Singilin ang rehimeng US-Duterte sa sumisidhing krisis sa ekonomya at pulitika
Labis ang pagdurusa ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng papalubhang krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Bunga ito ng pagmamatigas ng rehimen na ipatupad ang mga patakarang neoliberal sa ekonomya habang pinaghahari ang tiraniya at pasismo upang isagasa ang mga patakarang ito at itatag ang kanyang diktadura.
Patuloy na nasasadlak sa krisis ang ekonomyang atrasado, di industriyal, agraryo, nakasalalay sa importasyon at nakatuon sa pag-eeksport. Tulad ng nagdaang mga rehimen, bulag na sinusunod ng rehimeng Duterte ang mga patakarang neoliberal. Itinutulak niya ngayon ang pagsasagad ng liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan, partikular ang lalo pang pagluluwag sa importasyon ng bigas at ibang produktong agrikultural.
Pinalalabas ng rehimen na ito ang solusyon sa kakulangan ng suplay at mataas na presyo ng pagkain. Pinagtatakpan nito kung papaanong winasak ng todong liberalisasyon mula dekada 1990 ang lokal na kapasidad sa produksyon, gayundin ang usapin ng labis na kakulangan na suporta ng estado sa lokal na produksyon. Sa nagdaang dalawang dekada, lalong nalumpo ang lokal na ekonomya ng Pilipinas at lalong sumalalay sa pag-aangkat ng pagkain at iba pang pangangailangan.
Lumalala ang palagiang tagibang na kalakalang panlabas. Sa unang pitong buwan ng taon, walang kaparis sa nakaraan ang paglobo ng depisito sa kalakalan. Sumirit ang depisito sa balanse sa kabayaran. Noong nakaraang linggo, sumadsad ang halaga ng piso sa P54 bawat dolyar ng US, pinakamababa sa halos isa’t kalahating dekada.
Tulad sa nakaraan, pinapaburan at inaakit ni Duterte ang malalaking kapitalistang mamumuhunang dayuhan at lokal. Ang kanyang programang “Build, Build, Build” ay nakatuon sa pagtatayo ng mga imprastrukturang pabor sa kanila. Kabilang dito ang mga proyektong hydroelectric dam, kalsada, riles, paliparan at iba pa. Nagsisilbi ang mga ito sa pagdudugtong ng mga “special economic zone” sa internasyunal na assembly line ng mga korporasyong multinasyunal. Milyun-milyon ang namemeligrong masagasaan ang kanilang lupang sakahan, lupang ninuno, tirahan, pangisdaan at iba pang pinagkukunan ng kabuhayan.
Pinaglalawayan ng mga burukratang kapitalista ang mga proyektong pang-imprastruktura dahil sa makukuha nilang kickback. Marami sa mga kontrata sa mga proyekto ay napunta sa mga kroni, tau-tauhan at mga kamag-anak ni Duterte at ng kanyang mga alipures, gayundin, sa mga pinapaburang malalaking burgesyang kumprador.
Bangkarote ang rehimeng Duterte. Nakatakda itong humiram nang halos P900 bilyon ngayong taon, malaking bahagi mula sa mga dayuhang ahensya sa mataas na interes. Upang itaas ang “grado” ng Pilipinas bilang bansang mangungutang, ipinataw ni Duterte ang bungkos ng buwis sa ilalim ng batas na TRAIN, hakbanging matagal nang itinutulak ng mga dayong “credit rating agency.”
Mabilis na sumirit ang presyo ng mga bilihin ngayong taon. Noong Agosto, umabot sa 6.4% ang implasyon o bilis ng pagtaas ng presyo, pinakamataas sa halos isang dekada. Pumapaimbulog ang presyo ng bigas, isda at iba pang pagkain, langis at iba pang mga saligang pangangailangan, habang nananatiling mababa ang sahod at kita ng karaniwang mamamayan.
Ang krisis sa ekonomya at kabuhayan ay lalong naghihiwalay sa rehimeng Duterte sa mamamayan at nagbubunsod ng malalim na krisis nito sa pulitika.
Para panatilihin ang katatagan ng kanyang paghahari, lalong sumasandig si Duterte sa paggamit ng terorismo ng estado upang papaghariin ang sindak at takot. Libu-libo ang sinasalanta ng gerang Oplan Kapayapaan, batas militar sa Mindanao, Oplan Tokhang at digmang anti-Moro.
Dahil sa paggamit ng terorismo at laganap na mga abuso ng mga pwersa ng estado, kabilang ngayon si Duterte sa pinakakinamumuhiang simbolo ng pasismo sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa isinagawang International People’s Tribunal sa Bel-gium kamakailan, hinatulan si Duterte at President Donald Trump ng US na nagkasala sa malawakang paglabag sa karapatang-tao ng mamamayang Pilipino.
Lalo pang nahihiwalay si Duterte dahil sa konsolidasyon ng alyansang Duterte-Marcos-Arroyo. Tumitindi ang panloob na tunggalian ng naghaharing rehimen dahil sa pag-uunahan ng iba’t ibang paksyon sa pork barrel at mga burukratikong pakinabang. Ang iskema ni Duterte na itatag ang sariling diktadura sa bihis ng “charter change” ay mahigpit na nilalabanan maging ng ilan niyang kaalyado.
Lumalawak ang hanay ng iba’t ibang mga pwersang demokratiko na magkaisa at paigtingin ang kanilang komun na pakikibaka para patalsikin si Duterte sa Malacañang. Tanda ng paglawak nito ang malalaking demonstrasyong inilunsad nitong nagdaang mga buwan.
Para konsolidahin ang kanyang kontrol sa poder, nais ni Duterte na muling palawigin ang batas militar sa Mindanao at ipataw ito sa buong bansa.
Subalit ang kumbinasyon ng krisis sa ekonomya at pulitika ay lalo lamang gumagatong sa apoy ng paglaban ng sambayanan. Malawak ang sigaw para lutasin ang problema ng pagsirit ng presyo ng pagkain, gastos sa edukasyon, gamot at iba pang pangangailangan. Lumalakas ang sigaw ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod, para sa trabaho at seguridad sa trabaho, at para sa kanilang karapatang mag-unyon at magwelga.
Sa kanayunan, natutulak ang masang magsasaka at minoryang mamamayan na maramihang magbangon para makibaka para sa lupa, igiit ang karapatang magbungkal ng tiwangwang na lupa para sa produksyon ng pagkain, igiit ang tamang presyo sa kanilang produkto at subsidyong pang-estado sa produksyong agrikultural. Sigaw din nila ang katarungan para sa lahat ng biktima ng terorismo ni Duterte.
Ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka na isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan ay matatag na sumusulong sa buong bansa. Mabibigo ang mga deklarasyon ni Duterte at ng AFP na gagapiin ang BHB bago magtapos ang 2018 o sa unang hati ng 2019. Araw-araw, lumalawak ang BHB dahil parami nang parami ang nais magsandata upang labanan ang armadong panunupil ng AFP sa interes ng malalaking kapitalista.
Ang krisis sa ekonomya at pulitika sa ilalim ng rehimeng Duterte ay palatandaan ng patuloy at mabilis na pagkabulok ng naghaharing sistemang malakolonyal at mala- pyudal. Nagdurusa ang sambayanan sa matalim na krisis at pagsadsad ng kalagayang sosyo-ekonomiko. Paborable ang sitwasyon para sa pagsusulong ng armado at ibang anyo ng pakikibaka para ibagsak ang pasista, bulok at papet na rehimeng US-Duterte at isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon.