Sobrang pagpapatrabaho, barat na sweldo ng mga guro

,

DALAWANG BESES NA NAGPROTESTA sa Quezon City Hall ang libu-libong guro na kasapi ng Quezon City Public School Teachers Association (QCPSTA) para igiit ang dagdag na sahod at ibalik ang kanilang alawans na tinanggal sa ilalim ng Joint Circular No. 1 noong 2017. Tatlong libong guro ang nagrali noong Hulyo 6 at noong Hulyo 16, muling nagrali ang 1,000 nilang kasapi. Nakamit nila ang inisyal na tagumpay nang maigiit nila ang kagyat na pagbibigay ng kanilang P1,000 alawans.
Sa buong bansa, nasa 687,229 ang mga pampublikong gurong dismayado sa hindi pagtupad ni Duterte sa pangako niyang dagdag-sahod. Nakapako sa P20,179 ang sahod ng Teacher I, samantalang nasa P22,000-P25,000 naman ang sa Teacher II at III.
Malaki ang pangangailangan ng mga guro lalupa’t sila ang gumagastos para sa lahat ng kailangan sa pagtuturo at kahit sa pagsasaayos ng kanilang mga klasrum. Lubhang kulang ang P2,500 na chalk allowance at P1,000-P1,500 alawans.
Bukod sa mababang sahod, nakakaranas ng sobra-sobrang pagtatrabaho ang mga guro. Sinasagad sila sa pagtuturo ng 50-100 estudyante sa loob ng isang klase. Mayroong kaso sa Bagong Silangan Elementary School sa Quezon City na dalawang klase ang pinagkakasya sa isang klasrum na mayroong 45 estudyante sa kada seksyon. Sa isang klasrum naman sa Cabuyao, Laguna, nasa 80-100 ang estudyante.
Dahil sa kakulangan ng mga kawani, gumagampan din ang mga guro ng mga gawaing pang-nars, guidance counsellor, librarian at iba pa. Sa buong bansa, nasa 38,284 lamang (o tumbasang 1 sa 18 guro) ang suportang kawani sa mga pampublikong paaralan. Dagdag na pahirap ang pagpapailalim sa kanila sa ebalwasyon para lamang makakuhang ng mga benepisyo.

Sobrang pagpapatrabaho, barat na sweldo ng mga guro