Mga detatsment ng AFP, itinatayo sa NEMR
Sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, lalong pinarami ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga itinatayo nitong detatsment ng militar sa Mindanao. Partikular sa rehiyon ng Northeast Mindanao, hindi bababa sa 100 ang mga detatsment ng AFP at CAFGU. Ilan sa mga ito ay ilang dekada nang nakatayo, tulad sa Padiay, Sibagat sa Agusan del Sur; Bolhoon, San Miguel sa Surigao del Sur; Puting Bato, Cabadbaran sa Agusan del Norte; at Marga, Tubod sa Surigao del Norte. Sa kasalukuyan, mabilis na dinadagdagan ang mga ito.
Susing bahagi ng Oplan Kapayapaan at batas militar ang paglalatag ng mga detatsment na ito sa loob o paligid ng mga sibilyang komunidad. Ginagamit ang mga ito para tiktikan, takutin at gipitin ang mga sibilyan sa magkakanugnog na baryo at maghasik ng ligalig sa mga komunidad.
Ang mga detatsment na ito ay nagsisilbing gwardya ng umiiral nang mga imperyalistang negosyo at sa mga lugar na nais nilang saklawin. Instrumento ang mga ito para ipagtanggol ang mga lupa at iba pang ari-arian ng mga dayuhang korporasyon, gayundin ng mga lokal na panginoong maylupa habang sinusupil ang mga karapatan at kabuhayan ng malawak na masang magsasaka at katutubo sa kanayunan.
Sa loob ng mahabang panahon, nagsilbi ang mga ito bilang mga sentro ng mga gawaing anti-sosyal, tulad ng iligal na droga, pagnanakaw, pangingidnap at iba pang krimen.
Talamak sa mga detatsment na ito sa pangingikil sa maliliit na minero, magtotroso at iba pang maliliit na negosyo, kasabwat ang mga grupong paramilitar. Sa NEMR, kakutsaba nila ang pinakamasasahol na paramilitar tulad ng grupo nina Hasmen Acebedo, Marcos Bocales, Rico Maca at Calpet Egua. Binabayaran din sila ng malalaking kapitalista at panginoong maylupa sa pang-aagaw ng lupa para sa mga komersyal na plantasyon at mina.
Sentro ng rekrutment ng CAFGU
Nagsisilbing sentro ang mga detatsment ng sapilitang rekrutment para sa CAFGU. Lingid sa kaalaman ng taumbaryo, isinasama ng mga sundalo ang pangalan ng mga residente sa listahan ng mga dapat magpa-“clear” sa militar. Nagpapataw ang AFP ng kota sa mga upisyal ng barangay para sa mga bagong rekrut na CAFGU at sapilitang ipinaiilalim sa pagsasanay-militar. Nagpapataw din ng kota ng mga bagong rekrut ang AFP sa mga upisyal ng barangay. Ang mga hindi nakatutugon ay pinarurusahan.
Pinangangakuan ang mga rekrut ng CAFGU ng alawans pero madalas na hindi ito ibinibigay o kung ibinibigay man ay malaki na ang kinaltas ng mga upisyal. May mga pagkakataong itinuturing ng mga sundalo na “utang” ang mga sweldo ng CAFGU at pinababayaran pa sa kanila nang may 20% interes.
Ang mga tauhan ng CAFGU ay ginagawang alipin sa mga detatsment. Ginagamit din sila bilang pampain at panangga sa mga operasyong kombat.
Sa pangkalahatan, nagsisilbing mga forward deployed force ang mga detatsment sa mga lugar na pinaghihinalaan ng AFP na mga base ng BHB. Sentro ang mga detatsment na ito hindi lamang ng mga operasyong kombat, kundi pati ng mga operasyon ng mga peace and development team (PDT).
Salot sa mamamayan
Malayung-malayo sa katotohanan ang pahayag ng AFP na hiniling diumano ng mga sibilyan ang pagtatayo ng mga detatsment sa kanilang mga komunidad. Sa aktwal, aktibong nilalabanan ng mamamayan ang mga ito. Ilan lamang dito ang kaso ng pagtutol ng mga residente sa Lianga, Surigao de Sur at Lagonlong, Misamis Oriental. Dito, sapilitang nagbakwit ang mga residente ng mga komunidad na may itinayong mga detatsment para takasan ang pang-aabuso at matinding militarisasyon ng kanilang lugar.
Mahaba na ang listahan ng mga paglabag sa karapatang-tao sa mga komunidad na may detatsment ng AFP at CAFGU. Marami nang kaso ng iligal na pang-aaresto, pambubugbog, panloloob sa mga bahay ng sibilyan at pamamaslang ang naisadokumento sa mga lugar na ito. Madalas ding ipinapataw dito ang mga restriksyon tulad ng curfew at mapaminsalang mga blokeyo sa pagkain at komersyo na pumipigil sa kilos ng mga residente at umaapekto sa kanilang kabuhayan.