Mga sibilyan, minasaker ng mga pasistang tropa ng India
Labinlimang sibilyan ang minasaker ng mga pulis ng India noong Agosto 6 sa baryo ng Nulkatong sa bayan ng Sukma, Chattisgarh. Para pagtakpan ang krimen, pinalabas ng mga pulis na armado at mga kasapi ng milisyang bayan ng Communist Party of India (CPI)-Maoist ang naturang mga sibilyan. Pinabulaanan ito ng mga kamag-anak at kababaryo ng mga biktima.
Noong Agosto 8, kinasuhan ng grupong tagapagtanggol ng karapatang-tao ang mga salaring pulis.
Ayon sa mga pulis, nakipagpalitan ng putok ang mga sibilyan at nakakumpiska pa diumano sila ng 13 mababang kalibreng armas mula sa pinangyarihan. Dinamitan din nila ng unipormeng komoplahe ang isa sa mga napaslang, ang 14-anyos na si Muchaki Muka. Ipinagmalaki ng reaksyunaryong estado ng India ang masaker bilang “pinakamalaking operasyon” laban sa mga Naxalista (katawagan sa mga Maoista sa India) sa estado ng Chhattisgarh. Ang Chattisgarh ay bahagi ng tinaguriang “Red corridor,” mga lugar na malakas ang presensya ng CPI-Maoist at ng armadong hukbo nito, ang People’s Liberation Army.
Pero ayon sa imbestigasyon ng Scroll.in, isang independyenteng midya sa India, natutulog sa isang “kheta” o “ladi,” isang kubo na pansamantalang tinitigilan ng mga magsasaka tuwing panahon ng pagtatanim at ani, ang 30 katao nang paulanan sila ng bala ng mga pulis. Sa 15 napatay, apat ang menor de edad. Apat ang inaresto, isa ang malubhang nasugatan habang nakatakas ang natitira. Sa listahang inilabas mismo ng CPI-Maoist, wala ni isa sa kanila ay myembro ng kanilang hukbo o ng kanilang milisya. Napatunayan ng imbestigasyon mismo ng mga pulis na ang “ilan” sa mga biktima ay hindi Maoista.
Pinabulaanan naman hindi lamang ng mga kamag-anak ng mga biktima, kundi pati ng kanilang mga kababaryo, na mga sibilyan ang minasaker ng mga pulis. Kabilang dito tatlong magpipinsan na menor de edad, na sumama lamang sa kanilang ama at tiyuhin. Katunayan, dalawa lamang ang may balak matulog sa kheta noong gabing iyun. Dumami lamang sila nang magsimulang mag-operasyon ang mga tropa ng pulis sa Nulkatong at kalapit na mga baryo.
Ayon pa sa kamag-anak ng mga biktima, tumigil ang 30 sibilyan sa naturang kheta para takasan ang pang-aabuso ng mga pulis na nagsimulang mag-operasyon sa Nulkatong at mga kanugnog na lugar sa simula ng Agosto. Madalas, arbitraryong kinukulong at binubugbog ng mga pulis ang mga lalaking residente kapag pumapasok sila sa lugar. Ninanakaw din nila ang bigas at manok ng taumbaryo.
Sa kaugnay na balita, dumadami ang mga organisasyon sa loob at lakbas ng India na bumabatikos kay Nahendra Modi, punong ministro ng bansa, sa isinasagawa niyang crackdown sa mga aktibista para supilin ang mga lehitimong protesta laban sa mga patakaran ng kanyang rehimen.
Naglunsad ng serye ng reyd at pang-aaresto ang pulis ng India sa anim na estado laban sa mga lider ng komunidad, pati ang kilalang mga intelektwal noong Agosto 28.
Inaresto at idinitine nito sina Sudha Bharadwaj, abugado at tagapagtanggol ng karapatang tao; Varavara Rao, kilalalang manunulat at makata at kanyang dalawang anak na babae na sina Anala at Pavana; Arun Ferreira, manunulat at aktibista; reporter at aktibistang si Gautam Navlakha; Vernon Gonsalves, manunulat at aktibista; Stan Swamy, paring Katoliko at aktibista; Anand Teltumbde, propesor at dalubhasa; K.
Satyanarayana, propesor; KV Kurmanath at Kranti Tekula, mga peryodista; at Jiten Yumnam, peryodista at tagapagtanggol ng karapatang-tao. Inaresto sila sa batayan lamang ng suspetsa na sangkot sila sa gawa-gawang kwento ng planong asasinasyon kay Modi at pangunguna diumano sa protesta noong nakaraang taon para suportahan ang mga Dalit, ang kolektibong katawagan sa mga pambansang minorya ng India. Inakusahan din silang tagasuporta ng CPI-Maoist at ng armadong hukbo nito, ang People’s Liberation Army, na pangunahing nakabase sa lugar ng mga Dalit.
Umabot sa 12 organisasyon mula sa India, Nepal, Germany, Bangkadesh at Pilipinas ang pumirma sa petisyon para ibasura ang gawa-gawang mga kaso laban sa mga aktibista at kagyat silang palayain.
Nanawagan din noong Agosto 17 ang ILPS-Canada na agaran at walang kundisyong palayain sina G.N. Saibaba, kasama ang “India 5” at lahat ng bilanggong pulitikal sa India kaugnay sa ika-72 taong kalayaan ng India.
Si Saibaba ay kilalang propesor ng literatura sa Delhi University. Ang limang aktibista naman ay masusugid na tagapagtanggol ng karapatang-tao, laluna ng mga Adivasi, ang kolektibong katawagan sa mga katutubo sa bansa. Inaresto sila noong Hunyo 2017.
Hinatulan si Saibaba ng taong ding iyon ng habambuhay na pagkabilanggo, kasama sina Hem Mishra, Prashant Rahi, Mahesh Tirki at Pandu Narote. Pinaratangan silang may kaugnayan sa mga Maoista. Nakakulong ngayon si Saibaba sa notoryus na bilangguan ng Nagpur sa kabila ng kanyang lumalakang karamdaman.