Masinggan at 3 HPR, nasamsam ng BHB-ICR

,

TATLONG TAKTIKAL NA opensiba sa Mountain Province at Abra ang magkakasunod na inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan-Ilocos-Cordillera Region (Chadli Molintas Command o BHB-CMC) laban sa mga tropa ng militar at pulis noong Hulyo 14 at 15. Nasamsam ng BHB ang isang K3 Squad Automatic Weapon, isang M2O3 grenade launcher, dalawang M4 assault rifle at mga bala. Pasalubong ang mga opensibang ito sa State of the Nation Address (SONA) ni Duterte.
Noong Hulyo 15, inambus ng BHB-Antonio Licawen Front Operations Command ang pinagsanib na pwersa ng 81st IB at Regional Mobile Force (RMF) ng pulis sa Barangay Tamboan, Besao, Mountain Province. Apat ang patay sa kaaway at di-mabilang na nasugatan.
Isang araw bago nito, nag-ooperasyon ang mga tropa ng 81st IB sa Sityo Dandanac ng parehong barangay nang tambangan sila ng isang yunit ng Leonardo Pacsi Command (LPC) ng BHB-Mountain Province. Napatay sa pananambang ang dalawang sundalo at marami ang nasugatan.
Kinahapunan ng araw ding iyon, naglunsad ng dagliang opensiba ang isang yunit ng BHB-Abra (Agustin Begnalen Command) laban sa nakahiwalay na platun ng Alpha Coy ng 24th IB na nagsasagawa ng operasyong kombat sa Sityo Gambang, Barangay Bazar, bayan ng Sallapadan, Abra. Pinalabas ng 24th IB na isa lang ang nasugatang sundalo, ngunit sa ulat ng taumbaryo ay tatlo ang napatay at isa ang nasugatan sa kaaway na sikretong idinaan sa likuran ng labanan.

Masinggan at 3 HPR, nasamsam ng BHB-ICR