Buong sigasig na ipagdiwang ang ika-50 taon ng Partido
Gugunitain ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang ika-50 anibersaryo ng pagtatatag nito sa darating na Disyembre 26. Sa mga susunod na buwan, ilunsad natin ang masigla at malawak na kampanya para ipagdiwang ang natamong mga tagumpay ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino sa limang dekadang pagsusulong ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa gabay ng Partido.
Tinatawagan ng Partido ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa, lahat ng api at pinagsasamantalahan na lumahok sa pagdiriwang para ibayong pagtibayin ang determinasyon na isulong nang buong sigasig ang demokratikong rebolusyong bayan.
Taluntunin natin ang nagdaang 50 taong rebolusyonaryong pakikibaka, mula sa pag-usbong hanggang sa pagsulong, sa mga pag-atras at muling pag-abante, at sa mga tagumpay, kabiguan at mas malalaking tagumpay. Bakasin natin ang kasaysayan ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya. Humalaw tayo ng mga aral at inspirasyon sa mga sakripisyo ng mga martir at bayani at mga naunang salinlahi ng mga proletaryong rebolusyonaryo.
Itanghal natin ang mga tagumpay sa nagdaang 50 taon ng rebolusyonaryong pakikibaka. Malalaking tagumpay ang nakamit ng sambayanang Pilipino sa pagsusulong ng armado at iba’t ibang anyo ng pakikibaka.
Sa pangungulo ng Partido, tuluy-tuloy na lumalakas ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at matatag na isinusulong ang matagalang digmang bayan. Tuluy-tuloy na nag-iipon ng lakas ang BHB sa armadong pakikibaka. Kaagapay ng masang magsasaka, isinusulong nito sa buong bansa ang rebolusyong agraryo at binubuo ang organisadong lakas ng masa at ang kanilang mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Sa buong Pilipinas, itinatatag ang demokratikong gubyernong bayan mula sa antas baryo paitaas.
Binubuo ng Partido ang malawak na pagkakaisa ng sambayanang Pilipino. Pinamumunuan nito ang National Democratic Front, ang pinakamalapad na pinakakonsolidadong bahagi ng nagkakaisang prente. Pinakikilos nito ang demokratiko at patriyotikong mga sektor para lumahok sa armadong pakikibaka. Ito ang nasa gulugod ng malalawak na nagkakaisang prenteng demokratiko at anti-pasista. Sa dalawang pagkakataon, 1986 at 2001, nasa unahan ang Partido ng malawak na pag-aalsang bayan na, katuwang ng iba pang mga pwersa, ay nagpabagsak sa nakaupong reaksyunaryong rehimen.
Ang Partido ay malawak at malalim na nakaugat sa masang manggagawa, magsasaka at iba pang demokratikong uri at sektor sa buong bansa. Ito ang nasa taliba ng hukbong bayan, ng mga organisasyong masa, ng nagkakaisang prente at ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Inilunsad ng Partido ang Ikalawang Kongreso nito noong 2016 na nagpatibay ng Konstitusyon at Programa na ibayong pinayaman ng halos limang dekada ng rebolusyonaryong karanasan at mga tagumpay. Ginagamit na ngayon ang mga dokumentong ito upang malawak na magrekrut ng bagong mga kasapi ng Partido.
Ang mga tagumpay na ito ay tuntungan para dalhin ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa mas mataas na antas sa mga darating na panahon. Masidhi ang paghahangad ng sambayanang Pilipino na isulong ang rebolusyon sa harap ng lalong nagnanaknak na bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal. Palala nang palala ang kinasasadlakan nitong pamalagiang krisis. Ang sagadsaring pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte at ng pinakakinamumuhiang mga reaksyunaryong pangkatin ay kaakibat ng lalong paglala ng krisis ng naghaharing sistema.
