2 riple, nasamsam ng BHB-Masbate
ISANG RIPLENG M16 at isang M14 ang nakumpiska ng BHB-Masbate mula sa inilunsad nitong ambus laban sa 2nd IB at CAFGU na nag-ooperasyon sa Sityo Mangga, Barangay Mactan, Cawayan, Masbate. Kumbinasyon ng mga riple at command-detonated na mga eksplosibo ang ginamit sa opensibang isinagawa noong Agosto 3, alas-8:30 ng umaga. Nakasamsam din ang mga Pulang mandirigma ng mga magasin at bala, at iba pang gamit-militar. Labing-isa ang patay at tatlo ang sugatan sa mga sundalo.
Bukidnon. Hindi bababa sa walo ang patay at 25 ang sugatan sa 1st Special Forces Battalion (SFB) resulta ng limang aksyong militar ng BHB-Bukidnon mula Hulyo 10-31 sa mga bayan ng Baungon at Pangantucan. Tatlong sundalo ang nasugatan, kabilang si Sgt. Arnel Chico sa operasyong haras ng BHB noong Hulyo 30 sa detatsment ng 1st SFB sa Barangay Mendez, Pangantucan.
Sa bayan ng Quezon, inatake rin ng BHB-Bukidnon ang 12th Scout Ranger Company (SRC) sa magkasunod na aksyong militar noong Hulyo 28-29 sa mga sityo ng Binikalan at Domingo, Barangay Lumintao. Pitong sundalo ang patay, kabilang si Sgt. Al Luntayao. Anim na iba pa ang sugatan.
Misamis Oriental. Noong Agosto 3, dalawang beses na hinaras ng BHB ang 58th IB sa Sityo Minhablon, Hindangon, Gingoog City. Pito ang patay at dalawa ang sugatan sa AFP.
Davao City. Noong Hulyo 28, alas-10:25 ng umaga, pinasabugan ng BHB-SMR ang tropa ng AFP na idineploy upang tugisin ang custodial force ng BHB-SMR sa Sityo Kamarag, Barangay Tambobong, Baguio District. Nangyari ito isang araw matapos ang pagpapalaya kay Police Insp. Menardo N. Cui. Hindi bababa sa anim ang kaswalti sa mga sundalo. Si Cui ay pinalaya noong Hulyo 28 sa Sityo Apog-apog, Barangay Salaysay. Namagitan sa kanyang paglaya ang Exodus for Justice and Peace at mga lokal na upisyal ng gubyerno.
Iloilo. Noong Hulyo 29, alas-9 ng umaga, hinaras ng BHB-Iloilo ang tropa ng 61st IB sa Sityo Tigmagahan, Barangay Alimodias, Miag-ao. Dalawa ang sugatan sa mga sundalo. Magkasunod ding pinaputukan ng BHB noong Hulyo 29-30, ang detatsment ng 12th IB-CAFGU sa Barangay Pudpud, Miag-ao.
Antique. Noong Hulyo 29, alas-10 ng gabi, pinaputukan ng BHB-Antique ang detatsment ng 12th IB-CAFGU sa Barangay Maalan, Hamtic.
Agusan del Sur. Tatlong beses na pinasabugan ng BHB ang mga pwersa ng AFP sa prubinsya. Ang una ay nangyari noong umaga ng Hulyo 6, sa Barangay Mt. Carmel, Bayugan; pangalawa, noong Hulyo 15, alas-10 ng umaga, sa Barangay San Juan, Bayugan; at ang ikatlo, noong hapon ng Hulyo 19 sa hangganan ng Barangay San Juan, ng parehong bayan at Barangay Bolhoon, San Miguel, Surigao del Sur. Kabilang sa mga napatay ay sina 1st Lt. Rod Michael Aspiras at Sgt. Ruben Canoy habang tatlo sa mga sundalo ang nasugatan.
Agusan del Norte. Apat na sundalo ang patay at dalawang pulis ang sugatan sa operasyong haras ng BHB sa Barangay Aklan, Carmen noong Agosto 3.
Batangas. Noong Hulyo 30, binigwasan ng BHB-Batangas ang nag-ooperasyong pwersa ng 1st IB sa hangganan ng mga barangay ng Puting-uway at Calubcob 2, San Juan. Hindi bababa sa tatlong sundalo ang nasawi sa labanan.