Operasyon ng 2 kumpanya sa mina, pinaralisa ng BHB

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

PINARALISA NG BAGONG Hukbong Bayan (BHB) ang mapangwasak na mga operasyon ng dalawang malaking kumpanya sa pagmimina noong Agosto sa mga bayan ng Las Nieves, Agusan del Norte at San Mateo, Rizal.

Isang dredger (barkong ginagamit sa pagmimina ng black sand at iba pang mineral sa Agusan River) ang sinunog ng isang yunit ng BHB sa Purok 1-B, Barangay Lingayao, Las Nieves noong Agosto 24 ng gabi. Pinasok ng mga Pulang mandirigma ang dredger na nakadaong noon sa pampang. Pinababa nila ang apat na tripulante kabilang ang kapitan ng dregder. Dinisarmahan nila ng hawak na shotgun ang isang gwardya bago sinunog ang barko.

Pagmamay-ari ng Ark Green Dynamic Resources Corporation ang naturang dredger. Ang operasyon nito ay nakapangwawasak sasa Agusan River. Nagpuproseso rin ang korporasyong ito ng mga dumi mula sa pagmimina pabalik sa Agusan River.

Samantala, pinaralisa ng BHB-Rizal noong Agosto 12 ang makinarya ng Monte Rock Corporation, isang kumpanya ng quarry, na imbwelto sa mapanirang pagmimina sa Barangay Guitnang Bayan 2, San Mateo, Rizal.

Ayon sa BHB-Rizal, ang dalawang oras na reyd ay aksyong pamarusa laban sa kumpanya na ilang taon nang nagmimina ng bato sa bulubunduking bahagi ng Rizal. Ang mga operasyon nito ay nagdudulot ng malawakang pagbaha hindi lamang sa San Mateo kundi maging sa mga lunsod ng Marikina at sa Metro Manila. Inilunsad ang reyd kasunod ng malawakang pagbaha sa San Mateo bunsod ng Bagyong Karding.
Sinira ng BHB ang walong dump truck, dalawang buldoser, dalawang payloader, apat na backhoe, apat na van at mga gamit-upisina. Dinisarmaan din nila ang mga gwardya ng kumpanya. Nasamsam mula sa kanila ang dalawang shotgun, tatlong pistolang .38 at limang radyong pangkomunikasyon.

Operasyon ng 2 kumpanya sa mina, pinaralisa ng BHB