Mga kilos protesta kontra batas militar
Sunud-sunod na mga pagkilos ang inilunsad ng iba’t ibang sektor bilang paghahanda sa paggunita sa ika-46 taon ng pagpataw ng diktadurang US-Marcos ng batas militar noong Setyembre 21, 1972. Sa harap nito, nanawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mamamayan na gamitin ang mga aral sa paglaban sa diktador sa pagpapabagsak sa kinamumuhiang rehimeng US-Duterte.
Noong Setyembre 7, naglunsad ng “Black Friday Protest” sa Boy Scouts Circle, Quezon City ang grupong Rise Up for Life and for Rights, kasama ang mga magulang ng mga biktima ng Oplan Tokhang ng rehimeng Duterte at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao.
Isinabuhay nila sa nasabing protesta ang tanyag na lilok na “Pieta” bilang simbolo hindi lamang ng dalamhati kundi ng pagnanais ng mga magulang ng biktima na matamo ang hustisya. Anila, halatang-halata ang pag-idolo ni Duterte kay Marcos dahil nais nitong malagpasan ang rekord ng huli sa bilang ng napatay sa ilalim ng kanyang rehimen.
Kabilang sa mga nagprotesta ang ina ni Joshua Laxamana, 17, isang kilalang manlalaro ng sikat na laro sa kompyuter na DotA na pinatay sa “gera kontra-droga.” Si Laxamana ay pinaratangan ng pulisya na magnanakaw na may dalang shabu at baril upang bigyang-katwiran ang pagpatay sa kanya noong Agosto 17. Hanggang ngayon, nawawala pa rin ang kasama niya na si Julius Sebastian, 15 taong gulang.
Samantala, noong ika-101 kaarawan ng dating diktador, nagprotesta ang Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacañang (CARMMA) sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, kung saan pinayagan ni Duterte na ilibing ang kanyang idolo. Ayon sa CARMMA, kasuklam-suklam ang hayagang pakikipag-alyansa ni Duterte sa pamilya ng yumaong diktador kapalit ng paghigpit ng kapit sa kapangyarihan.
Noong hapon ng Setyembre 11, nagprotesta ang mga progresibong grupo sa iba’t ibang panig ng bansa bilang sagot sa mahigit isang oras na “pribadong usapan” ni Duterte at kanyang tagapayong ligal na si Salvador Panelo kung saan muli siyang naghugas-kamay sa mga kasalanan niya sa bansa at nagturo ng kanyang mga kritiko bilang maysala sa kasalukuyang krisis sa ekonomya at pulitika sa bansa.
Maging ang administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas, sa ilalim ng pangulo nitong si Danilo Concepcion, ay naglabas ng proklamasyon na nagdedeklara sa Setyembre 21 bilang “Araw ng Pag-alala” sa mga iskolar ng bayan na nakibaka at nagbuwis ng buhay noong panahon ng batas militar ni Marcos.
Lakbayan mula Timog at Gitnang Luzon
Daan-daang magsasaka, katutubo, at mangingisda mula sa Central Luzon ang naglunsad ng tatlong-araw na “Lakbayan ng Magbubukid ng Gitnang Luzon,” mula Setyembre 18 para ipanawagan ang tunay na reporma sa lupa at kundenahin ang tiraniya at pasismo ng rehimen.
Ayon sa mga magsasaka, ang kasalukuyang krisis sa bigas ay bunsod ng pagwawalang-bahala at pagpapabaya ng estado sa kalagayan ng mga magsasaka at kanilang produksyon, partikular sa Central Luzon na tinaguriang “rice granary of the Philippines.” Sa halip na bigyang suporta ang mga magsasaka para paunlarin ang produksyon ng palay, lulong ang rehimen sa pagpapalit-gamit ng lupa at sinusuhayan pa ang pangangamkam ng lupa ng mga lokal at dayuhang panginoong maylupa at malalaking burgesya-komprador.
Kinundena rin ng mga magsasaka ang Oplan Kapayapaan na nagmilitarisa sa kanilang mga komunidad.
Lumahok sa lakbayan ang mga magsasaka, Aeta, at mangingisda mula sa Tarlac, Zambales, Pampanga, Nueva Ecija, Aurora, Bataan, Bulacan at Pangasinan. Una silang nagprograma sa harap ng panrehiyong upisina ng Department of Agrarian Reform sa San Fernando, Pampanga, bago tumungo sa Bulacan, at sa Maynila para makiisa sa United People’s Action against Martial Law.
Daan-daang magsasaka at mga kasapi ng Bicol Movement Against Tyranny (BMAT) at Bayan-Bicol ang naglunsad din ng lakbayan tungong Maynila upang makiisa sa paggunita sa ika-46 na taon ng batas militar.
Sa rehiyon ng Bicol, nagdaos ng “Lakbay Dalangin” noong Setyembre 15 ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng BMAT at Bayan, kasabay ng pista ng Peñafrancia sa Setyembre. Nagdaos sila ng prusisyon mula Peñaranda Park, Albay tungong Naga City, kung saan nag-alay sila ng dasal para sa mga biktima ng karahasan ng estado, at nanalanging itigil na ang mga pamamaslang sa Bicol.
