Pambobomba sa Mindanao, ginagagamit para sa batas militar
KINUNDENA NG PARTIDO Komunista ng Pilipinas ang mga pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat noong Agosto 28 at Setyembre 2 kung saan di bababa sa apat ang namatay at halos 50 sibilyan ang nasugatan. Kinukundena rin nito ang paggamit ng rehimeng US-Duterte sa dalawang insidente para bigyan-katwiran ang plano nitong pangalawang pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.
Nakatakdang magtapos ang batas militar sa isla sa Disyembre 31. Ngayon pa lamang, nagpahayag na ng suporta para sa pagpapalawig nito ang mga alipures at alyado ni Rodrigo Duterte. Nagbanta rin si Duterte na magpatupad ng curfew sa pambansang saklaw.
Malaking kasinungalingan ang ipinipilit ng pulis na may kinalaman ang rebolusyonaryong kilusan, partikular ang Bagong Hukbong Bayan (BHB), sa dalawang insidente ng mga pambobomba. Mahigpit na pinanghahawakan ng BHB ang kaligtasan ng mga sibilyan at taliwas sa mga prinsipyo nito ang ilagay sila sa anumang panganib.
Nagaganap ang mas malalaki pang krimen at mga paglabag sa karapatang-tao sa ngalan ng batas militar. Mahaba ang listahan ng mga kaso ng malawakang intimidasyon at pagpapasurender ng mga sibilyan, sapilitang pagrerekrut sa CAFGU, panggigipit at pamamaslang, militarisasyon at maramihang pagtatayo ng mga detatsment sa ngalan ng “kapayapaan at kaunlaran.” Biktima rin ang mga sibilyan sa mga “nakapokus” na operasyong kombat na gumagamit ng mga rocket at bomba.