Mabilis na lumalala ang krisis sa ekonomya

,

Lalo pang mabilis na sumisidhi ang krisis sa kabuhayan ng mamamayang Pilipino at sumasadsad ang atrasadong ekonomya ng Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Duterte. Mabilis na lumulubha ang dinaranas nilang pang-aapi at pagsasamantala sa ilalim ng mga patakarang neoliberal na nagsisilbi sa malalaking kapitalistang lokal at dayuhan, mga panginoong maylupa at burukratang kapitalista.

Mula simula ng taon, walang-awat at mabilis na sumisirit ang presyo ng pagkain at iba pang mga saligang pangangailangan. Nitong Agosto, pumalo na sa 6.4% ang implasyon, pinakamabilis na pagsirit ng presyo sa halos isang dekada. Pinakamasakit sa bulsa ng mamamayan ang pagtaas ng presyo ng bigas. Tuluy-tuloy din ang pagtaas ng presyo ng diesel at ibang mga produktong petroloyo.

Laganap ang disempleyo. Hindi bababa sa 11 milyon ang wala at kulang ang trabaho. Sa sektor ng agrikultura, hindi bababa sa 723,000 hanapbuhay ang iniulat noong Abril na nawala. Lalong lumalaki ang agwat ng sahod ng mga manggagawa sa minimum na halagang kailangan para sa disenteng pamumuhay.

Wasto na tuwirang isinasakdal ng mamamayang Pilipino si Duterte na nasa likod ng walang-awat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa pagpapataw ng pabigat na mga buwis sa ilalim ng batas na TRAIN. Taliwas sa kanyang pangakong “maalwang buhay,” pawang dagdag na pasanin at pahirap ang hatid ng TRAIN, gayundin ng mga kaltas sa subsidyo at iba pang patakaran ni Duterte. Ipinagpapatuloy lamang niya ang dati nang mga programa at patakaran ng nagdaang mga rehimen. Hindi bago ang itinutulak niyang “Build, Build, Build” liban sa nais niyang baklasin ang dating mga pamantayang tiyak na magbibigay-daan sa malawak na korapsyon. Ang krisis sa kabuhayan ng mamamayang Pilipino ay lumulubha kasabay ng patuloy na pagsadsad ng ekonomya ng Pilipinas. Simula ngayong taon, lumitaw ang mga palatandaan na tutungo ang ekonomya ng Pilipinas sa bingit ng masidhing krisis.

Sumisirit ang depisito sa kalakalan ($19.1 bilyon nitong unang hati ng taon, pinakamalaking kalahating taong depisito sa kasaysayan), ang depisito sa balanse sa bayaran ($3.7 bilyon sa unang pitong buwan, halos tatlong ulit na mas malaki kumpara sa parehong panahon noong 2017) at ang depisito sa badyet ng gubyerno (P279.4 bilyon, 36% na mas mataas kumpara sa ganoon ding panahon noong 2017).

Pilit pinagtatakpan ng rehimen at ng mga reaksyunaryong teknokrata ang ugat ng krisis sa ekonomya. Walang sawa sila sa pagsabing “matatag ang pundasyon” ng ekonomya, gayong ang katotohana’y nagnanaknak ang pinaka-ubod ng ekonomya sa Pilipinas. Lalo itong nabubulok sa harap ng pandaigdigang kapitalistang krisis at paghahabol ng mga monopolyong kapitalista na humuthot ng tubo sa pamamagitan ng pagtupad ng mas malalalang anyo ng pagsasamantala.

Atrasado at hindi nakatatayo sa sariling paa ang lokal na ekonomya. Pinaghaharian ng dayuhang malalaking kapitalista ang lokal na produksyon na nakasentro sa iilang tinaguriang “economic zones.” Nakasalalay ito sa importasyon at nakatuon sa pag-eeksport. Hindi ito nag-aambag sa pag-unlad ng lokal na kapasidad sa produksyon at di tumutugon sa lokal na mga pangangailangan. Ang mamumuhunang dayuhan ay hindi pinagbabayad ng buwis sa kanilang kita at mga kinukonsumong produkto o serbisyo.

Sinusupil ang batayang karapatan ng mga manggagawa upang ipailalim sila sa pinakamalalalang anyo ng pagsasamantala. Ang nililikhang halaga ng mga manggagawa ay hindi naiaambag sa paglago ng lokal na ekonomya bagkus ay iniluluwas lamang sa internasyunal na assembly line ng malalaking korporasyon multinasyunal.

Hinuhuthot ng mga dayuhang malalaking kapitalista ang lokal na rekurso. Malalawak na lupain ang inaagaw o ipinagkakait sa mga magsasaka at minoryang mamamayan para dambungin ang yamang mineral at gamitin sa malalawak na plantasyon ng mga tanim na pang-eksport. Daan-daan libong ektarya ang ipinagkakait sa produksyong pampagkain para sa lokal na pagpoproseso at konsumo. Atrasado ang lokal na produksyong agrikultural. Kulang na kulang ng pasilidad sa irigasyon at mga makinarya sa pagbubungkal, pagtatanim, pag-ani at pagmomolino. Halos walang subsidyo ang gubyerno sa agrikultura.

Isang malalim na sugat ang krisis sa kabuhayan na iniinda ngayon ng buong sambayanan. Walang saysay ang pantapal na mga hakbangin ng rehimen tulad ng pagbibigay ng mga subsidyo at iba pa. Tiyak na lalong titindi rin ang paglaban ng mamamayan sa susunod na mga buwan.

Mabilis na lumalala ang krisis sa ekonomya