Militar at pulisya, nananalasa sa kapuluan

,

Tatlong kasapi ng isang organisasyong magsasaka sa Compostela Valley ang magkakasunod na pinatay ng mga tauhan ng estado nitong Agosto sa ilalim ng nagpapatuloy na lagim ng batas militar sa Mindanao. Sa iba pang panig ng bansa, naghahari rin ang teror ng iba pang yunit ng militar at pulis.

Pagpatay. Sa Compostela Valley, binaril at pinatay ng mga elemento ng 66th IB si Rolly Panebio, 46, aktibong kasapi ng Compostela Farmers Association (CFA) noong Agosto 18, dakong alas-10:30 ng gabi. Katatapos lamang ni Panebio ng kanyang trabaho bilang boluntir na istap panseguridad ng Salupongan Ta Tanu Igkanugon Community Learning Center sa Barangay Bango nang dumating ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo. Dinala ng mga lalaki si Panebio ilang metro ang layo mula sa paaralan at doon siya binaril.

Bandang tanghali kinabukasan, binaril at pinatay din ng mga elemento ng 66th IB ang mag-asawang Gilbert at Jean Labial, parehong kasapi rin ng CFA. Pauwi ang mag-asawa mula sa burol ni Panebio nang makita ni Gilbert ang dalawang lalaking nag-aabang malapit sa kampo ng 66th IB sa Sityo Balite, Barangay Banakon ng parehong bayan. Ipinihit ni Gilbert ang kanyang motorsiklo pabalik pero hinabol sila ng mga salarin at pinagbabaril hanggang mamatay.

Si Panebio at ang mag-asawang Labial ay aktibong lumaban sa pagmimina at militarisasyon sa kanilang lugar. Dati na silang pinaratangan ng mga sundalo bilang mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at sapilitang pinasurender noong Pebrero at Marso.

Sa Negros Oriental, pinagbabaril hanggang mapatay si Heide Malalay Flores noong Agosto 21, pasado alas-6 ng gabi sa Poblacion, Guihulngan City. Isang dating aktibista si Flores at kilalang matulungin sa mamamayan laluna sa mahihirap na magsasaka. Noong 2017, pinagbantaan si Flores ng grupong vigilante na Kawsa sa Guihulnganon Batok Druga ug Komunista matapos ang matagumpay na ambus ng BHB laban sa PNP.

Sa Cebu, pinatay sa pamamaril noong Agosto 8 si Butch Rosales, 42, isang tagapagtanggol ng karapatang-tao at boluntir ng Rise Up Cebu. Nakasakay sa unahan ng dyip papuntang Punta Engaño, Lapu-Lapu City si Rosales nang siya ay pagbabarilin ng suspek na umupo sa likuran niya. Tumakas ang salarin sakay ng isang nag-aabang na motorsiklo.

Sa Pangasinan, pinatay ng mga elemento ng PNP Regional Office 1 ang menor de edad na si Joshua Laxamana, 17, habang pauwi sa Tarlac City ang binatilyo at ang kanyang kaibigan na si Julius Sebastian, 15. Nanggaling ang magkaibigan sa Baguio City para dumalo sa isang paligsahan ng DOTA (laro sa kompyuter). Huli silang nakita sa Sison, Pangasinan noong Agosto 16 na nag-aabang ng sasakyang maaangkasan pauwi. Kinabukasan, ibinalita ng PNP na napatay umano nila si Laxamana nang “manlaban” ito. Pinalabas pa ng PNP na imbwelto ang menor de edad sa mga pagnanakaw sa Pangasinan, may dalang baril at shabu, at tumalilis sa tskepoynt sakay ng motorsiklo. Hindi pa rin inililitaw ng PNP si Sebastian.

Bigong pagpatay. Tinangkang patayin sa pamamaril ng armadong lalaki noong Setyembre 4, bandang alas-6 ng umaga si Victor Ageas, lider ng Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farms-Kilusang Mayo Uno sa Compostela, Compostela Valley. Ayon mismo kay Ageas, nagmamaneho siya ng motorsiklo papunta sa plantang pinapasukan nang sundan siya ng apat na lalaking nakamotorsiklo at sinalubong ng apat pa sa kahabaan ng Crossing Blanco. Pinaputukan si Ageas nang dalawang metro lamang ang layo ng mga salarin.
Itinuturong motibo ng KMU ang plano ng NAMASUFA na maglunsad ng welga laban sa Sumifru dahil sa pagbalewala ng kumpanya sa CBA o collective bargaining agreement na pinamumunuan ng unyon.

Iligal na pag-aresto. Noong Setyembre 2, tatlong magsasaka sa Barangay Calumpit, Lobo, Batangas ang iligal na inaresto ng mga sundalo ng 2nd ID na nakakampo sa gitna ng kabahayan ng naturang baryo. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, inaresto sina Marwin de Rafael, Santi Ticatic at Joselito Flores at kasalukuyang nakakulong sa PNP Lobo. Mahigpit na nilalabanan ng mamamayan ng Lobo ang planong pagtatayo ng kumpanya sa mina sa bayan.

Isinagawa ang iligal na pang-aaresto sa parehong araw matapos ang pagdepensa ng BHB-Batangas laban sa atake ng 1st IB sa Sityo Silyaran ng parehong barangay. Pinasabugan ng bomba at pinaputukan ng mga riple ng BHB ang mga tropa ng militar na nagresulta sa ilang kaswalti sa kanilang hanay.

