Mga magsasaka, pinatay sa mga operasyong kombat ng AFP

,

Dalawang magsasaka ang patay at isa ang sugatan nang walang pakundangang inistraping ng mga elemento ng 23rd IB at CAFGU ang kanilang pinagpapahingahang kubo noong Agosto 5, alas-5 ng umaga, sa Purok 4, Barangay Oro, Esperanza sa Agusan del Sur. Napatay sina Juan Precioso at Kent Montilla at nasugatan si Robert Tambilisan habang nakaligtas sa pamamaril sina Joseph Tambilisan at Tata Merano. Ang lima ay pawang mahihirap na magsasaka na nasa lugar para maghawan ng sakahan.

Noong araw na iyon, maagang bumaba sa kubo sina Precioso at Joseph Tambilisan para maghanda sa pangatlong araw ng paghahawan. Hindi pa sila nakalalayo sa kubo nang bigla na lamang silang pinaulanan ng bala. Agad na namatay si Precioso habang nakatakbo si Tambilisan. Si Kent Montilla, na noo’y nasa loob ng bahay, ay tinamaan sa ulo habang umiiwas sa mga putok.

Kinilala ang mga salarin na mga elemento ng CAFGU, kasama ang dalawang sundalo ng 23rd IB na nakabase sa mga detatsment ng CAFGU-CAA sa mga barangay ng Tandang Sora at Guadalupe, kapwa sa Esperanza. Para pagtakpan ang kanilang krimen, idineklara ng AFP na mga myembro ng BHB ang mga magsasaka, na diumano’y nakipagputukan sa kanila. Pinasinungalingan ito ng mga residente ng Barangay Oro at mga kamag-anak ng mga biktima.

Sa Bukidnon, isang magsasaka ang pinatay at isa ang nasugatan nang pagbabarilin sila ng mga elemento ng 403rd IBde sa Sityo Camaca, Barangay Bontongon, Impasug-ong noong Agosto 8, bandang alas-9 ng umaga. Napatay si Anyong Minio at sugatan ang kanyang kapatid, parehong residente ng naturang barangay. Nagsasagawa noon ng “nakapokus” na operasyong kombat ang mga sundalo laban diumano sa mga yunit ng BHB sa lugar. Katulad sa ibang insidente, pinalabas ng AFP na mga Pulang mandirigma ang pinaslang nilang sibilyan.

Sa sunod na araw, tatlong beses na binomba at inistraping ng mga helikopter ng AFP ang mga sakahan sa itaas ng baryo. Nagdulot ito ng takot sa mga residente at nagtulak sa di bababa 40 indibidwal na magbakwit tungo sa sentro ng Impasug-ong. Pinagbawalan din ang mga residente sa mga kalapit na baryo na lumabas sa kanilang mga komunidad para bumili ng pagkain o tumungo sa kanilang mga sakahan.

Sa Masbate, tuluy-tuloy ang paghahasik ng teror ng militar sa Barangay Talisay, San Fernando. Noong Agosto 11, iligal na pinasok at hinalughog ng mga sundalo mula sa 2nd IB at 19th MICO ang hindi bababa sa siyam na bahay ng mga sibilyan. Pinagkukuha ng mga sundalo ang mga personal na gamit ng mga residente nito, kabilang ang pera, selpon, telebisyon at maging pabango. Maliban sa pagnanakaw ay pinagsasampal at binugbog din ang mga biktimang sina Sally Bona, Ramon Bartolay at mag-asawang Paeng at Jeneve Bartolay. Ang pangyayari ay pangatlong insidente na ng pang-aabuso at pagnanakaw ng mga sundalo sa lugar.

Sa Mt. Province, tuluy-tuloy na kinampuhan ng mga elemento ng 81st IB ang Sityo Dandanac, Barangay Tamboan, Besao matapos ambusin ng BHB-Mt. Province ang kanilang tropa noong Hulyo 14-15. Ginawang base ng mga sundalo ang ilang bahay ng mga residente, kabilang ang mga bahay nina Carol Bagyan, tagapagtanggol ng karapatang-tao at myembro ng Cordillera People’s Alliance, at Rhoda Dalang, pinuno ng Center for Development Programs in the Cordillera. Inobliga ng mga sundalo na kumuha ng “safe conduct pass” o palagiang magpaalam ang mga residente para lumabas ng baryo at hinigpitan ang kanilang mga kilos. Dahil dito, apektado ang pagtatrabaho ng taumbaryo sa kanilang mga sakahan. Nagresulta ito sa pagkaantala ng kanilang pag-ani, at dahil dito, maging ang kanilang kasunod na pagtatanim.

