Panggegera ng US sa kalakalan, umaarangkada

,

Tanda ng hindi malutas-lutas na pandaigdigang kapitalistang krisis, ibayong sumisidhi ang mga tunggalian ng mga kapitalistang bansa. Kasalukuyan nang ipinatutupad ng US ang pagpataw ng mga taripa sa mga produkto ng China na inaangkat nito matapos ang mahabang panahon ng palitan ng mga banta. Hayagan na rin ang girian ng US at European Union at ibang bansa sa Europe. Hindi nakaligtas sa pang-aatake ng US maging ang Canada.
Nasa sentro ng gerang ito ang labis-labis na produksyon at suplay ng asero sa buong mundo. Kabilang ang China sa pinakamalaking prodyuser ng asero (831 milyong tonelada noong 2017) o halos kalahati ng kabuuang 1,691 milyong toneladang pandaigdigang produksyon). Tumatanggi ang China sa ilang taon nang panawagan ng ibang bansang prodyuser ng asero kabilang ang European Union (EU), Canada, Japan, Korea, United States, Switzerland at Turkey na bawasan ang produksyon nito upang pigilan ang pagbulusok ng presyo nito. Lumiit ang pamilihang asero dahil sa kabuuang pagtumal ng produksyon sa buong mundo.

US kontra China

Alinsunod sa kanyang deklarasyong “America First,” ipinatupad ni President Donald Trump ng US ang mga hakbangin para diumano bigyang-proteksyon ang mga kumpanyang Amerikano laban sa di patas na kalakalan. Noong Pebrero, sinimulan ni Trump ang pagpataw ng mas mataas na taripa sa inaangkat na asero at aluminum sa US. Pangunahing target nito ang China, na sinimulang patawan ng US ng mga taripang nagkakahalaga ng $50 bilyon. Nagkabisa noong Hulyo 6 ang bagong taripa sa 818 produkto mula sa China na nagkakahalaga ng $34 bilyon, at isusunod ang natitirang $16 bilyon kapag pumalag ang China.
Bilang ganti, nagpataw ang China ng taripa sa 659 produkto mula sa US kabilang ang soybeans (balatong), flat screen TV, sasakyang de kuryente at whiskey na nagkakahalaga rin ng $50 bilyon. (Ang mga sasakyang SUV tulad ng BMW, sa partikular, ay pinatawan ng China ng 40% taripa. Ang BMW ng Germany ay ginagawa sa Spartanburg, South California at inieksport ng US sa 140 bansa.)
Bumaling na rin ang China sa ibang mga tagasuplay ng mga produktong agrikultural gaya ng Brazil, Australia at iba pang bansa sa Eastern Europe.
Lalong nagalit si Trump sa hakbanging “pagtatanggol” ng China sa kanyang ekonomya. Bilang kontra-ganti, planong magpataw ng US ng dagdag na taripang 10% sa mga produkto ng China na nagkakahalaga ng $200 bilyon. Nagbanta rin itong magpapataw ng dagdag na taripa kapag gumanti pa rin ang China.

US kontra EU

Hindi lamang China ang tinamaan ng mga taripa ng US sa mga produktong asero at aluminum. Tinatamaan din nito maging ang matagal nang alyadong EU. Simula noong Hunyo, nagpataw na ang US ng 20% taripa sa mga sasakyan mula sa EU. Ani Trump, “posibleng singsama ng China” ang EU sa usapin ng kalakalan.
Sinagot ito ng pagpataw ng EU ng taripa sa mga kilalang produktong Amerikano kabilang ang sa motorsiklong Harley-Davidson, pantalong maong at inuming bourbon. Binansagan ng EU na isang “peligrosong laro” ang ginagawa ni Trump. Kung hindi aatras si Trump, nagbabanta ang Germany na magpapataw ng buwis sa mga “serbisyong digital” tulad ng sa Google, Facebook, Amazon, atbp.

