapangyarihang pampulitika at winasak ang kapangyarihan ng mga panginoon ng lupa.

Magiting na iwinawagayway ng mga rebolusyonaryong komunistang Indiyo at mga rebolusyonaryong mamamayan ang dakilang pulang bandila ng Kaisipang Mao Tsetung para sa pakikibaka sa pagpapalaya ng mga mamamayang Indiyo upang ibagsak ang reaksiyonaryong paghahari na naglulunsad ng kontra-rebolusyonaryong karahasan habang hipokritong ipinagmalaki ang kanyang “doktrina ng pagtangi sa karahasan”.

Sandatahang pakikibaka inilunsad ng mga rebolusyonaryong mamamayan ng Indiya