Ibasura ang hungkag na OLBARMM, sumapi sa BHB—MRLO
Mariing kinundena ng Moro Resistance and Liberation Organization (MRLO) ang isinabatas na Bangsamoro Organic Law (BOL), kilala rin bilang Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (OLBARMM).
Anila, ipinasa ang OLBARMM upang linlangin ang mamamayang Moro. Sa pagbibigay ng mababaw na awtonomiya, ginagamit itong instrumento ng rehimeng US-Duterte para pahupain ang pakikibaka ng mamamayang Moro samantalang mayorya sa kanila ay dumaranas ng matinding kahirapan at kawalanghustisya. Pinirmahan ni Rodrigo Duterte ang naturang batas noong Hulyo, matapos itong iratsada sa kongreso at senado noong Mayo.
Ayon sa MRLO, laganap ang kahirapan sa mga erya ng Moro at tiyak na magpapatuloy ito sa ilalim ng bubuuing Bangsamoro. Walang nakasaad sa OLBARMM hinggil sa pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo, isa sa pangunahin at laganap na usapin sa hanay ng mayorya ng mamamayang Moro. Sa halip na reporma sa lupa, ang itatayong gubyernong Bangsamoro pa ang mangunguna sa pagbubuo ng mga patakaran para ibukas ang mga lupang ninuno sa dayuhang panananalasa.
Napatunayan na ito sa nakaraang mga taon, sa ilalim ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Ipinagmamalaki ng ARMM ang pag-unlad diumano ng rehiyon dulot ng pagpapasok sa mga kumpanyang nagmimina ng nikel at mineral, quarry, mga plantasyon ng palm oil at biomass renewable energy. Sa kabila ng nililikha nitong trabaho, nagdulot din ito nang walang kapantay na tantos ng kahirapan—aabot sa 60% ng halos apat na milyong naninirahan sa rehiyon ang maituturing na mahirap.
Kasapakat ang mga naghaharing uring Moro, ilalako ng OLBARRM sa mga kumpanyang dayuhan ang yaman at rekurso ng rehiyon. Iginawad na nito sa Malaysian Gas Petronas, kumpanyang US na nakabase sa Malaysia, ang bilyun-bilyong halaga ng langis sa Liguasan Marsh. Ibebenta naman sa mga multinasyunal na korporasyon at mga lokal na kumprador tulad ni Manny Pangilinan ang Lanao Lake. Patitindihin pa ng mga kumpanyang UNIFRUITTI, Dole, Del Monte, La Frutera, Nestle, Mount Kalatungan Agri Ventures Inc., at mga kumpanyang mina ang panghihimasok sa mga lupang ninuno sa mga prubinsya ng Maguindanao, Basilan, Tawi-Tawi, Sulu, Sultan Kudarat, North Cotabato at Lanao del Sur.
“Hindi na rin kagulat-gulat ang desisyon ng ilang lider ng MILF sa pagbitaw sa armadong pakikibaka, marami sa kanila sa kasalukuyan ay kabilang na sa naghaharing uri— nagmamay-ari ng malalawak na plantasyon ng saging at oil palm sa mga bayan ng Sultan Kudarat, Sultan Mastura, Datu Odin Sinsuat at Upi sa Maguindanao. Ang iba naman ay may mga mall, hotel at restawran sa Cotabato at Davao,” ani Ka Jihad Al-Qursi, tagapagsalita ng MRLO.
“Dahil dito, napakadali sa kanila na isuko ang armadong pakikibaka dahil sila mismo ay makikinabang sa OLBARMM samantalang ang mayorya sa mamamayang Moro ay lugmok sa kahirapan.”
Dagdag pa ng MRLO, ang totoo, walang puknat ang mga operasyong militar ng rehimeng US-Duterte laban sa mamamayang Moro sa gitna ng pakikipag-usapang pangkapayapaan nito sa MILF. Sa tabing ng gera laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, ang grupong humiwalay sa MILF, tuluy-tuloy ang pambobomba sa Liguasan Marsh sa panahon ng Ramadan. Lumikas ang may 20,000 pamilya dahil dito.
Pinulbos din ni Duterte ang Marawi City na nagresulta sa pagbakwit ng may 323,000, pagkawasak ng mga tahanan at gusali at pagkakasawi ng libu-libong sibilyan. Sa gitna ng “pakikipagnegosasyon” ng rehimeng Duterte, tinambakan nito ng mahigit 30 batalyon ng AFP ang ARMM sa layuning gapiin ang armadong grupong Moro tulad ng BIFF, MNLF at MILF. Nagpapatuloy ito hanggang sa kasalukuyan.
Ani Al Qursi, walang dapat ipagdiwang ang mamamayang Moro sa pagkakapasa ng OLBARMM. Hindi nito nireresolba ang panawagan ng mamamayang Moro para sa karapatan sa sariling pagpapasya, panawagan para sa hustiya at paggiit ng kontrol sa kanilang mga teritoryo at lupang ninuno. Bigo rin ang OLBARMM na tugunan ang kahilingan ng mamamayang Moro para sa pagbubungkal ng sariling lupa, wakasan ang diskriminasyon laban sa mga Moro at kalayaan laban sa reaksyunaryong rehimen na pinamumunuan ni Duterte sa kasalukuyan.
Sa halip na hustisya, palalayasin ng rehimen at iilang pamilyang Moro ang mamamayan, sa anumang paraan. Titindi ang kahirapan at kagutuman. Libu-libong Moro ang mapipilitang ibenta ang kanilang lakas paggawa sa murang halaga upang makakain habang nagkakamal ang mga korporasyon ng ganansya.
“Nananawagan kami sa mamamayang Moro na ipagpatuloy ang armadong pakikibaka sa kabila ng prubisyon ng OLBARMM na magbaba ng armas ang BIAF. Ang pagdedekomisyon (pagsusuko ng armas) sa BIAF ay taktika lamang ng rehimen na tanggalan ng kakayahan na magtanggol ang mga komunidad ng Moro laban sa pwersa ng estado at mga korporasyon na naghahangad na dambungin ang lupa at yaman ng Bangsamoro,” ani Al Qursi. Ang BIAF (Bangsamoro Islamic Armed Forces,) ang nakatayong armadong hukbo ng MILF.
Hinimok din ng grupo ang mga kapwa Moro na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, ang tunay na hukbo ng mamamayang Pilipino at Bangsamoro. Bukas din ang MRLO na makipagtulungan sa mga elemento ng MILF, BIFF at iba pang grupong Moro para muling isulong ang armadong pakikibaka hanggang makamit ang kalayaan sa kontrol ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Kaisa ang mamamayang Moro sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya.
Ani Al Qursi, pinatunayan na ng kasaysayan na hindi natatamo ang pagsasarili at sariling pagpapasya sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa reaksyunaryong estado. Tanging sa armadong pakikibaka makakamit ang tunay na hustisya at kalayaan.