US kontra Canada, Turkey at India

Bukod sa China at EU, tinatamaan din ng mga hakbang ni Trump maging ang mga alyadong bansa ng US katulad ng Canada, Mexico at Turkey. Nagalit sila sa unilateral na desisyon ni Trump kaya napilitan silang gumawa ng kontra-hakbang para proteksyunan ang kani-kanilang ekonomya.
Simula noong Hulyo 1, nagkabisa na ang taripa ng Canada sa mga produktong Amerikano, kabilang ang pagpataw ng 10-25% buwis sa mga produkto katulad ng ketchup, lawnmower (makina sa pagpuputol ng damo) at motorboat na nagkakahalaga ng $12 bilyon. Partikular sa keso at iba pang produktong dairy, tinaasan ito ng taripa hanggang 270%, maliban pa sa maraming restriksyon.
Sumali na rin sa humahabang listahan ng mga ginigera ng US ang Turkey at India. Nagpataw ang Turkey ng $266.5 milyong halaga ng taripa sa mga produkto mula sa US. Anang ministro ng Turkey, sagot nila ito sa dagdag na taripa na ipinataw ng US sa asero at aluminum. Kabilang sa maaapektuhan ng produkto ng US ang mga kotse, uling, walnut, almond, sigarilyo at tabako, bigas, whiskey, kosmetiko, mga makinarya at mga produktong petrokemikal. Ang US ang ika-lima sa pinakamalaking merkado ng mga eksport ng Turkey at ang bolyum ng kalakalan nito ay nagkakahalaga ng $20.6 bilyon noong 2017.
Bukod sa Turkey, nag-anunsyo rin ang India na magpapataw ito ng $240 milyong halaga ng buwis sa mga produktong pagkain ng US. Inaasahang magkakabisa ito sa Agosto 4.
Noong Hunyo, nagpataw din ang Mexico ng hanggang 15% taripa sa keso at iba pang produktong dairy at nitong Hulyo 5, tinataasan pa ito ng hanggang 25%. Ang Mexico ang siyang pinakamalaking merkado ng US sa kanyang mga produktong dairy.

Mga ekonomista at negosyante sa US, nangangamba

Nagtutunggalian maging ang naghaharing uri sa US sa mga hakbanging proteksyunista ni Trump. Sa isang panig, pinupuri ito ng Democratic Party, na anila’y magtatanggol sa kapakanan ng mga kumpanyang Amerikano at magpapalitaw ng milyun-milyong trabaho. Tutol naman dito ang ilang mismong kapalig ni Trump sa Republican Party dahil taliwas umano ito sa “malayang kalakalan”. Sa ulat ng isang pahayagan sa US, sa 30 distritong kongresyunal na sumuporta noon kay Trump para maging pangulo ng US, 25 ang matinding tinatamaan ngayon ng ganting taripa ng China.
Pinangangambahan naman ng mga upisyal sa pinansya at mga ekonomista na pinatataas nito ang panganib ng isang ganap na pandaigdigang gerang pangkalakalan. Anila, tiyak na mapasasama ang mga sektor na sinasabing pinoproteksyunan ng administrasyong Trump, na nakadepende sa mga inaangkat na pyesa mula sa China. Kabilang sa tatamaan ang mga nagmamanukpaktura ng mga sasakyan, na magreresulta sa pagkawala ng trabaho ng marami sa ilang magkakaugnay na industriya.
Nagrereklamo rin ang mga gumagawa ng barko at iba pang sasakyang pandagat dahil sa taripa sa asero at aluminum. Tinatamaan ng taripa ang halos 300 kagamitan, ayon sa National Marines Manufacturers Association.
Matindi rin ang tama ng trade war sa mga magbubukid na Amerikano, na sinasabing mayoryang tagasuporta ng rehimeng Trump, dahil mawawalan ng merkado ang kanilang bantog na keso tulad ng Sartori Cheese at iba pang produktong dairy, balatong, ulang, salmon, tabako at whiskey. Ayon sa US Chamber of Commerce ang taripa ng Mexico ay makaaapekto sa $578 milyong produktong dairy at ang China naman ay tatama ng $408 milyon sa keso, whey at iba pang produkto.
Iniinda naman ng Harley-Davidson, ang tagagawa ng mga motorsiklo, ang epekto ng mga taripang ipinataw ng EU sa mga produktong Amerikano. Nagdesisyon itong ilipat sa ibang bansa ang paggawa ng ilang kagamitang pangmotorsiklo. Sa loob lamang ng isang taon, malulugi sila ng $100 milyon dahil sa taripa ng EU.

Panggegera ng US sa kalakalan, umaarangkada