7 kabataang Tausug, minasaker

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Walang-awang minasaker ang pitong kabataang Tausug, na may mga edad na 18-31, ng mga elemento ng Task Group Panther sa pamumuno ni Lt. Col. Samuel Yunque at ng 5th Scout Ranger Battalion sa pangunguna ni Capt. Michael Asistores noong hapon ng Setyembre 14 sa Kabbon Takas, Patikul, Sulu.

Kinilala ang mga biktima na sina Makrub Diray, Basirun Hayrani, Mijan Hayrani, Binnajar Asak, Salip Maknun Sakirin, Hassan Hamsam at Alpadal Diray.

Bandang alas-9 ng umaga ng Setyembre 14, nagpaalam ang pitong kabataang lalaki sa mga upisyal ng 55th IB na nag-ooperasyon sa kanilang lugar na pupunta sila sa Sityo Tubig Bato ng nasabing barangay upang mag-ani ng mangosteen at lansones. Isang “Lt. Col. Salvador” ang nagbigay ng permiso sa kanila.

Bandang alas-11 ng parehong araw, dinakip ng mga Scout Ranger ang pito. Kinabukasan, Setyembre 15, nadatnan na lamang ng kanilang mga kamag-anak ang kanilang mga walang-buhay na katawan sa himpilan ng militar sa Jolo, at iprinisinta ng mga sundalo bilang mga kasapi ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Sa isang pahayag, sinabi ng Suara Bangsamoro na ang mga biktima ay mga asawa ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa Patikul, at ang kanilang mga pamilya ay kabilang sa mga lumikas at pansamantalang naninirahan sa Barangay Igasan.

Ayon sa mga pamilya ng mga biktima, nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng ASG at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kalapit na Barangay Bakong noong Setyembre 14. Ngunit nang dumaan sa Barangay Kabbon Takas ang mga sundalo, basta na lamang inaresto ng mga ito ang pito.

Iginigiit ng AFP na mga kasapi ang pito ng ASG, kahit pa may mga testigong nagsasabing bitbit pa ng pito ang kanilang inaning mangosteen nang sila ay dakpin ng mga Scout Ranger. Isa sa mga biktima, si Alpadal Diray, ay estudyante sa Jallao National High School.

Samantala, sunud-sunod na binomba at kinanyon ng AFP Joint Task Force Central ang mga bayan ng Shariff Saydona Mustapha at Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao noong ikalawang linggo ng Setyembre. Itinaboy nito ang daan-daang residente tungo sa Libutan, Datu Salibo at Shariff Saydona Mustapha.

Nauna nang nambomba at nanganyon ang AFP noong Setyembre 5 sa Barangay Bialong, Shariff Aguak, Maguindanao. Ayon sa fact-finding team ng grupong Kawagib at Suara Bangsamoro, napatay sa nasabing insidente si Ustadz Abdulladzis Abdulrahim, 58. Malubha namang nasugatan sina Farida Asim, 48, Saiden Ismael, 23, at Sema Bido, 62.

Noong Setyembre 4, binomba rin ng AFP, katuwang ang US Army Special Forces, ang Shariff Aguak, Maguindanao, upang targetin umano ang mga nasa likod ng magkasunod na pambobomba sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat noong Agosto 28 at Setyembre 3. Nagresulta ang nasabing airstrike sa tatlong sugatang sibilyan, isang patay, at pwersahang paglikas ng libu-libong pamilya.

Kinundena ng Suara Bangsamoro hindi lamang ang sunud-sunod na pambobomba kundi ang patuloy na direktang paglahok ng mga pwersang Amerikano sa nasabing mga operasyong kombat.

Sa ibang bahagi ng bansa:

SA MALABOG, Caramoan, Camarines Sur, pinatay ng mga sundalo ng 83rd IB ang mag-asawang magsasakang sina Hermenio Aragdon, 69, at Soledad Aragdon, 60 noong Setyembre 11.

Tumungo ang mag-asawa sa kanilang bukid upang mag-ani ng tanim na saging na kanila sanang ibebenta para may pamasahe sila papunta sa pista ng Peñafrancia sa Naga City. Habang papunta sa kanilang bukid, hinarang sila ng mga sundalo at pinagbabaril. Sa pahayag ng mga sundalo sa midya, mga kasapi umano ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mag-asawa kahit pa may edad na sila, at engkwentro umano ang nangyari.

Sa tala ng Karapatan-Bicol, 51 na ang biktima ng ekstrahudisyal na pagpatay sa rehiyon sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Isang magsasakang Lumad naman ang pinatay sa pamamaril ng mga elemento ng 23rd IB sa Sityo Bulak, Lower Olave, Buenavista, Agusan del Norte noong Setyembre 15.

