Bulok at duguang pamana ni Arroyo
Noong Hulyo 23, inagaw ni Gloria Macapagal-Arroyo, lubos na kinamumuhiang dating presidente ng Republika ng Pilipinas, ang liderato ng Kongreso. Pinatunayan ng pagbabalik niya sa pinakamataas na sirkulo ng reaksyunaryong gubyerno na nananatiling buo at malakas ang kanyang kapangyarihan at impluwensya. Ang gayong poder ni Arroyo ay ipinundar niya sa siyam na taon ng korapsyon at marahas na pagdanak ng dugo.
Mahabang salaysay ng korapsyon
Gaya ng mga Marcos, nagkamal si Arroyo ng bilyun-bilyong piso mula sa pandarambong sa pondo ng bayan. Mula 2001 hanggang 2010, tuwiran at di tuwirang nasangkot si Arroyo sa kaliwa’t kanang mga anomalya at kaso ng korapsyon, pagtanggap ng suhol at panunuhol, pandaraya sa eleksyon, paggamit ng pork barrel kapalit ng suporta sa pulitika at maraming iba pa.
Daan-daang milyong piso ang pinaniniwalaang tinanggap na suhol ni Arroyo at kanyang mga upisyal sa tinaguriang “NBN-ZTE Deal,” isang $329.5-milyong kontrata para itayo ang National Broadband Network (NBN) na ibinigay sa Zhong Xing Telecommunication Equipment Company Limited (ZTE), isang kumpanyang Tsino.
Naiulat na aabot sa $14 milyon ang suhol na tuwirang tinanggap ni Arroyo at ng kanyang mga alipures sa pagpirma sa $470-milyong kontrata sa Industrias Metalurgicas Pescarmona Sociedad Anonima (IMPSA), isang kumpanyang Argentine, para sa pagpapaayos ng isang hydroelectric plant sa Laguna. Ang kasunduan ay pinasok ni Arroyo apat na araw pa lamang siyang nakaupo sa Malacañang.
Nasangkot rin si Arroyo sa iligal na paggamit sa P366-milyong intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Nalantad rin ang “Fertilizer Fund Scam” o ang pagmanipula ni Arroyo sa P726 bilyong pondong pang-abono sa ilalim ng programang “Ginintuang Masagana Ani” para gamitin sa pagtakbo bilang pangulo noong eleksyong 2004.
Sa taya ng grupong IBON noong 2008, aabot sa P7.3 bilyon ang kabuuang halaga ng mga proyekto ng gubyerno na minanipula ni Arroyo at kanyang mga galamay. Katumbas na ito ng isang taong gastusin ng 16,500 pamilya sa loob ng isang taon.
Noong 2005, tumambad sa publiko ang kontrobersyang “Hello Garci,” ang pakikipag-usap ni Arroyo sa noo’y upisyal ng Comelec na si Virgilio Garcillano upang tiyakin na ang botohan sa Lanao ay magbibigay sa kanya ng isang milyong botong lamang sa kalaban niya sa pagkapangulo sa eleksyong 2004. Malawakang protesta ang ibinunsod ng nasabing kontrobersya, bagay na nag-udyok kay Arroyo na magtalumpati ng “I am sorry” sa telebisyon noong Hunyo 2005.
Pagdanak ng dugo
Nag-iwan si Arroyo ng hindi maikukubling bakas ng dugo. Sa siyam na taon ng kanyang paghahari, naitala ang 1,206 kaso ng pampulitikang pamamaslang, 206 kaso ng pagdukot at sapilitang pagkawala at mahigit 2,000 kaso ng iligal na pag-aresto. Umabot sa mahigit 800,000 ang pwersahang nagbakwit sa ilalim ni Arroyo. Pangunahing target ng panunupil ang mga magsasaka at manggagawa.
Umaabot sa 603 magsasaka ang pinatay ng mga armadong pwersa sa ilalim ng kanyang kumand. Kabilang dito ang mga biktima ng Hacienda Luisita Massacre, isa sa pinakakarumal-dumal na krimen ng kanyang rehimen. Kasabwat ang mga Cojuangco, ipinag-utos niya ang marahas na pagbuwag sa noo’y welga sa asyenda sa Tarlac noong Nobyembre 16, 2004. Pitong manggagawang bukid ang napatay sa walang-habas na pamamaril ng mga sundalo sa mga nagwewelga. Mahigit 120 ang sugatan.
