Pagbawi sa lupang ninuno ng mga Manobo

,

SAMA-SAMANG INOKUPA at binungkal ng may 3,000 Manobo, sa pangunguna ng KASILU (Kaugalingong Sistema Igpasasindog to Lumadnong Ugpaan) ang 200-ektaryang lupa sa Barangay Cawayan, San Fernando, Bukidnon noong Septyembre 4. Ang lupang ito ay inaagaw nina Paquet Albona, Toto Espidoza at Bennie Elumba.

Limang dekada na ang nakalipas nang agawin sa mga Manobo ang kanilang lupang ninuno. Noon ay bihira lamang silang magutom sapagkat mayroong sapat na pagkain mula sa kanilang sakahan. Nakasanayan na nila ang sistemang “hunglusay” o tulungan sa pagsasaka. Sa lupang ninuno din nila nakukuha ang mga gamot para sa kanilang mga karamdaman, malinis na tubig at mga gamit para sa pagtatayo ng bahay.

Ayon kay Datu Ekil Amas, secretary ng KASILU sa San Fernando, “tanging sa nagkakaisang pagkilos lamang namin mababawi ang aming lupang ninuno.”
Ang mga lumahok sa pagkilos ay nagmula sa 12 komunidad ng Manobo mula sa mga barangay ng Magkalungay, Cawayan at Poblacion.

Sa Norzagaray, Bulacan, naglunsad din ng kolektibong bungkalan ang may 60 pamilyang magsasaka sa bahagi ng 75 ektarya ng Barangay San Mateo na inaangkin ng Royal Mollucan, isang kumpanya sa real estate. Ang mga magsasaka ay kabilang sa Samahan ng mga Magbubukid sa Compra at mula pa nitong Setyembre 1 ay nagtanim ng mga saging, palay at gulayin.

Nitong Setyembre 6, nilusob ng mga armadong tauhan ng Royal Mollucan ang bungkalan at pinagsisira ang mga palay, bungang-kahoy at gulay, at maging ang mga kubol ng magsasaka. Noong Setyembre 3, pinaputukan ng mga gwardya ng kumpanya ang mga magsasakang nagbubungkalan.

Pagbawi sa lupang ninuno ng mga Manobo