Krisis sa bigas at pagkain, ginagamit para sa todong liberalisasyon
Bagamat isang bansang agrikultural ang Pilipinas, nagsisikip ngayon ng sinturon ang mga Pilipino dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo at mahigpit na kontrol ng malalaking kapitalista sa suplay ng bigas, isda at iba pang batayang pagkain.
Mula 2017, tumaas ang presyo ng bigas nang abereyds na 10% ayon sa datos ng reaksyunaryong gubyerno. Noong nakaraang buwan, natulak na magdeklara ng state of calamity ang Zamboanga City matapos pumalo sa P70-P80/kilo ang presyo ng bigas sa lunsod.
Kasabay rin nitong nagtaasan ang mga presyo ng galunggong (P160-P200/kilo, mas mataas nang P20-P60 kaysa sa abereyds na presyo sa palengke), tilapia (P130/kilo, mas mataas nang P30) at bangus (P180/kilo, mas mataas nang P30).
Itinuturing ng rehimen ang krisis sa pagkain bilang isa sa mga pangunahing salik kung bakit sumirit ang implasyon sa 6.4%, ang pinakamataas na naitala sa loob ng siyam na taon.
Subalit imbis na itulak ang pagpapalakas sa lokal na produksyon alinsunod sa prinsipyo ng seguridad at soberanya sa pagkain at agrikultura para tugunan ang nasabing krisis, isinasangkalan ito ngayon ng mga upisyal ng rehimen sa ekonomya at ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para itulak ang mas malawakang pag-aangkat ng mga produktong agrikultural alinsunod sa mga patakaran ng World Trade Organization (WTO).
Sa partikular, inilulusot nila ang pagpapatupad sa mga patakarang higit pang babaklas sa mga restriksyon sa pag-aangkat at hihila pababa sa mga taripa (buwis sa inaangkat na produkto).
Minamadali ngayon ang pagsasabatas ng Rice Tariffication Bill na tuluyang magtatanggal sa restriksyong kantitatibo (o pagtatakda ng pinahihintulutang dami) sa pag-aangkat ng bigas at sa halip ay magpapataw na lamang ng 35% taripa rito na nakatakda pang hatakin sa mas mababang antas sa darating na mga taon. Ipinatupad din ng Department of Agriculture noong nakaraang buwan ang Fisheries Administrative Order 195 na nagpapahintulot sa pag-aangkat ng 17,000 metriko toneladang (MT) galunggong.
Pakanang neoliberal
Sa ilalim ng rehimeng Ramos noong 1995, itinulak ng noo’y Senador Arroyo ang pagpirma ng Pilipinas sa Agreement on Agriculture (AOA) ng WTO. Alinsunod sa AOA, obligado ang Pilipinas na todong buksan ang bansa sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural at pagtatakda ng mababang taripa. Niratipika ng Senado ang AOA sa pamamagitan ng pagpasa ng Agricultural Tariffication Law.
Sa kabila nito, hindi agad naipatupad ang todong liberalisasyon ng bigas dahil sa mahigpit na pagtutol at paglaban ng mamamayan. Sa harap ng malawakang mga protesta, natulak ang reaksyunaryong gubyerno na kumuha ng sampung-taong ekstensyon bago baklasin ang mga kantitatibong restriksyon sa bigas.
Bagamat nanatili sa 50% ang taripa sa bigas, inobliga ng WTO ang bansa na magbukas sa minimum access volume (MAV o minimum na dami) sa pag-aangkat ng bigas. Nilimita sa 3% lamang ng kabuuang lokal na produksyon ang MAV, pero sa aktwal ay lumalampas dito ang dami ng inaangkat na bigas.
Nang muling humiling ng ekstensyon ang reaksyunaryong gubyerno noong 2004 at 2012, nagpataw ulit ang WTO ng mga tagibang na kundisyon sa pakikipagkalakalan. Sa ikalawang ekstensyon, ibinaba nito sa 40% ang taripa sa bigas, at mula 40% tungong 35% ang sa imported na karne. Sa ikatlong ektensyon, itinaas sa 7% ang MAV at ibinaba sa 35% ang taripa sa bigas. Ibinaba rin ang taripa sa karne, lamang loob ng baboy at manok at mga produktong gatas.
Sa kasalukuyan, Pilipinas na lamang ang myembrong-bansa ng WTO na mayroon pang natitirang kantitatibong restriksyon sa pag-aangkat. Sinasamantala ngayon ng rehimen ang pagsirit ng presyo ng mga produktong pagkain para bigyang matwid ang todong liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas at galunggong sa lokal na pamilihan.
Balighong lohika
Pinasinungalingan ng Ibon Foundation ang lohika na mapatatatag o bababa ang presyo ng pagkain sa pamamagitan ng dagdag na importasyon.
Ipinakita nito na may mga taon na mataas ang pag-aangkat subalit nagpatuloy ang pagsirit ng presyo. Halimbawa, tatlong taon bago mabilis na tumaas ang presyo nang P7.99 kada kilo noong 2008, nag-aangkat na ang bansa ng taunang abereyds na 1.8 milyong MT. Noong 2008-2010, nag-aangkat ang bansa ng taunang abereyds na 2.2 milyong MT, subalit patuloy na tumaas ang presyo ng bigas nang taunang abereyds na P1.20 hanggang 2016.
Wala ring regulasyon ang pamalahaan sa presyo ng inaangkat na bigas kapag ito ay ibebenta na sa lokal, dagdag ng Ibon. Maraming pagkakataon sa nakaraan na hindi sumasabay ang lokal na presyo, laluna ang tingiang presyo sa galaw ng presyo sa pandaigdigang pamilihan. May mga panahon na habang pababa ang galaw ng pandaigdigang presyo ng bigas, pataas ito sa lokal. Malaki ang papel dito ng mga komersyanteng kumokontrol sa suplay at presyo ng bigas at pagtanggi ng gubyerno na pangalagaan ang interes ng mamimili laban sa labis na pagtaas ng presyo.
Malinaw na pawang pakana lamang ng rehimeng US-Duterte ang mga programa nito sa pag-aangkat para isagad ang liberalisasyon sa mga subsektor ng agrikultura na may natitira pang proteksyon, alinsunod sa dikta ng WTO. Patunay lamang ito na walang plano ang reaksyunaryong gubyerno na palakasin ang lokal na produksyong agrikultural at sa halip ay patuloy lamang nitong pananaigin ang mga neoliberal na kasunduan sa kalakalan na malaon nang ginagamit ng mga imperyalista para igapos ang Pilipinas sa kanilang dominasyon.