Welga
Sa unang pagkakataon, nakatakdang magkasa ng welga ang mga manggagawa mula sa tinaguriang “sunshine industry” na business process outsourcing (BPO).
Nagsumite na ng “notice of strike” ang Unified Employees of Alorica, na binubuo ng 1,500 mga call center agent. Ayon sa mga manggagawa ng Alorica, nakararanas sila ng iba’t ibang porma ng pagsasamantala, kabilang ang iligal na tatanggalan, sistematikong pagpapalit ng mga empleyado na labag kahit sa Labor Code, at patuloy na pagtanggi ng maneydsment na kilalanin ang kanilang unyon.
Ayon sa BPO Industry Employees Network (BIEN), ang nakatakdang welga sa Alorica ay senyales na hindi na mananahimik ang mga call center agent kaugnay sa hirap na kanilang dinaranas.
Samantala, nagtayo ng kampuhan sa labas ng pabrika ng Jolly Plastics Molding Corporation sa Valenzuela City ang mga manggagawang tinanggal ng nasabing kumpanya noong Setyembre 17. Tinanggal ang naturang mga manggagawa matapos nilang suwayin ang utos ng maneydsment na sabihing walong oras lamang silang nagtatrabaho at na tumatanggap sila ng minimum na sahod nang magdaos ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng inspeksyon noong Setyembre 11.
Sa halip na sundin ang utos ng ng maneydsment, nagsagawa ng “walk-out” ang mga manggagawa sa araw ng inspeksyon at isinumbong nila sa DOLE na 12 oras silang pinagtatrabaho araw-araw at sumusweldo lamang ng P430 para rito. Tinanggal sila kinabukasan.
Tumungo naman sa tanggapan ng DOLE sa Intramuros ang daan-daang manggagawang kontraktwal ng Magnolia (na pagmamay-ari ng San Miguel Corporation) noong Setyembre 12 upang kalampagin si DOLE Sec. Silvestre Bello III para tuparin na ang pangakong maglabas ng pinal na kautusan para iregularisa ang 404 na manggagawang kontraktwal ng kumpanya sa General Trias, Cavite. Karamihan sa mga manggagawa ay mahigit dalawang taon nang nagtatrabaho sa mga pagawaan ng produktong mantikilya at keso, kabilang ang Star Margarine at Dari Creme. Daing din nila ang napakababang pasahod, walang benepisyo, walang araw ng pahinga, at pwersahang pagpapa-obertaym ng kumpanya.
Paaralang bakwit
Binuksan sa University of San Jose-Recoletos sa Cebu noong unang linggo ng Setyembre ang “Paaralang Bakwit” ng mga estudyanteng Lumad na napalayas sa kanilang mga komunidad dulot ng matinding militarisasyon sa kanayunan ng Mindanao. Mayroon itong mahigit 30 estudyante. Kasabay nito ang pagbubukas ng isa pang “Paaralang Bakwit” sa Baclaran Church sa Metro Manila na may higit 70 estudyante.
Noong Setyembre 10, binuksan din ng University of Santo Tomas sa Maynila ang kanilang mga pinto para sa mga estudyanteng Lumad. Nakatakda ring magbukas ng iba pang pansamantalang paaralan sa iba pang mga lugar sa Metro Manila at mga sentrong lungsod sa iba’t ibang rehiyon sa susunod na mga linggo.
Protesta sa ibang bansa
Sa US, nagkasa ng raling iglap ang mahigit 300 kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan-USA) noong Setyembre 16 sa New York City.
Nagladlad ang grupo ng mga banderang may mga katagang “Resist US-led war and militarism” (Labanan ang pakanang gera at militarismo ng US) at “United States out of the Philippines” (US layas sa Pilipinas) sa Grand Central Station sa Manhattan bago sila nagmartsa tungong Philippine Center New York upang magsagawa ng programa. Ayon sa Bayan-USA, si Duterte ang isa sa mga pinakamapanganib na pangulo ng Pilipinas, hindi lamang sa larangan ng pagpatay, kundi bunsod na rin ng pagbulusok ng ekonomya, pagtaas ng presyo ng bilihin, at pangangayupapa sa mga dayuhang kapangyarihan.
Sa Japan, nagsagawa ng serye ng protesta ang mga manggagawa ng Toyota Motors Philippines Workers Association (TMPWA) upang ipanawagan sa pandaigdigang himpilan ng Toyota Motors na ibalik sa trabaho ang 237 manggagawa na tinanggal sa planta nito sa Pilipinas halos 17 taon na ang nakararaan. Sa protestang ginawa sa harap ng Toyota Nagoya Building noong Setyembre 16, nanawagan din ang TMPWA na bigyan ng danyos ang mga manggagawang iligal na tinanggal at sundin ng kumpanya ang rekomendasyon ng International Labor Organization na ibalik sila sa trabaho.
Isang protesta rin ang inilunsad ng mga kasapi ng TMPWA sa Japanese Embassy sa Pasay City noong Setyembre 17. Umani ng suporta ang mga manggagawang Pilipino ng Toyota mula sa mga kapwa manggagawa sa Indonesia, na naglunsad ng protesta laban sa kumpanya sa mga distrito ng Temate, Ambon, at Makassar.