Noong Agosto 11, inaresto si Arnold Albarillo ng dalawang pulis na nakasibilyan sa Barangay Calsapa at dinala sa kampo ng Provincial Public Safety Battalion sa Barangay Tacligan, San Teodoro, Oriental Mindoro. Ipinailalim siya sa interogasyon sa loob ng dalawang oras bago dinala sa PNP San Teodoro. Idinetine siya sa mga kasong pagpatay, tangkang pagpatay at rebelyon.

Galing si Albarillo sa isang pamilyang matagal nang ginigipit ng estado. Ang kanyang magulang at nakatatandang kapatid ay biktima ng tortyur at pagpatay ng militar. Noong Abril 2002, sa ilalim ng malagim na pamumuno ng noo’y Col. Jovito Palparan sa Mindoro, inakusahang kasapi ng BHB at pinatay ang kanyang mga magulang na sina Manuela at Expedito, na noo’y mga mga koordineytor ng Bayan Muna. Noong 2012, pinatay ng 74th IB si Armando Albarillo, kuya ni Arnold at dating pangkalahatang kalihim ng Bayan-Timog Katagalugan.

Samantala, noong hapon ng Agosto 15, iligal na inaresto ng mga pulis si Mylene Santua, dating tagapagsalita ng grupong Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (CLAIM), sa Barangay Pagsangahan, San Francisco, Quezon. Nananawagan ang CLAIM na ibalik ang mahigit P200 bilyong pondo ng coco levy sa mga magniniyog. Buntis si Santua at magpapatingin sana sa duktor nang siya ay hulihin. Kasalukuyan siyang nakadetine sa Barangay Malamig sa parehong bayan.

Pambobomba. Nagdulot ng matinding takot sa mga estudyante ng Salugpungan Ta Tanu Igkanugon Learning Center ang pambobomba ng 10th ID noong Agosto 27 sa Barangay Dagohoy, Talaingod, Davao del Norte. Ihinulog ng Philippine Air Force ang mga bomba nito malapit lamang sa paaralan kung saan kasalukuyang nagkakaroon ng klase ang mga bata.

Militarisasyon. Sa Isabela, okupado ng 54th IB ang Barangay Sta. Isabel, Jones mula pa noong Hulyo. Pinamumunuan ng isang Lt. Amilao ang pagsasagawa ng operasyong “community support program” sa ilalim ng Oplan Kapayapaan. Resulta nito, samu’t saring paglabag sa mga karapatan ng taumbaryo ang naitala, kabilang ang sapilitang pagpasok at iligal na panghahalughog ng kabahayan, pagsira ng mga taniman, paniniktik at pag-akusa sa mga residente bilang mga kasapi o tagasuporta ng BHB. Nagpataw din ng curfew ang mga sundalo. Maliban sa 54th IB sa Jones, inooperasyon din ng 86th IB at 95th IB ang mga bayan ng San Agustin at San Guillermo.

Sa Negros, tumindi ang mga paglabag ng 303rd IBde sa karapatan ng mamamayan ng isla mula nang madestino dito ang 15th IB at 94th IB nitong unang hati ng taon. Maliban ito sa pananalasa ng 62nd IB sa ilang bayan ng isla. Pinamumunuan ni Col. Alberto Desoyo ang 303rd IBde.

Tuluy-tuloy ang operasyong militar ng 15th IB sa South Negros, partikular sa mga bayan ng Hinobaan, Ilog, Candoni, Sipalay City at Basay mula pa Marso. Ayon kay Ka Juanito Magbanua ng BHB-Negros Island, ang mga operasyon ng 15th IB ay nagsisilbing paghahanda para sa gaganaping pagsasanay-militar na Balikatan sa Oktubre. Sa mga baybay-dagat na mga barangay ng Asia at Sangke, at sa hangganan ng Hinobaan at Ilog, inutusan ng mga sundalo ang mga residente na wasakin at lisanin ang kanilang mga bahay sa bukid.

Kabilang din sa mga krimen ng 15th IB ang pambubugbog at sapilitang pagpapagiya sa apat na magsasaka; paniniktik at pagtarget sa mga residenteng inilista ng militar bilang mga kasapi o tagasuporta ng BHB; pagsira sa mga palayan, pananim at ani; pagbabawal sa mga residente na pumunta sa kanilang mga bukid; at pagpakawala sa mga alagang hayop na dahilan ng pagkamatay ng ilan sa mga ito.

Sa Central Negros, mala-halimaw na inatake ng mahigit 100 sundalo ng 94th IB ang mga syudad ng Guihulngan at Canlaon, at mga bayan ng Magallon (Moises Padilla) at Isabela. Dagdag pa ng BHB-Negros, nagpapanggap na mga Pulang mandirigma ang mga elemento ng 94th IB at sapilitang pumapasok sa mga bahay at nananakot sa mga residente. Dahil dito, hindi makapunta sa kanilang mga sakahan ang taumbaryo.

Halos limang buwan na ring okupado ng 62nd IB ang dalawang barangay sa Mabinay, dalawa pa sa Manjuyod, at ilan sa Ayungon. Ginagamit bilang kampo ng mga sundalo ang mga barangay hall at iba pang sibilyang istruktura, sapilitang pinapasok ang mga bahay ng mga residente at pinasusurender sila bilang mga kasapi ng BHB.

Militar at pulisya, nananalasa sa kapuluan