Mga drayber sa Kalinga, nagtigil-pasada
Inilunsad noong Hulyo 9 ang pinakaunang tigil-pasada ng mga drayber sa Kalinga. Pinangunahan ito ng Kalinga Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations (KaFeJODA), isang bagong tatag na pederasyon ng maliliit na asosasyon ng mga drayber at opereytor sa pampublikong transportasyon.
Nagtipon ang mahigit 150 drayber, opereytor at kanilang mga tagasuporta sa harap ng Kalinga Provincial Hospital at nagmartsa tungo sa Tabuk City Hall para tutulan ang programang jeepney phaseout ng rehimeng Duterte na layong palitan ang kanilang mga jeep ng mamahaling mga solar-powered, electronic, o Euro IV engine jeep.
Anila, papatayin ng nasabing programa ang kabuhayan ng mga drayber at opereytor sa prubinsya dahil hindi nila makakayang bilhin ang nagmamahalang jeep na nagkakahalaga ng P800,000-P1.6 milyon. Ayon sa kanilang pag-aaral, hindi angkop ang nasabing mga klase ng dyip sa mabundok na kalupaan ng lalawigan. Dagdag pa nila, ang phaseout ay isa lamang estratehiya ng mga kapitalistang korporasyon para monopolisahin at korporatisahin ang pampublikong sistema ng transportasyon at manghuthot ng supertubo mula rito.
Kampuhan laban sa ENDO
Mahigit 1,500 kontraktwal na manggagawang tinanggal ng PLDT ang nagrali sa Mendiola noong Hulyo 12 upang igiit ang kanilang regularisasyon. Bago nito, nagrali sila sa tapat ng upisina ng kumpanya sa España Avenue, Manila noong Hulyo 9 at nagtayo ng kampuhan doon kinabukasan. Nagrali rin sila sa tapat ng PLDT sa Mandaluyong City para igiit ang agarang pagpoproseso ng kanilang regularisasyon.
Nitong Hulyo 6-20, magkakasunod ang protesta ng mga manggagawa sa NCR, Southern Tagalog at Southern Mindanao para sa makatarungang sahod at karapatan sa trabaho: ang United Employees of Alorica sa Makati na biktima ng tanggalan; ang mahigit 100 kontraktwal na manggagawa ng Magnolia Inc. sa General Trias, Cavite na sumasahod lamang ng P373/araw; ang mga manggagawa ng San Miguel Yamamura sa Imus, Cavite na ang ilan ay dalawang dekada nang mga kontraktwal; at mga manggagawang bukid ng Fabian Farm sa Kapalong, Davao del Norte na nahaharap sa banta ng pagbuwag sa kanilang unyon.
Pinakahuli sa mga pagkilos ang sama-samang kampuhan ng mga manggagawa mula sa Jollibee Foods Corp., PLDT, Unipak, Manila Harbour Centre at iba pa sa Mendiola noong Hulyo 20 para singilin si Duterte sa kanyang pangakong wakasan ang kontrakwalisasyon.
United People’s SONA
Inilahad ng mga progresibong organisasyon ang kanilang tunay na kalagayan sa mga kumperensya bilang paghahanda sa SONA ni Duterte.
Kabilang dito ang sumusunod: State of the Youth Address sa Cagayan de Oro City noong Hulyo 21, sa Assumption College of Davao at Angeles City noong Hulyo 20, sa Polytechnic University of the Philippines noong Hulyo 14, at sa University of the Philippines Los Banos noong Hulyo 7-8; State of the Women Address noong Hulyo 20, at ang Anti-mysogynist Activists sa SONA noong Hulyo 13 sa Quezon City; Church-People’s Solidarity Forum noong Hulyo 20 sa Baclaran Church; Forum on Agrarian Reform and Peace noong Hulyo 19 sa Quezon City; State of the Workers Address noong Hulyo 18 sa Arko ng Mendiola; at SUMADA: State of Unrest in Mindanao Against Duterte’s Tyranny noong Hulyo 18 sa UP Diliman.
Noong Hulyo 9, nagrali ang mga mangingisda mula sa La Union sa Department of Agriculture upang singilin si Sec. Piñol sa kanyang pangakong mamamahagi ng mga bangka at iba pang gamit pangisda.
Kilusan laban sa tiraniya
Nagrali noong Hulyo 6 ang Tongtongan Ti Umili, Cordillera People’s Alliance at iba pang organisasyong masa sa Baguio City para sa karapatan sa sariling pagpapasya at kanilang lupang ninuno, at laban sa pandarahas sa mga katutubo
Tumambay naman sa mga kalsada ng Baguio City noong Hulyo 13 ang mga kabataan sa pangunguna ng Alliance of Concerned Students hawak ang mga plakard kung saan nakasulat ang kanilang mga panawagan bilang protesta laban sa kampanyang “kontra-tambay” na Oplan Rody.
Pinangunahan ng Katribu at BAI Indigenous Women’s Network ang pagsampa sa upisina ng Joint Monitoring Committee sa Quezon City noong Hulyo 3 ng 60 reklamo ng paglabag ng mga armadong tauhan ng estado sa karapatan ng mga katutubo.
Para sa kalikasan
Nagbuo ng alyansa ang mga residente ng iba’t ibang barangay ng Toledo City, Cebu noong ikalawang linggo ng Hulyo laban sa coal-fired power plant ng mga Aboitiz na nagdudulot ng iba’t ibang sakit sa mga residente sa syudad at mga karatig-bayan. Tutol din sila sa plano ng mga Aboitiz na magtayo ng isa pang planta ngayong taon.
Nagprotesta ang Pamalakaya at Agham noong Hulyo 9 sa harap ng Department of Environment and Natural Resources sa Quezon City para kundenahin ang kawalan ng malinaw at komprehensibong plano para sa rehabilitasyon ng Boracay at sa libu-libong manggagawa na nawalan ng trabaho matapos isara ang isla.
Noong Hunyo 26, nagtipon ang 300 residente sa pangunguna ng Timpuyog Ti Umili iti Karayan Buaya sa harap ng Quirino Stadium sa Bantay, Ilocos Sur para ipahayag ang kanilang pagtutol sa ipinapanukalang P3.83 bilyong proyektong Gregorio del Pilar Water Impounding Project sa Salcedo, Ilocos Sur.