Bagong-buong batalyon, binigwasan ng BHB-Isabela

,

Binigwasan ng Bagong Hukbong Bayan-Central Isabela (Reynaldo Piñon Command o RPC) ang 95th IB, isa sa mga bagong buong batalyon ng AFP, na nasa ilalim ng 5th ID.

Umabot sa 12 ang napatay at tatlo ang nasugatan nang ambusin ng mga Pulang mandirigma isang platun ng 95th IB sa Barangay Sindon Bayabo, Ilagan City noong Agosto 16, alas-5 ng umaga. Kabilang sa mga napatay si Sgt. Junie Iyadan. Nakasamsam ng isang R4 assault rifle at 10 magasin ang BHB mula sa ambus. Bilang ganti, nagpaulan ng bomba at bala mula sa dalawang helikopter ang AFP. Nagdulot ito ng matinding takot sa mamamayan at puminsala sa kanilang kabuhayan. Dalawang kalabaw ang napatay.

Bago nito, dinisarmahan ng mga Pulang mandirigma ang mga myembro ng Task Force Kalikasan (TFK) sa Sindon Highway sa parehong barangay noong Agosto 14, alas-9 ng gabi. Ang TFK ang nangunguna sa pagpapakahoy at nagsasamantala sa mga rekurso ng kabundukan ng Sierra Madre. Nangungumpiska ang mga tauhan nito ng troso para ibenta at makinabang sa kita mula rito. Nangingikil din ang mga ito sa nahuhuli nilang maliliit na magtotroso nang hanggang P2,000 kada byahe habang P10,000 naman ang sinisingil nila sa mga magyayantok.

Inaresto rin ng BHB-Central Isabela sa parehong haywey si PO2 Danilo Maur habang ibinibyahe niya ang 3,000 boardfeet ng iligal na troso noong Agosto 15, alas-11 ng gabi. Isang aktibong ahente ng paniktik si Maur. Ginagamit niyang prente ang pangangahoy at pagtitinda para maniktik sa mga teritoryo ng gubyernong bayan. Liban dito, kilala siyang mangingikil sa ibang magtotroso at magyayantok. Nasamsam sa kanya ang isang pistolang .45.

Idineklarang POW o prisoner of war si Maur habang inimbestigahan sa kanyang mga krimen sa bayan. Pinalaya siya matapos ang tatlong araw na imbestigasyon. Boluntaryo siyang nangakong ititigil niya ang paniniktik sa taumbayan at mga kriminal na aktibidad. Ipinasa siya sa kanyang pamilya noong Agosto 19 nang alas-2 ng hapon.

Samantala, naglunsad din ng mga armadong aksyon ang mga yunit ng BHB sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ilocos Sur. Inatake ng BHB-Ilocos Sur (Alfredo Cesar Jr Command o ACC) ang hedkwarters ng 81st IB sa Barangay Bugbuga, bayan ng Sta. Cruz noong gabi ng Agosto 9. Ayon sa pahayag ni Saniata Maglaya, tagapagsalita ng ACC, isang upisyal ang napatay at isang sundalo ang nasugatan sa atake.

Ani Maglaya, ang 81st IB ay talamak sa mga pang-aabuso nito sa mga sibilyan habang nagsasagawa ng “community support program.” Nagsisilbi rin silang mga gwardya para sa proyektong hydropower dam sa bayan ng Salcedo. Maliban sa napatay at nasugatan, nasira rin ang tulugan ng mga upisyal, upisinang pang-administratibo at isang sasakyan, ayon mismo sa tagapagsalita ng 81st IB.

Masbate. Noong Agosto 24, bandang alas 7:45 ng umaga, inambus ng mga Pulang mandirigma ng BHB-Masbate (Jose Rapsing Command) ang mga pulis na nakasakay sa isang sasakyang pampatrulya sa Crossing Biyong, Masbate City. Galing ang naturang mga pulis sa kanilang detatsment sa Barangay Bayombon nang pasabugan sila ng command-detonated explosive (CDX) at pinaputukan ng BHB. Apat sa mga pulis ang nasugatan, kabilang si SPO2 Ariel Espiel.

Rizal. Dalawang elemento ng 80th IB ang malubhang nasugatan nang pasabungan ng BHB-Rizal ng CDX ang kanilang sinasakyang trak sa Sityo Tanza 2, San Jose sa Antipolo City noong Hulyo 30, bandang alas-9:30 ng umaga.

Inisnayp naman ng isa pang yunit ng BHB-Rizal noong Hulyo 28 ang mga elemento ng 59th IB na nag-ooperasyon sa Barangay Sta. Inez, Tanay, Rizal. Isang sundalo ang napatay.

Quezon. Pinaputukan ng isang yunit ng BHB-Quezon ng Southern Tagalog ang laking-kumpanyang tropa ng 80th IB sa Sityo Sari, Lumutan noong Agosto 13, General Nakar. Napatay ang dalawang sundalo at malubhang nasugatan ang dalawa pa.

Sa hapon ng araw na iyon, isang elemento ng 1st IB ang inisnayp at napatay ng isa pang yunit ng BHB-Quezon sa Barangay Cagsiay II, Mauban. Nagsisilbing protektor ng Marcbuilt Construction ang yunit ng naturang sundalo. Isa ang Marcbuilt sa mga kumpanyang nang-aagaw ng lupa ng mga magsasaka sa Laguna at Quezon.

Capiz. Apat na sundalo ng 61st IB ang nasugatan nang maglunsad ng operasyong harasment ang isang yunit ng BHB-Central Panay (Jose Percival Estocada Jr Command) noong Agosto 26 sa Sityo Naatip, Barangay Lahug. Nagsasagawa noon ng operasyong kombat ang 17-kataong yunit ng naturang yunit nang pasabugan sila ng CDX bandang alas-7:00 ng gabi.

Iloilo. Tatlong pulis ang nasugatan sa isang ambus na isinagawa ng isang yunit ng BHB-Southern Front (Napoleon Tumagtang Command) laban sa Iloilo Police Provincial Office’s 1st Provincial Mobile Force Company noong Agosto 24. Nagsasagawa noon ng kombat patrol ang mga pulis nang pasabugan sila, bandang alas-6:20 ng umaga, sa Barangay Isian, Victoria sa bayan ng Leon.

Kabilang sa mga nasugatan si Chief Inspector Abner Jordan, pinuno ng naturang yunit.

Compostela Valley. Inambus ng isang yunit ng BHB-Compostela Valley ang nagpapatrulyang tropa ng 46th IB sa Manangkol, Golden Valley sa bayan ng Mabini. Tatlong sundalo ang napatay.

Bagong-buong batalyon, binigwasan ng BHB-Isabela