10 M16, nasamsam mula sa PNP-Lapinig
SAMPUNG RIPLENG M16, dalawang pistolang .9 mm, isang libong bala ng M16 at 49 piraso ng mga magasin ang nasamsam ng Bagong Hukbong Bayan-Northern Samar (Rodante Urtal Command o RUC) sa matagumpay na reyd sa istasyon ng pulis sa bayan ng Lapinig noong Agosto 10. Nakakumpiska rin ang mga Pulang mandirigma ng teleskopyo, tatlong laptop computer at mahahalagang dokumento.
Sa pahayag na inilabas ng RUC noong Agosto 12, sinabi nitong isang mariing hambalos para sa rehimeng US-Duterte ang reyd sa naturang istasyon lalupa’t nagsisilbi itong protektor ng sindikato ng iligal na droga sa Northern Samar.
Ayon kay Ka Amado Pesante, tagapagsalita ng RUC, habang ginagawang isang “killing machine” o makinarya sa pamamaslang ang Philippine National Police (PNP) sa ipokritong kampanyang Oplan Tokhang ng rehimen, imbwelto naman ang mga pulis nito sa pagnenegosyo ng iligal na droga sa maraming bayan ng prubinsya.
Gamit ang isang dump truck, nireyd ng Pulang hukbo ang hedkwarters ng pulisya. Limang minutong nakipagpalitan ng putok ang mga pulis bago sumuko. Dalawang pulis ang nasugatan.
Noong nakaraang taon pa ay nakatanggap na ng impormasyon ang BHB mula sa mga maralitang magsasaka tungkol sa pagka-imbwelto ng PNP sa iligal na droga. Dagdag pa ng RUC, ginagawang kober ng PNP ang Oplan Tokhang para sa sapilitang pagpasurender ng mga sibilyan bilang mga kasapi ng BHB.
Iniulat naman ng RUC sa hiwalay na pahayag noong Setyembre 2 ang pitong aksyong militar na isinagawa sa ilalim ng kumand nito mula Mayo hanggang Hunyo laban sa mga sundalo ng 803rd IBde. Lima sa mga opensibang ito ang isinagawa sa Silvino Lobos, at tig-isa sa Las Navas at Lope de Vega. Nabigwasan ang kaaway ng di bababa sa walong kaswalti, at nakapagsamsam ang RUC ng mga bala sa M60 at M16.