Kung gayon, dapat ibayong isulong ang maka-uri at demokratikong mga pakikibaka ng masang manggagawa, magsasaka at iba pang api at pinagsasamantalahang uri at sektor. Dapat ibayong palawakin at palakasin ang nagkakaisang prente laban sa pasista at papet na rehimeng Duterte. Itaas at palawakin ang kamulatan ng mamamayang Pilipino at ikawing ang kanilang araw-araw na pakikibaka sa kabuuang pambansa-demokratikong kilusan.
Ilunsad ang matataginting na taktikal na opensiba kasabay ng paggunita sa ika-50 taong anibersaryo ng Partido. Bigwasan ang mga kriminal na pasistang yunit at upisyal ng rehimeng US-Duterte. Lubos na biguin ang desperadong tangka ni Duterte na gapiin ang armadong rebolusyon. Itanghal ang armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka at itaas ang diwang mapanlaban ng sambayanan at ang kanilang pag-asa sa rebolusyonaryong pakikibaka.
Ang patuloy na pagsulong ng rebolusyong Pilipino sa lahat ng larangan ang patunay ng wastong paglalapat ng Partido ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas at ang puspusang pagbaka sa rebisyunismo at iba’t ibang anyo ng suhetibismo at oportunismo. Ang teorya at praktika ng rebolusyong Pilipino ay walang patid na umuunlad.
Ang pagdiriwang sa ika-50 anibersaryo ng Partido sa mga darating na buwan ay ginintuang pagkakataon para gamitin ang Marxismo-Leninismo-Maoismo para lagumin ang karanasan sa lahat ng andana at larangan ng pagrerebolusyon. Magbalik-aral sa Una’t Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at gamiting gabay ang mga aral at prinsipyo upang pangingibabawan ang mga kahinaan at baklasin ang mga sagka sa pagsulong ng rebolusyon.
Okasyon din ito para ibayong palalimin ang paggagap sa lumalalang kalagayang malakolonyal at malapyudal ng Pilipinas sa harap ng papalalang krisis, nagtatagal na depresyon at tumatalim na mga kontradiksyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Ilahad ang nagpapatuloy na paghahari at panghihimasok ng imperyalismong US sa ekonomya, pulitika, militar at kultura ng Pilipinas at pagkontrol nito sa neokolonyal na estado.
Ilantad ang sumisidhing mga anyo ng pagsasamantala, pang-aapi at pagpapahirap sa masa ng mga naghaharing uri. Gamitin itong batayan upang ibayong paunlarin ang mga taktika sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na masa. Iluwal ang malawak na kilusan para sa panlipunang pagsisiyasat para ilantad ang aktwal na kalagayan ng ekonomya sa kabuuan at sitwasyon ng masa. Hamunin at pakilusin ang mga intelektwal na punitin ang ilusyon ng “pag-unlad” at alamin ang kongkretong kalagayan ng masang Pilipino.
Sa mga darating na buwan ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Partido, kilalanin at itanghal ang mga bayani at martir ng rebolusyong Pilipino. Gawin silang inspirasyon at huwaran ng walang-pag-iimbot na paglilingkod sa masa at komunistang tapang at optimismo.
Pakilusin ang pinakamalaking bilang ng mga makata, pintor, dibuhista, kompositor, mang-aawit at iba pang artista upang magluwal ng pinakamaraming posibleng bilang ng rebolusyonaryong likhang sining. Itampok sa mga ito ang 50 taon kabayanihan ng sambayanang Pilipino sa walang humpay na rebolusyonaryong paglaban nila sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Itaguyod ang sining na para sa bayan at itanghal ito sa lansangan at mga komunidad, sa internet at mga bulwagan.
Ideklara sa buong daigdig ang pagdiriwang sa ika-50 taon anibersaryo ng Partido. Ikalat ang ginintuang sinag ng rebolusyong Pilipino sa buong mundo. Mag-ambag sa pagbibigay liwanag sa daan tungo sa panibagong pagdaluyong ng mga demokratiko at sosyalistang rebolusyon ng uring manggagawa at masang anakpawis sa buong mundo.