Ang pagpapanday ng Partido sa Hapmun
Ang aming rebolusyonaryong unyon, higit sa lahat, ay ang aming paaralan sa makauring pakikibaka,” panimula ni Ka Matos, kaharap ang mga Pulang mandirigma sa isang pulong ng sangay ng Partido sa yunit ng BHB kung saan siya kasalukuyang nakalubog. Planong manatili ni Ka Matos sa yunit nang tatlong buwan para sa kanyang programang integrasyon sa kanayunan.
Siyam na taon nang nagtatrabaho si Ka Matos sa isang kumpanya na kabilang sa pinakamalalaki at pinakamapagsamantalang multinasyunal na kumpanya sa manupaktura. Bago nito, iba’t ibang kumpanya ang kanyang pinasukan sa loob ng 11 taon, at gumampan ng samutsaring gawain na nagbigay sa kanya ng kasanayan. Maliban sa tuwirang pagsasamantala ng kapitalista, dagdag na pahirap sa mga manggagawa ang pagpapakatuta ng dilawang unyon sa interes ng kapitalista at naghain ng walang-saysay na mga konsepto ng “kapayapaang industriyal” at ekonomismo. Matapos ang mahigit 10 taon sa ilalim ng dilawang unyon, kasama ni Ka Matos ang ilang nagsawa nang manggagawa sa pag-organisa ng hiwalay na unyon na hindi lamang magsusulong ng kanilang pang-ekonomyang kagalingan kundi maging ng kanilang mga pampulitikang karapatan.
Nang maunawaan ng mga manggagawa ang pangangailangan na kaharapin hindi lamang ang kanilang mga pakikibaka sa loob ng pagawaan dahil ang mga ito ay naka-ugat sa mga batayang problema na kinakaharap ng buong sambayanang Pilipino, nagtatag sila ng isang bagong unyon na nagtataguyod ng pambansa-demokratikong pagbabago ng lipunan at may oryentasyong anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasista. “Kaiba sa lumang dilawang unyon, hindi limitado ang pakikibaka ng aming unyon sa pawang mga paglaban lamang para sa mga ekonomikong pakinabang gaya ng umento sa sahod. Natutunan namin sa karanasan kung ano ang tunay na kahulugan ng kapitalistang pagsasamantala. Ang lantay ekonomismo ay magdudulot lamang ng higit na bulnerabilidad at kawalan ng kahandaan sa aming hanay para labanan ang mga kontra-manggagawang iskema ng kapitalista at ang mga makanegosyo at kontra-mamamayang patakaran ng reaksyunayong gubyerno,” paliwanag ni Ka Matos.
Pinamunuan ni Ka Matos at ilang manggagawa ang bagong unyon. Paglipas ng ilang buwan, narekluta sila bilang mga kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at pormal na itinatag ang “Hapmun,” ang sangay ng Partido sa naturang rebolusyonaryong unyon.
Komprehensibong gawaing IPO
Ani Ka Matos, isa sa mga pinakamahirap ngunit isa rin sa mga pinakamabungang gawain sa pag-oorganisa ng sangay ng Partido sa isang rebolusyonaryong unyon ang pagpapaunlad sa ideolohiya ng mga manggagawa. “Dati, nagtitipon kami pagkatapos ng trabaho para mag-inuman at magkwentuhan para maiwasang isipin ang kalunos-lunos na kalagayan namin sa pabrika. Pero ngayon, madalas na kaming magtipon para magtalakayan tungkol sa gawaing unyon at mga pulitikal na isyu, at para pag-aralan o di kaya ay lutasin ang kinakaharap na mga problema ng unyon.” Ang mga kasapi ng unyon ay nagsusumikap na maging siyentipiko at obhetibo sa pagtugon sa mga isyu ng mga manggagawa sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at paglalapat nito sa kongkretong mga kundisyon, dagdag pa niya.
Naglalaan ng iskedyul ang Hapmun para sa mga gawain pang-ideolohiya gaya ng panlipunang pagsisiyasat at pagpuna at pagpuna-sa-sarili (PPS). “Nanibago kami sa PPS. Pero nang makita namin kung paano nito pinatitibay ang prinsipyadong pagkakaisa sa loob ng unyon at ng Hapmun, naunawaan namin ang kahalagan ng nasabing proseso. Mula noon ay naging regular na ang iskedyul para sa PPS na inilulunsad nang hindi bababa sa tatlong beses kada buwan.” Ipinaliwanag ni Ka Matos na ang panlipunang pagsisiyasat na isinasagawa nila ay binubuo ng mga pananaliksik tungkol sa pulitika-ekonomya ng kumpanya at ng iba pang kanugnog na kumpanya. “Ang huli ay naaayon sa mga programang pagpapalawak na naglalayong magtatag ng mas marami pang mga rebolusyonaryong unyon sa iba pang mga pagawaan at kumpanya.”