Sa Davao Oriental, sapilitang pinagbakwit ng 67th IB ang may 200 Lumad at magsasaka sa Barangay Tomoaong, Tarragona matapos ang serye ng mga taktikal na opensiba na inilunsad ng BHB sa lugar noong Hulyo 27. Nagpataw din ng blokeyo sa pagkain ang mga sundalo para pigilan ang pagbili ng pagkain ng mga magsasaka.

Pang-aaresto at panggigipit

Sa Sorsogon, iligal na inaresto ng 31st IB si Amadeo Grayda, isang sibilyan, at pinalabas na aktibong kasapi ng BHB-Sorsogon nitong Agosto. Si Grayda, residente ng Barangay Catanusan, Juban ay noon pang 2009 tumiwalag sa BHB. Anang BHB-Sorsogon, ang iligal na mga pang-aaresto ng mga sibilyang katulad ni Grayda ay bahagi ng paghahabol ng militar sa kanilang target na gapiin ang BHB sa buong bansa sa loob ng taon. Palatandaan ito ng kanilang desperasyon.

Noong Agosto 11, iligal na inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso ang mag-asawang Rowena at Oliver Rosales, kapwa dating organisador ng COURAGE. Inaresto sila habang bumibyahe sa Barangay Wawa, Balagtas, Bulacan. Noong 2015, ginawaran ng Korte Suprema ang mag-asawa ng writ of amparo (proteksyon laban sa sarbeylans at panggigipit mula sa AFP), kasama ng iba pang kasapi ng COURAGE.

Noong hatinggabi ng Agosto 8, hinarang ng Bureau of Immigration at hindi pinapasok sa bansa si Prof. Gill Boeringer, isang Australian na propesor, sa dahilang dumalo diumano siya sa mga rali laban sa APEC noong 2015. Pinwersa siyang bumalik sa Australia noong Agosto 14, matapos ng isang linggong pamamalagi sa loob ng paliparan. Myembro si Prof. Boeringer ng International League of Peoples’ Struggles (ILPS) at aktibong sumusuporta sa mga pakikibaka ng masang anakpawis sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kabilang siya sa listahan ng mga myembro ng ILPS, kapwa dayuhan at Pilipino, na bawal nang papasukin sa bansa. Direkta itong paglabag sa karapatan ng mga indibidwal at mamamayan na lumahok sa anumang mga pagkilos para sa pagsusulong ng batayang mga karapatang-tao at pundamental na mga kalayaan.

Kontra-opensiba sa ligal

Matagumpay na naipabasura ng mga abugado ng apat na aktibista ang pagbibilang sa kanila sa listahan ng mga “terorista” na inilabas ng rehimeng Duterte noong Nobyembre 2017. Pinirmahan ng Manila Regional Trial Court noong Hulyo 27 ang isang resolusyong nagsasaad na hindi maaaring papanagutin sina dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna, Rafael Baylosis, Victoria Lucia Tauli-Corpus at Jose Melencio Molintas sa kaso ng pagdedeklara sa Partido Komunista ng Pilipinas at BHB bilang mga “teroristang organisasyon.” Ito ay dahil nakatuon ang naturang deklarasyon sa “organisasyon, asosasyon o grupo ng mga indibidwal” at hindi sa partikular na mga indibidwal. Ang apat ay kabilang sa 600 indibidwal na ipinadedeklara ng Department of Justice bilang mga terorista sa isang kasong isinampa nito noong Pebrero.

Noong Agosto 8, ibinasura naman ng korte sa Nueva Ecija ang gawa-gawang kaso ng pagpaslang laban sa apat na dating kongresista ng blokeng Makabayan. Ipinakansela rin nito ang mandamyento de aresto laban kina Satur Ocampo, Teddy Casiño, Liza Maza at Rafael Mariano. Ito ay pagkatapos maghain ng P2 milyong pabuya ang mga alipures ng rehimeng Duterte para ituro ang kinaroroonan ng apat bago ang araw ng pagdinig.

Ayon sa Karapatan, umabot na sa 700 ang mga iligal na inaresto ng rehimeng US-Duterte. Nasa 129 mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao ang iligal na inaresto at sinampahan ng mga kaso mula nang itayo ang Inter-Agency Committee on Legal Action (IACLA) noong Oktubre 2017. Ang IACLA ay ahensyang binubuo ng mga upisyal ng militar at pulis.

Mga magsasaka, pinatay sa mga operasyong kombat ng AFP