Lokal na mga usapan, itinakwil ng BHB
Parami nang parami ang mga kumand ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga lokal na rebolusyonaryong pormasyon na nagpahayag ng mahigpit na pagtakwil sa pakanang “lokal na usapang pangkapayapaan” ng rehimeng Duterte.
Sa magkakahiwalay na mga pahayag, pinabulaanan ng mga kumand ng BHB at tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF) sa mga rehiyon ang sinasabi ng mga upisyal ng rehimeng Duterte gaya nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Presidential Spokesperson Harry Roque. Pinalalabas ng mga tauhan ni Duterte na ang nauna nang pag-ayaw at pagtakwil ng Partido Komunista ng Pilipinas sa “lokal na usapang pangkapayapaan” ay hindi mula sa mga pwersang nasa mga larangan bagkus ay galing lamang sa mga nakikipagnegosasyong kagawad ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na nakabase sa The Netherlands.
“Sarili lamang ang kakausapin ni Duterte sa ilalim ng kanyang pakanang lokal na usapang pangkapayapaan sa BHB. Isa lamang itong mapanlinlang na taktikang saywar na nais pagtakpan ang pagyurak ng rehimen sa usapang pangkapayapaan at iumang ang mas pinapaboran nilang mabilisang solusyong militar sa armadong pakikibaka sa pamamagitan ng dahas. Ang pakanang usapan ay kontra-insurhensyang operasyon na nagpapanggap na para sa kapayapaan,” pahayag ni Ka Oris, tagapagsalita ng Pambansang Kumand sa Operasyon ng BHB.
Paliwanag ni Ka Oris, ginagamit lamang ni Duterte ang ipinanga- ngalandakang lokal na usapang pangkapayapaan upang may maiulat siya hinggil sa kapayapaan sa kanyang ikatlong State of the Nation Address. Sa katunayan, gagamitin lamang ng rehimen ang mga usapang ito upang magtanim ng kawalang-tiwala, pagkakawatak-watak, at kaguluhan sa hanay ng mga rebolusyunaryong pwersa sa pamamagitan ng pagbabangga ng lokal na mga pwersa laban sa pambansang pamunuan, isang kumand laban sa isa pang kumand, at pagbabangga ng masa sa rebolusyunaryong kilusan. “Sa katotohanan, hindi naman kapayapaan ang nais ng rehimen, kundi ang walang-pasubaling pagsuko ng mga pwersa ng BHB. Hinding-hindi tayo maloloko ng ganitong mga pakana,” ani Ka Oris.
Diniinan ng mga lokal na rebolusyonaryong pwersa ang nauna nang pusisyon ng PKP na ang sinasabing lokal na usapang pangkapayapaan ay tabing lamang upang maitago ng rehimen ang nagpapatuloy na gera kontra-mamamayan at laganap na abusong militar sa ilalim ng batas militar sa Mindanao at Oplan Kapayapaan. Anila, tiyak na mabibigo ang pekeng lokal na negosasyon sa kanilang mga eryang kinikilusan.
Magkakahiwalay na nagpaabot ng pahayag ng pagtanggi at pagsuka sa pakanang lokal na usapang pangkapayapaan ang mga kumand ng BHB sa Hilagang Luzon (Venerando Villacillo Command ng Cagayan Valley; at Chadli Molintas Command sa Ilocos-Cordillera), Timog Katagalugan (Melito Glor Command, Cesar Batralo Command sa Laguna, Eduardo Dagli Command sa Batangas, Narciso Antazo Aramil Command sa Rizal at Bienvenido Vallever Command sa Palawan), Bicol (Celso Minguez Command sa Sorsogon), at mga lokal na pormasyon ng NDFP sa Cordillera (Cordillera People’s Democratic Front), Mindoro, Negros, Panay, Central Visayas, at Timog Mindanao.
Inaasahang maglalabas din ng hiwalay na mga pahayag ng pagtakwil at pagkundena ang iba pang kumand at rebolusyonaryong pormasyon sa mga susunod na araw.
Dumagsa ang mga pahayag matapos ianunsyo ng Malacañang na nakatakda itong maglabas ng executive order para umano sa lokal na mga usapan bilang kapalit ng pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at NDFP na sadyang sinabotahe ng rehimen.
Ayon sa PKP, hindi lokal na usapang pangkapayapaan ang hiling ng taumbayan kundi ang ganap at agarang pagtigil sa todong gera ng rehimen laban sa mga sibilyan, ang pambobomba, pagkubkob ng militar sa mga komunidad, kampanyang pwersahang pagpapalista sa mga sibilyan bilang kunwaring napasukong kasapi ng BHB, laganap na pagpatay, at iba pang mga abuso.
Tiyak na mabibigo ang pakanang lokal na usapang pangkapayapaan dahil buo, matatag, at pursigido ang lahat ng rebolusyunaryong pwersa at ang sambayanang Pilipino sa pagpapabagsak sa rehimeng Duterte.