Brutal din ang pagsupil sa mga welgang manggagawa. Pinakamarahas ang paglupig sa welga sa Nestlé Philippines noong 2002-2005 sa Cabuyao, Laguna kung saan ginamit ang pwersang militar at pulis laban sa mga manggagawa. Sa buong panahon ng welga, umabot sa 23 manggagawa ang pinaslang. Kabilang dito ang lider ng kanilang unyon na si Diosdado “Ka Fort” Fortuna, na pinatay noong 2005.
Walang-habas na karahasang militar ang pinakawalan laban sa mga aktibista at ordinaryong sibilyan sa ilalim ng gerang Oplan Bantay Laya 1 at 2. Tinatarget ang mga progresibong organisasyon at di armadong sibilyan na pawang itinuturing na mga “kombatant” sa pasistang doktrinang inilahad sa dokumentong “Know Your Enemy” ng militar. Sinaluduhan at inangat ni Arroyo ang mga pinakaberdugong upisyal ng AFP, kabilang si Maj. Gen. Jovito Palparan, na kilalang utak sa mga pagdukot, pagtortyur at pagpatay sa mga aktibista.
Atake sa ligal na kilusan
Sumambulat sa mga protesta sa kalsada ang matinding galit at paglaban ng mamamayan. Lubos na nahiwalay at kinamuhian ng taumbayan ang rehimen bunsod ng patung-patong na iskandalo at mga anomalyang kinasangkutan nito.
Para apulain ang mga ito, sunud-sunod ang pagdeklara ni Arroyo ng pasistang mga hakbang. Ipinatupad niya ang “calibrated preemptive response” (CPR) noong 2005 matapos ang serye ng dambuhalang mga protestang ibinunsod ng iskandalong “Hello Garci.” Sa CPR, dumalas ang pagbuwag sa mga rali at naging talamak ang pag-aresto sa mga lider at raliyista.
Itinayo ni Arroyo ang Inter-Agency Legal Action Group (IALAG) noong 2006 para maglunsad ng opensibang ligal laban sa mga kritiko ng kanyang rehimen. Kaliwa’t kanan ang pagsasampa ng gawa-gawang habla, kabilang ang tampok na kaso ng pagtugis sa “Batasan 6” o mga progresibong partido, ang pagsasampa ng kasong pagpatay laban sa 72 aktibista mula sa Southern Tagalog at iba pa. Ang kasong pagpatay laban sa mga dating kinatawan ng Makabayan na binuhay kamakailan ay unang isinampa noong 2006 sa tulak ng IALAG. Noon namang 2007, pinagtibay ni Arroyo ang Human Security Act (HSA) para kasuhan bilang “terorista” ang sinumang lumalaban sa reaksyunaryong gubyerno.
Mga galamay ni Arroyo
Sa kabila ng limang taong detensyon sa ilalim ng nagdaang rehimeng Aquino, nanatiling isang makapangyarihang pwersa sa pulitika si Arroyo. Marami sa kanyang mga galamay at alyado ay kasalukuyang nasa susing mga pwesto ng estado. Malawak ang impluwensya niya sa Kamara. Sa Korte Suprema, anim sa 15 hukom ay hinirang ni Arroyo, kabilang ang tumatayong punong mahistrado na si Antonio Carpio, at si Lucas Bersamin, nominado ng Korte Suprema bilang susunod nitong punong husgado. Ang bagong talagang ombudsman na si Samuel Martires ay dati ring itinalaga ni Arroyo bilang associate justice ng Sandiganbayan noong 2005.
Marami sa mismong gabinete ni Duterte ay kilalang mga tauhan ni Arroyo. Dating mga hepe mayor ng AFP sa ilalim ng kanyang rehimen sina Roy Cimatu, kasalukuyang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources, at si Hermogenes Esperon, kasalukuyang National Security Adviser.