Panukalang 2019 badyet, pondo para sa todong pananalasa
MALALAKING KALTAS sa mga pangunahing serbisyong panlipunan habang dagdag pondo naman ang inilagak ng rehimeng Duterte sa isinumite nitong panukalang P3.757 trilyong pambansang badyet para sa 2019.
Sa kabuuan, kinaltasan ng rehimen ang pondo para sa mga serbisyong pang-ekonomiko nang P2.18 bilyon, samantalang P1.2 bilyon naman ang binawas sa serbisyong panlipunan. Kabilang sa mga makakaltasan ay ang Department of Education, na may P54.9 bilyong kaltas; Department of Agrarian Reform, na may P1.7 bilyong kaltas; Department of Agriculture, na may P5.9 bilyong kaltas; at ang National Housing Authority, na may P2.9 bilyong kaltas.
Sa kabila ng pagpasa ng reaksyunaryong batas na gagawing libre ang edukasyon sa mga pampublikong pamantasan, 63 sa 114 na pampublikong kolehiyo at unibersidad naman ang kinaltasan din ng pondo para sa 2019.
Wala namang laan ni singkong pondo para sa pagpapatayo ng mga bagong pabahay at maging ng mga bagong pasilidad para sa mga pampublikong ospital.
Samantala, tataas nang halos 35% ang badyet para sa Department of National Defense (DND). Umaabot sa P183.4 bilyon ang kabuuang badyet ng DND, kasama ang P25 bilyon para sa Revised AFP Modernization Program, ang pondo para sa pagbili ng mga armas; at P82 bilyon para pondohan ang mga batalyon ng Philippine Army.
Tataas din ng halos 31% ang pondo para sa Department of Interior and Local Government, na aabot na sa P225.6 bilyon sa 2019. Kasama dito ang P151.7 bilyong nakalaan para sa PNP Crime Prevention and Suppression Program, na malinaw na gagamitin para sa pagpapaigting ng pagpatay, pandarahas at pamamasista ng berdugong pulisya.
Nagmamantika ang badyet ni Duterte sa laki ng pork barrel na inilaan nito para sa sarili at kanyang mga kapartido. Sa katunayan, sa bawat tatlong pisong gagastahin ng reaksyunaryong gubyerno sa 2019, piso rito ay mapupunta sa pork barrel. Mahigit sangkatlo o P1.69 trilyon ang nakalagak sa “special purpose fund.” Kabilang dito ang idinagdag na P2.86 bilyon o 9% sa Local Government Support Fund, at P400 milyon para sa Calamity Fund.
Sa pagdinig sa Kongreso, hindi na maitago ang bangayan ng mga naghaharing-uri sa hatian sa pork barrel. Litaw ang bangayan ng mga kampo nina Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles at House Speaker Gloria Arroyo hinggil sa paggamit ng P55-bilyong kwestyunableng pondong isiningit sa badyet ng Department of Public Works and Highways. Ayon kay Nograles, personal na hiling umano ni Duterte na huwag galawin ang naturang pondo. Ayon sa Makabayan, tiyak na gagamitin ni Duterte ang pondong ito para sa sariling pakinabang at para sa kampanya ng kanyang mga kandidato sa eleksyong 2019.
Upang pondohan ang nasabing badyet, bilyun-bilyon na naman ang uutangin ng reaksyunaryong gubyerno mula sa lokal at dayuhang institusyong pampinansya. Aabot sa P624.4 bilyon ang nakatakdang uutangin ng rehimeng para sa panukalang badyet nito sa susunod na taon. Bunsod nito, tataas ang utang ng bawat Pilipino, mula sa tinatayang P68,773 ngayong 2018 tungong P74,957 sa 2019.