Pagkubkob at pagsalakay ng militar sa mga sibilyang komunidad
Patuloy na naghahasik ng teror ang mga armadong galamay ni Duterte sa buong bansa. Gamit ang estilong dumog, bata-batalyong tropa ang idineploy ng Armed Forces of the Philippines sa mga target na komunidad at eryang pagtatayuan ng mga proyektong maka-dayuhan upang supilin ang mamamayan at palayasin sila sa kanilang mga sakahan at lupang ninuno. Pinakalaganap ito sa Mindanao, kung saan 75% ng batalyong pangkombat ng Philippine Army ang nakadeploy.
Sa inisyal na datos ng Ang Bayan, walong batalyon ng AFP ang nakadeploy sa Caraga, anim ang nakapokus sa Marawi at tatlo sa tatlo ring barangay ng Talaingod, Davao del Norte. Sa Maguindanao, Cotabato, Lanao del Sur at kabuuan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), aabot sa 27 batalyon ang nakapokus sa mga komunidad ng Moro.
Labas sa Mindanao, okupado ang maraming barangay sa Quezon sa Southern Tagalog. Buhos ang mga pwersang militar at pulis sa isla ng Boracay matapos isara ito sa publiko para bigyan-daan ang konstruksyon ng mga casino, hotel at iba pang panturistang imprastruktura ng mga pinaborang dayuhang negosyante ni Duterte.
Sa kalunsuran, karahasan din ang sagot ni Duterte sa mga manggagawang nakawelga at maralitang-lunsod na naggigiit sa kanilang karapatan sa murang pabahay.
Atake sa Talaingod
Kasalukuyang ginagamit ng AFP ang estilong Marawi upang sapilitang mapalayas ang mga magsasaka at Lumad. Sa maliit na bayan ng Talaingod, Davao del Norte, na may halos 30,000 na populasyon lamang, nagbuhos ng tatlong batalyon ng AFP—56th IB, 72nd IB at 88th IB kabilang pa ang mga paramilitar na Alamara. Daan-daan na ang biktima ng paglabag sa karapatang tao, kabilang ang pagkampo sa mga eskwelahang Lumad at pagpigil sa pagbubukas ng mga ito. Dahil sa pagkontrol sa kilos ng mga residente, lubhang apektado ang kabuhayan at pamumuhay ng mga komunidad.
Dinarahas at tinatakot din ang mga lider at residente at pilit silang pinasusuko bilang mga myembro ng BHB. Tampok dito ang sapilitang pagpapasurender sa lider Lumad na si Datu Guibang Apoga na mahina na at may malubhang karamdaman. Tuso siyang iniharap sa publiko upang palabasing sumuko na.
Mariing kinundena ng mga datu ng Salupungan Ta ‘Tanu Igkanugon ang naganap na asembliyang ipinatawag ng mga sundalo sa Sityo Nasilaban, Barangay Palma Gil. Anila, mismo sa pahayag ni Apoga sa asembliya, nanawagan siyang ipagpatuloy at protektahan ang mga paaralang Lumad. Nagpuna rin siya sa kanyang limitasyon bilang lider ng kanilang tribu dahil na rin sa kanyang karamdaman. Anang mga datu, walang anumang nabanggit si Apoga sa kanyang maiksing talumpati na kanya nang isinusuko ang kanilang pakikibaka.
Malawakang pambobomba sa Maguindanao
Matapos maaprubahan ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Senado at Kongreso, naglunsad ng clearing operations sa pamamagitan ng airstrike at operasyong kombat sa mga bayan ng Maguindanao at Cotabato para palayasin ang mga residente sa loob at paligid ng Liguasan Marsh.
Noong Hunyo 10, nagpakawala ng opensiba ang AFP Joint Task Force Central sa bahaging timog ng Liguasan Marsh. Sakop nito ang mga bayan ng Pagalungan, Gen. Salipada K. Pendatun, Datu Montawal at Rajah Buayan, at umabot na hanggang sa ilang komunidad sa Pikit, North Cotabato. Umabot na sa 30,000 ang lumikas. Naganap ang mga atake sa panahon ng Eid’l Fitr, ang pagtatapos ng Ramadan. Hinahawan ng mga opensibang ito ang daan para sa mga dayuhang kapitalista at lokal na mga kasosyong burgesyang kumprador ng rehimen upang malaya nilang dambungin ang yaman ng Liguasan Marsh.
Sapilitang pagpapalayas sa Lanao del Sur
Sa tabing ng pagtugis sa natitira umanong mga kasapi ng grupong Maute, buong bangis na nagpaulan ng bala at bomba ang tropa ng Joint Task Force Ranao noong Hunyo 14-17 sa mga bayan ng Tubaran, Pagayawan at Binidayan sa Lanao del Sur. Nagdulot ito ng malawakang paglikas ng may 11,000 indibidwal. May ilang pamilya pa rin sa barangay Padas at Diampaca sa bayan ng Pagayawan ang naipit sa pambobomba dahil pinipigilan ng militar ang kanilang paglikas.
Pinalalabas ng AFP na umabot na umano ang grupong Maute-ISIS sa hangganan ng Tubaran at Pagayawan at diumano’y nagkaroon ng engkwentro sa pagitan nila. Pilit nitong pinagtatakpan ang tunay nilang layon na pahigpitin ang kontrol sa Lake Lanao at gawing mas malaya pa ang dayuhang negosyo na kopohin ang yaman ng rehiyon.
Matapos ang pagkubkob sa Marawi, sunod na inatake ng AFP ang mga komunidad na nasa gawing timog ng Lake Lanao. Ang lawang ito ang pangunahing pinagmumulan ng kuryente sa Mindanao sa pamamagitan ng Agus Hydro-Electric Power Plant Complex. Taong 2017 inialok ang mga plantang pang-enerhiya sa mamumuhunang Chinese na magbibigay diumano ng P20.35 bilyon para sa “rehabilitasyon” nito.
Militarisasyon sa Quezon
Sa Barangay Umiray, General Nakar at mga baybay-dagat nito, masinsin ang operasyong kombat ng 80th IB mula pa noong Enero. Pinakatan ang bawat sityo ng tig-iisang platun ng sundalo. Nililinlang at tinatakot ang mga residente, pangunahin ang mga katutubong Dumagat at Remontados. Isa sa mga sityo ng Umiray, ang Sityo Dadiangao, ay lubusan nang nilisan ng mga residente.
Militarisado rin ang 18 barangay sa tatlong bayan ng South Quezon-Bondoc Peninsula upang pahupain ang pakikibakang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa at laban sa mababang presyo ng kopra.
Target ang South Quezon ng malawakang pagpapalit gamit ng lupa upang bigyang daan ang mga planta sa enerhiya, mega dam at mga pantalan. Habang may 475 manggagawang bukid ng Hacienda Uy, San Andres, South Quezon ang kasalukuyang dumaranas ng matinding gutom mula nang pagbawalan sila ng panginoong maylupa at kanyang mga bayarang maton na magsaka sa loob ng apat na taon. Plano ring itayo sa General Nakar ang Pacific Coast City Project, proyektong reklamasyon na tatawid mula Marikina, Maynila hanggang Infanta, Quezon at ang New Centennial Dam Project.
Panlilinlang sa Boracay
Sa ngalan ng rehabilitasyon ng isla ng Boracay, nagbuhos si Duterte ng hindi bababa sa 700 elemento ng PNP at AFP upang diumano’y tiyakin ang seguridad sa isla. Noong Abril 24, dalawang araw bago ang nakatakdang pagsasara, naglunsad ang Joint Task Force Boracay ng pagsasanay sa pagharap sa mga protesta, atakeng terorista at pangho-hostage. Kasabay nito, pinagbabawalan ding makapasok ang midya at hinahanapan ng identipikasyon ang mga naninirahan dito. Mistulang batas militar ang ipinatutupad ngayon ng rehimen sa Boracay.
Sa loob ng anim na buwan ng pagsasara ng Boracay, hindi bababa sa 36,000 manggagawa ang mawawalan ng trabaho kabilang na ang libu-libong residenteng umaasa sa turismo ng isla upang mabuhay. Kaliwa’t kanan din ang demolisyon sa kabahayan.
Ipinagmalaki naman ni Duterte ang plano niyang “ipamahagi” sa mga katutubong Ati ang kanilang lupang ninuno, pero para lamang magkaroon ito ng titulo at gayo’y mapadali ang ligal na pang-agaw dito ng malalaking negosyo. Inaasahang dalawang casino ang itatayo sa isla.