Importasyon ng bigas, papatay sa maliliit na magsasaka

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

IGINIGIIT NG MGA upisyal ng rehimeng US-Duterte na ang tanging solusyon sa nagtataasang presyo ng pagkain ay ang malawakang pag-aangkat ng mga ito. Partikular sa bigas, itinutulak ng mga upisyal ng estado ang pagtatanggal ng mga quantitative restriction (QR o espesyal na turing sa bigas na naglilimita sa maksimum na bolyum na pwedeng iangkat ng bansa) at paglulusaw sa National Food Authority. Bibigyang-daan nito ang todong deregulasyon ng importasyon ng bigas na magpapahintulot sa malalaking kapitalista na direktang mag-angkat ng gaanuman kadaming bigas.

Sa halip na QR, iminumungkahi ng rehimen na patawan ng taripang 35% ang imported na bigas, alinsunod sa mga obligasyon ng Pilipinas sa ASEAN. Unti-unting ibaba ito sa darating na mga taon. Anang mga upisyal ni Duterte, ibababa ng imported na bigas ang lokal na presyo hanggang P7/kilo o higit pa, dahil mas murang nabibili ang imported na bigas kaysa lokal na bigas.

Pero ayon mismo sa mga pag-aaral ng reaksyunaryong gubyerno, malaking pinsala ang kaagad na idudulot nito sa mga magsasaka na nagtatanim ng palay. Dahil mabibili ng mga komersyante nang mas mura ang imported na bigas (P27/kilo ng bigas mula Vietnam, kasama ang gastos sa transportasyon at taripa), maoobliga ang lokal na mga magsasaka na ibenta ang kanilang palay sa mas mababang presyo, kundi ay hindi bibilhin ang kanilang produkto.

Sa presyong 2014, tinatayang kakailanganing ibaba ang presyo ng pagbili ng palay mula P12/kilo tungong P7-8/kilo na lamang (pagbawas na hanggang P4.50/kilo).

Noon ding 2014, ang halaga ng bigas mula sa Vietnam (di kasali ang gastos sa importasyon) ay nasa P9.92/kilo lamang, kumpara sa P19.24/kilo na presyo ng lokal na bigas. Ito ay dahil diumano sa mas mababang gastos sa produksyon ng bigas doon na P6.53/kilo kada ektaryang tinatamnan ng palay, kumpara sa P12.41/kilo sa Pilipinas. Bago ipinataw ang bagong mga buwis nitong taon, nangahulugan ito ng minimum na P18,240 o mahigit 30% na pagbagsak sa kita sa bawat ektaryang tinamnan ng palay. Sa gayon, lubusan nitong ilulugmok sa pagkabangkarote ang dati nang naghihikahos na magsasaka.

Ayon sa isa pang pag-aaral ng reaksyunaryong gubyerno noong 2004, hindi kapakipakinabang sa bansa ang walang-sagka at deregularisadong pag-aangkat ng bigas. Katunayan, magdudulot ito ng matinding pahirap at dislokasyon ng milyun-milyong magsasakang nagtatanim ng palay at sa mga industriyang nakakabit sa subsektor. Babagsak ang produksyon ng palay kasabay ng pagbagsak ng presyo nito. Babagsak din ang negosyo at operasyon ng mga kiskisan. Bababa ang pangangailangan ng lakas-paggawa at daan-daang libo, kundi man milyun-milyon, ang mawawalan ng trabaho. Tinatayang nasa dalawang milyong magsasaka ang direktang nagtatanim ng palay. Dahil ninipis ang subsektor, babagsak ang pasahod sa loob nito.

Ayon pa sa naturang pag-aaral, hindi sapat ang pagbaba ng presyo ng bigas para balansehin ang idudulot nitong pinsala sa pinakamalaking subsektor sa agrikultura. Nasa 60% ng kabuuang gastos ng mayorya ng mga pamilyang Pilipino ang napupunta sa pagkain. Umaabot sa 21% ng badyet ng pinakamahihirap na pamilya ang napupunta sa pagbili ng bigas. Gayunpaman, malaking bahagi ng mga pamilyang ito (nasa kalahati ng populasyon sa kanayunan) ay nakasandig sa produksyon ng palay at ibang pagkaing pangkonsumo at sa gayon ay potensyal na mawawalan ng kabuhayan. Sa kadulu-duluhan, palalalain ng walang sagkang importasyon ang kanilang kahirapan.

Importasyon ng bigas, papatay sa maliliit na magsasaka