Ang biktimang si Rex Hangadon at ang kanyang tatay ay nagpapahinga sa isang kubo sa bukid ng kanilang komunidad nang bigla silang paulanan ng bala ng mga sundalo. Ayon sa mga testigo, binuhat ng mga sundalo ang walang-buhay na katawan ni Hangadon palabas ng kubo. Samantala, nawawala pa rin ang kanyang tatay.

Bunsod nito, lumikas ang buong komunidad tungo sa isa pang bahagi ng kanilang barangay. Dati nang lumikas ang may 38 pamilyang Higaonon noong Setyembre 7 dahil sa presensya ng militar.

Sa Masbate, naiulat ang sunud-sunod na pagpaslang sa mga sibilyan mula Agosto hanggang unang hati ng Setyembre na kagagawan ng mga elemento ng 2nd IB, 22nd IB-CAFGU, PNP Regional Mobile Force Battalion 5, at mga “rebel returnees.”

Kabilang sa mga biktima sina Nonong Capellan ng bayan ng Uson, Johnel Dejucos at Pablo Dilao ng Barangay Burgos, San Jacinto; mag-asawang Dominggito at Maria Deinla ng Barangay Resurreccion, San Fernando; Dingdong Escorel ng Barangay Cantorna, Monreal; at Ruel Nuñez ng Barangay Biyong, Masbate City.

Panggigipit. Kinundena ng mga grupong nagtatanggol sa karapatang-tao ang paglabas ng isang memorandum ng PNP Intelligence Group noon pang Mayo na nag-uutos sa pulisya sa buong bansa na mag-ipon ng impormasyon kaugnay sa mga pinagbibintangang lider ng BHB.

Kabilang sa mga nasa listahan ang ilang kilalang tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubo mula sa Cordillera na sina Victoria Tauli-Corpuz, Joan Carling, Atty. Jose Molintas, Beverly Longid, Joanna Patricia Cariño, Windel Bolinget, Jeannete Ribaya-Cawiding at Sherwin De Vera.

Sa UP Diliman, pinuntahan ng mga pulis mula sa Quezon City Police Department ang bahay ni Student Regent Ivy Joy Taroma at paulit-ulit na itinanong sa kasamahan niya ang kanyang kinaroroonan. Kinwestyon naman ng administrasyon ng UP ang walang paalam na panghihimasok ng PNP sa loob ng unibersidad.

Iligal na pag-aresto. Sa Calayan, Cagayan, inaresto ng mga pulis at militar ang mag-asawang Edison at Divina Erece at sinampahan ng gawa-gawang mga kaso noong Setyembre 3. Ang mag-asawang Erece ay aktibong mga myembro ng Amihan-Cagayan, isang organisasyon ng maliliit na magsasaka.

Militarisasyon. Sa loob ng unang dalawang linggo ng Setyembre, dalawang magsasaka ang biktima ng kalupitan ng 94th IB sa Barangay San Quintin, Moises Padilla (Magallon), Negros Occidental. Si Esoy Villahermosa, mahigit 40 taong gulang at residente ng Sityo Uway-uway, ay pinagbantaang papatayin at pwersahang isinama para magsilbing giya sa operasyong kombat ng mga sundalo. Pinahirapan si Villahermosa nang magtangka siyang tumakas.

Samantala, nilooban ang bahay at ninakaw ng mga sundalo ang pinaghirapang pera ni Eke Gempayan sa kalapit na Sityo Tibobong.

Sa Sta. Catalina, Negros Oriental, ginawang pananggalang ng mga sundalo ng 62nd IB ang mga residente ng Barangay Cawitan. Matapos ang aksyong pamarusa ng BHB-Negros sa isang mapaminsalang kumpanyang mina noong Setyembre 15, nagkampo ang mga sundalo sa Danao Elementary School at inutusan ang 20 residente, kabilang ang walong menor de edad, na bantayan sila tuwing gabi.

Inatake rin ng 24th IB, sa pamumuno ni 2Lt. Alquin Bolivar, ang mga komunidad ng katutubo sa Sallapadan, Abra. Kabilang sa kanilang mga paglabag ang pagdukot at sapilitang pagpapagiya kay Adjato Pati. Bago nito, tinutukan ng mga sundalo ang kanyang asawa at 8-taong gulang na anak upang paaminin kung nasaan siya. Sa pamamagitan ng panunuhol, panggigipit at pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso, binubuyo ng mga sundalo ang mga residente na tumestigo laban sa kanilang mga katribu.

Sa Mindoro Oriental, 58 pamilyang katutubong Hanunuo ang napilitang umalis sa Sityo Panhulugan, Barangay Panaytayan, Mansalay dahil sa presensya ng 4th IB simula noong Setyembre 10. Okupado ng mga sundalo ang eskwelahan ng barangay, at pinipigilan ang mga residente na magsaka at magdala ng kanilang mga ani sa pamilihan.

7 kabataang Tausug, minasaker