Sa tabing ng pederalismo
IBAYONG BURUKRATA-KAPITALISTANG KORAPSYON, liberalisasyon ng ekonomya at pasistang panunupil ang ihahatid ng panukalang konstitusyon ng consultative committee (ConCom) ni Duterte.
Sa panukalang ito, hahatiin ang Pilipinas sa 18 rehiyon (kabilang ang Bangsamoro at Cordillera). Bawat rehiyon ay magkakaroon ng sariling “regional assembly” (o panrehiyong kongreso), panrehiyong korte at panrehiyong gubernador. Lubhang lalawak ang burukrasya: sa panukala, magkakaroon ng 400 mambabatas sa Pederal na Mababang Kapulungan, hindi bababa sa 36 na senador, at apat na punong mahistrado. Lubha ring lolobo ang bilang ng mga lokal na upisyal dahil sa pagtatayo ng mga lokal na kongreso, hukuman, at ehekutibong upisina.
Ang ganitong pagpapalobo ng burukrasya ay magpaparami lamang ng burukratikong pribilehiyo na paghahatian ng mga naghaharing uring pulitiko na maluluklok sa pusisyon. Ngunit batay sa artikulo patungkol sa hatian ng kapangyarihan sa pagitan ng gubyernong sentral at mga federated region, mananatili ang tunay na kapangyarihan sa gubyernong sentral, habang kakaunti lamang ang kapangyarihang ibibigay sa mga rehiyon.
Liban sa dagdag na kapangyarihang maningil ng buwis gaya ng real property tax at estate tax (na kasalukuyang kapangyarihan ng sentral na gubyerno), wala nang nadagdag na kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan. Sa katunayan, kalakhan ng kapangyarihan sa borador na konstitusyon na ipinapanukalang ibigay sa mga federated region ay kasalukuyan nang tinatamasa ng mga lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng panukalang konstitusyon, ibayong luluwagan ang mga restriksyong dati nang nakalagay sa kasalukuyang Saligang Batas hinggil sa pagmamay-ari ng mga likas na yaman at pampublikong serbisyo.
Nananatili pa rin ang rekisitong hindi dapat bumaba sa 60% ang pag-aaring Pilipino sa mga empresa sa bansa. Gayunman, nagpasok ito ng mga probisyong nagbibigay-kapangyarihan sa Kongreso na baguhin o tanggalin ang nasabing mga restriksyon. Layunin nito na bigyang-daan ang lansakang liberalisasyon ng ekonomya at lubos na ariin ng dayuhang mga negosyo ang likas na yaman at pampublikong serbisyo sa bansa.
May ilang probisyon din sa panukala na magpapalakas sa kapangyarihan ng estado sa panunupil. Pinaluwag ng panukala ang mga rekisito para sa pagdedeklara ng batas militar. Idinagdag sa batayan ng pagpapataw nito ang tinaguriang lawless violence. Tinatakdaan ng limitasyon ang karapatan sa pamamahayag at pag-oorganisa sa pagsabing ang mga pangmasang pagtitipon ay gagawin lamang sa mga piling freedom park na maaaring dumulo sa pagbabawal sa mga protesta. Tahasan ring binibigyan ng kapangyarihan ang militar at pulis sa “paniniktik.”