Mga martir ng PKP-Panay, pinarangalan
Pinararangalan ng National Democratic Front (NDF)-Panay at ng buong rebolusyonaryong kilusan ang pitong myembro ng komite sa propaganda at edukasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa isla ng Panay.
Ang pitong kasama ay brutal na minasaker ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulis noong Agosto 15, hatinggabi, sa Barangay Atabay, San Jose, Antique.
Sina Felix Salditos (Ka Dudi), Eldie Labinghisa (Ka Ipoy), Peter Mecinas (Ka Elton), Karen Ceralvo (Ka Liway), Liezl Bandiola (Ka Mayang), Jason Talibo (Ka Bebe) at Jason Sanchez ay maituturing na kabilang sa pinakamahuhusay na anak ng bayan. Inialay nila ang pinakamabunga at produktibong mga taon sa pagsisilbi sa mamamayan at pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan sa Panay.
Ang apat sa pitong martir ay mga kadre sa propaganda at kultura. Nagsilbi sa rebolusyon si Salditos sa loob ng 40 taon bilang makata, dibuhista at pintor. Kilala siya sa sagisag sa panulat na si Mayamor, at kamakailan bilang Maya Daniel sa social media. Gumampan siyang patnugot ng pangmasang pahayagan ng Panay, ang Dabadaba, at dibuhista ng komiks nitong Caduy. Ginagamit ng buong rebolusyonaryong kilusan ang kanyang mga obra sa mga pag-aaral at propaganda. Mayor siyang kontribyutor ng Ulos at ng PRWC.
Si Labinghisa ay isa ring biswal na artista at makata habang sina Bandiola at Ceralvo ay paminsan-minsang nagsusulat ng tula habang gumagampan bilang mga instruktor ng mga pormal na pag-aaral ng Partido sa rehiyon.
Sa isang pahayag noong Agosto 15, mariing kinundena ni Ka Concha Araneta, tagapagsalita ng NDF-Panay, ang brutal na pagmasaker ng pinagsanib na pwersa ng 301st IBde, 61st IB at pulisya sa pitong kasama.
Inatake ng di bababa sa 100 armadong tauhan ng estado ang tinigilan nilang bahay at pinaslang sila habang natutulog. Nasa Barangay Atabay noon ang mga kasama para magsagawa ng pananaliksik at imbestigasyon sa kalagayan ng mamamayan ng Antique, ang pinakamahirap na prubinsya ng Panay.
Pinabulaanan ni Ka Concha ang nilubid na mga kasinungalingan ng AFP at PNP para pagtakpan ang ang kanilang krimen. Masaker, hindi labanan, ang naganap. Hindi armado at hindi maaaring ituring na mga kombatant ang pito. Ani Ka Concha, hindi totoong unang nagpaputok ang mga kasama. Ang tanging nagpaputok ay ang mga mersenaryong tropa, na tumigil lamang sa pagpapaulan ng bala nang tiyak na nilang patay ang lahat na nasa loob ng bahay.
Malaking kabulastugan din ang ipinakitang armas na ginamit diumano ng mga kasama para lumaban. Napakalinaw na tanim na ebidensya ang sinasabi ng pulis na granada, .38 kalibreng pistola at isang M203 granada (walang riple) na hindi naniwala kahit ang midya sa kasinungalingang lumaban ang mga kasama sa loob ng 30 minuto gamit ang mga ito. Nagpalusot pa ang PNP na maghahain lamang diumano sila ng mandamyento de aresto sa dalawa sa mga pinaslang.
Ani Ka Concha, mahirap tanggapin na sa isang iglap, nawalan ang rebolusyonaryong kilusan ng mga kasamang punung-puno ng abilidad, talento, talino at kasigasigan. “Binigyan-buhay nila, gayundin ng musika, sigla at buhay ang rebolusyonaryong propaganda at kultura para sa inaaping mamamayan, para sa tunay na kalayaan, hustisya at kapayapaan,” ani Ka Concha.
“Hindi magtatapos sa ating mga luha ang ating pagluluksa,” sabi pa ni Ka Concha. “Nanaisin ng ating mga rebolusyonaryong martir na itransporma natin ang ating pighati sa tapang at itaas ang ating mga kamao at buong lakas na isigaw na isulong ang rebolusyon!” dagdag pa niya.