Ayon pa kay Ka Matos, pinanghahawakan ng mga manggagawa ang isang bagong progresibong kultura, kahit sa loob ng kanilang mga pamilya. “Iba na ang pagtingin namin sa aming relasyon sa asawa at pamilya dahil itinuturing na namin sila ngayon bilang mga katuwang sa pakikibaka. May mga pagkakataon pa nga na sinasama ng mga manggagawa ang kanilang pamilya sa mga pampulitikang pag-aaral.” Tumutulong din ang Hapmun sa paglutas ng mga isyu sa pamilya at minomobilisa ang rebolusyonaryong unyon sa mga oras ng pangangailangan.
Ibinahagi ni Ka Matos na kasalukuyan nilang binabaka ang empirisismo sa kanilang mga gawain. “Minsan, talagang kinakailangan ng mahabang paliwanagan para makumbinsi ang mga manggagawa na maglaan ng oras para sa pag-aaral, lalo na ang mga pormal na pag-aaral na inilulunsad nang ilang araw tulad ng Batayang Kurso ng Partido. Mayroon kaming sinusubukan na bagong programa para matugunan ito, at umaasa kami na magkakamit ng higit pang tagumpay sa pagpapaunlad sa paggagap ng aming mga manggagawa sa teoryang Marxista.”
Sa mahigit isandaang kasapi ng unyon, halos kalahati ang organisadong masa na tanggap ang programa ng pambansa demokratikong rebolusyon. Ang Hapmun ay binubuo ng kalahati ng kabuuang bilang ng organisadong masa. “Kinakailangan talagang bakahin ang konserbatismo sa paggampan ng aming mga gawaing pampulitika,” dagdag pa ni Ka Matos. “Dati, may ilang kasapi ng Partido na naatasang gumampan ng mga susing tungkulin sa pag-oorganisa na nakuntento na sa “lumang estilo” ng paggampan hindi maagap sa pagpapataas ng pampulitikang kamulatan ng mga manggagawa at pagrekluta sa kanila sa Hapmun.” Nang matukoy ang nasabing problema, tumindig ang mga responsableng kadre para magpanibagong-hubog at naging mas mapangahas sa paggampan sa kanilang mga gawain.
Naunawaan din ng mga unyonista ang kahalagahan ng pagbaka sa sektarismo. Ngayon, lumalahok na ang mga manggagawa at ikinakawing ang kanilang mga laban sa mga pakikibaka ng iba pang mga sektor. Ang ilan sa kanila ay lumahok din sa mga pagkilos ng mga magsasaka at pambansang minorya bilang suporta sa kanilang panawagan para sa reporma sa lupa at karapatan sa sariling pagpapasya.
Matindi ang naging epekto ng masugid na pagpapatupad ng mga neoliberal na patakaran sa paggawa ng rehimeng US-Duterte sa gawaing pampulitika ng rebolusyunaryong unyon. Sa higit dalawang milyong manggagawa sa rehiyon kung nasaan ang Hapmun, mababa pa sa 4% ang may unyon. Sa mga may unyon, mababa pa sa 13% lamang ang may mga kasunduan sa kolektibong pakikipagtawaran.
“Patuloy na kinakasangkapan ang kontraktwalisasyon para ipagkait sa mga manggagawa ang kanilang karapatan sa unyon, higit lalo ang karapatan nila na kolektibong makipagtawaran sa mga kapitalista,” ani Ka Matos. “Mababa pa sa P400 ang arawang sahod namin. Wala pa ito sa kalahati ng kinakailangang P979 ng isang pamilya para mabuhay ng disente sa isang araw. Dagdag pang pasanin dito ang hindi makataong kalagayan at iba pang porma ng pagsasamantala sa loob ng pagawaan.”
Naniniwala si Ka Matos at ang kanyang mga kasamahan na ang kalagayang ito ang nagtulak sa rebolusyonaryong unyon para maglunsad ng isang kilusang welga. “Hindi kailanman kusang isusuko ng mga kapitalista ang kanilang ekonomikong interes, kaya kinakailangang maging maagap ang mga manggagawa sa paglulunsad ng iba’t ibang porma ng kolektibong pagkilosómula sa slowdown kung saan sadyang pinababagal ang produksyon, tungong welga kung saan tuluyang tinitigil ito.”
