Cha-cha ni Duterte, sayaw tungong diktadura
Pilit na pinasasayaw ni Rodrigo Duterte sa saliw ng kanyang niraratsadang charter change (“cha-cha”) o pag-amyenda sa Konstitusyong 1987 hindi lamang ang mga mambabatas sa Kongreso, kundi pati ang sambayanang Pilipino. Sinusubukan niyang ikubli sa tabing ng pagsusog sa konstitusyon at sa pagbabagong anyo ng gubyerno ang hangarin niyang maging diktador na may walang hanggang kapangyarihan.
Makailang ulit na niyang sinubukang patugtugin ang plaka ng cha-cha sa Kongreso mula nang maluklok siya sa poder ngunit makailang ulit din siyang nabigo. Sa pinakabagong tangka, kinasangkapan ni Duterte sina dating Chief Justice Reynato Puno at dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr. na namuno sa consultative committee (ConCom) na inatasang magsulat ng borador ng panukalang konstitusyon sa tangkang makakuha ng malawak na suporta ang kanyang “cha-cha.”
Sayaw ng diktadura
Pinalalabas ng rehimeng Duterte na pederalismo ang pangunahing layunin ng kanyang tangkang cha-cha. Anito, sa ilalim ng pederalismo, mabubuwag ang labis na sentralisasyon ng kapangyarihan sa pambansang pamahalaan, at magdudulot ito ng higit na luwag para sa mga rehiyon pagdating sa pamamahala sa kanilang lokal na kapakanan. Ngunit kung susuriin ang borador ng “Pederal na Konstitusyon” ng ConCom ni Duterte, makikitang pawang buladas lamang ang sinasabing desentralisasyon ng kapangyarihan. (Tingnan ang kaugnay na artikulo sa pahina 5.)
Ang totoong pakay ni Duterte sa cha-cha ay nakatago sa likod ng Artikulo 22 o sa mga probisyon para sa transisyon (mga hakbanging sa paglipat mula sa kasalukuyan tungo sa bagong konstitusyon). Nakasaad dito ang pagbubuo ng isang Komisyon sa Transisyon na halos lubos ang kapangyarihang magpatupad ng mga patakaran, regulasyon, utos, proklamasyon, at iba pang alituntunin sa panahon ng “transisyon.” Sa unang borador ng ConCom, isinaad na si Duterte ang mismong mamumuno sa komisyong ito. Sa harap ng batikos sa garapal na pag-agaw ng kapangyarihan, binago ito ng ConCom at sa halip, isinaad na kailangang maghalal ng presidente at bise-presidente para sa transisyon.
Isinaad din na hindi na maaaring tumakbo si Duterte sa 2022. Subalit hindi naman siya pinagbawalan ng panukalang konstitusyon na tumakbo bilang presidente ng komisyon para sa transisyon. Kaya kung mararatipika ang panukalang konstitusyon sa 2019, at presidente pa rin si Duterte, mabibigyan siya ng hindi bababa sa tatlong taon para maging pangulong halos walang limitasyon ang kapangyarihan—diktador sa madaling salita.
Indayog ng pagtutol
Simula’t sapul, malawak na ang pagtutol sa anumang pagbabago sa Konstitusyong 1987. Paulit-ulit na itong tinangka at binigo ng mamamayan mula pa noong panahon ng rehimeng Ramos hanggang sa rehimen ni Benigno Aquino.
Ilang malalaking pormasyon na ang nabuo kontra cha-cha, kabilang ang “No to Cha-cha Coalition” na kinabibilangan ng mga progresibong grupo at maging mga batikang personaheng ligal gaya nina dating Chief Justice Hilario Davide at Atty. Christian Monsod. Parehong myembro ang dalawa ng kapulungan na bumuo ng kasalukuyang konstitusyon.
Ayon naman sa Movement A-gainst Tyranny, ang cha-cha ni Duterte ay plano para sa pagpapalawig ng termino, pagpapayaman at diktadura. Samutsaring protesta na rin ang naganap laban sa cha-cha.
Umaabot sa higit 300 akademiko, propesor at mga pangulo ng unibersidad ang lumagda sa isang pahayag na tutol sa balak na con-ass na ilulunsad ng Kongreso para amyendahan ang konstitusyon. Ayon sa kanilang pahayag, mas maraming isyu ang kinakaharap ng bansa na kailangang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan, kabilang ang kabi-kabilang pagpatay bunsod ng kampanya kontra-droga at mga alitan sa pulitika, at ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Tutol din sila sa panukalang isuspinde o ikansela ang halalang 2019 para magbigay-daan sa pag-amyenda sa konstitusyon.
Kabilang sa mga lumagda sa pahayag ng grupong Professors for Peace ang pangulo ng bawat isa sa limang kampus ng Ateneo kabilang sina Fr. Jose Ramon Villarin ng Ateneo de Manila, Fr. Roberto Yap ng Xavier University-Ateneo de Cagayan, Fr. Roberto Rivera ng Ateneo de Naga, Fr. Karel San Juan ng Ateneo de Zamboanga at Fr. Joel Tabora ng Ateneo de Davao. Kabilang din sa pumirma sina President Armin Luistro ng De La Salle University, Chancellor Michael Tan ng University of the Philippines-Diliman, at President Dionisio Miranda ng University of San Carlos sa Cebu.
Kalakhan din ng mga senador ay lantaran nang tumututol sa cha-cha, bunsod ng panukala ni Speaker Pantaleon Alvarez, Jr. kamakailan na handa na ang Mababang Kapulungan na simulan ang constituent assembly.
Maging sa loob mismo ng bakuran ni Duterte, mayroong hindi pabor sa panukalang konstitusyon. Kamakailan, sinabi ni Secretary Ernesto Pernia ng NEDA (National Economic Development Authority) na tataas ang gastos ng gubyerno dahil sa pederalismo. Aniya, maaaring madagdagan ng P55 bilyon ang gastusin at uutangin ng estado dahil sa dami ng upisinang itatayo at mga upisyal na pasuswelduhin sa ilalim ng pamahalaang pederal.
Sa muling pagsalang ni Duterte sa sirang plaka ng cha-cha at litaw na pagpilit niyang sayawin ito ng sambayanan, tiyak na mapabibilis pa ang pagsuka sa kanya ng taumbayan at mapabibilis din ang pagbagsak niya mula sa poder.