Naglunsad kamakailan ang Hapmun ng welga para igiit ang regularisasyon ng mga kontraktwal at ibalik ang mga kasamahan nilang tinanggal sa trabaho. Naglunsad ng mga ligal at ekstra-ligal na pagkilos ang mga manggagawa para lalupang igiit ang kanilang panawagan.
Sinanay ng Hapmun ang mga manggagawa sa kolektibong paggampan at pagsandig sa lakas ng kanilang organisasyon. Inilahad ni Ka Matos na mula nang itatag ang rebolusyonaryong unyon, laging tinitiyak na napanghahawakan ang demokrasya sa lahat ng aspeto ng kanilang gawain. “Habang sinisiguro na nagagampanan ang lahat ng mga gawain, laging tinitiyak na nakokonsulta ang pangkalahatang kasapian.”
Napansin din ni Ka Matos ang pag-unlad sa disiplina ng mga manggagawa. Hindi pinahihintulutan ng rebolusyonaryong unyon, aniya, ang gawaing anti-sosyal dahil isasaalang-alang nito ang integridad ng unyon. Noong una, may mga kinaharap ang unyon na mga problema kaugnay nito dahil may mga manggagawa na natutulak gumawa ng mali dahil sa hirap nilang kalagayan. Sa mga ganoong pagkakataon at nang hindi masusing pinag-aaralan ang kaso, madalas ay pumapanig sa kapitalista ang dilawang unyon laban sa mga nagkakamaling manggagawa.
“Ikinikintal ng mga rebolusyonaryong prinsipyo ng unyon at ng regular na PPS at pagtatasa sa mga kasapi ang mulat na disiplina.”
Sa kabila nito, patuloy na binabaka ng Hapmun ang burukratismo, na madalas na nagreresulta sa bigong paggampan ng ilang kasama sa kanilang mga gawain. “Hindi lahat ay mabilis maiintindihan kung paano ang tamang paggampan sa mga partikular na gawain. Kinakailangang matiyagang ipaliwanag ang mga praktikal na detalye, lalo na sa bagong mga kasapi, at kinakailangang lagi silang gabayan, dahil kung hindi ay wala tayong ipinagkaiba sa mga burukrata na utos lang nang utos nang hindi isinasaalang-alang ang kapasidad ng mga manggagawa.”
Ang suma ng gawain ng Hapmun sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ang dahilan kung bakit itinuturing ni Ka Matos at ng kanyang mga kapwa manggagawa ang rebolusyonaryong unyon bilang kanilang paaralan sa makauring pakikibaka. “Araw-araw naming kinakaharap ang mapait na katotohanan na ang mga kapitalista ay naglulunsad ng isang digma laban sa aming mga manggagawa, at para manatiling buhay ay kinakailangan naming kolektibong lumaban bilang isang uring nagtataglay sa pinakaabanteng proletaryong teorya. Ang pinakamahalagang tungkulin namin ay isapraktika ang teoryang ito sa paglulunsad ng aming pakikibaka.”
Mga hamon
Nang tanungin ng isang Pulang mandirigma kung ano ang mga pangunahing hamon na kinakaharap ng rebolusyonaryong unyon at ng Hapmun, dalawa ang mabilis na tinukoy ni Ka Matos: ang paglaban sa neoliberal na mga patakaran ng rehimeng US-Duterte at sa tumitinding pasismo nito.
“Nagmamatigas si Duterte na manatili sa kapangyarihan kaya patuloy niyang pinagbibigyan ang mga kahilingan ng mga naghaharing uri at ng militar. May mga kasapi kami na nagpahayag ng takot dahil sa crackdown laban sa mga militanteng unyonista. Sa kabila ng kalupitan ng mga hakbang ng rehimen, maaari pa ring gamitin ang mga hamon na ito sa pakinabang ng mga mamamayan. Bagamat maaaring magdulot ng takot ang imperyalistang kasakiman at pasismo, hindi maitatanggi na magpapatuloy ang paglaban ng mga mamamayan. Ang pakikibakang ito ay pinangunguluhan ng PKP, na bagamat nagsimula nang maliit at kalat-kalat, ay higit pang lalapad hanggang sa pagrurok nito sa pagpapatalsik hindi lang sa pasista at papet na rehimen kung hindi pati na rin sa buong reaksyunaryong sistema.”
Samantala, umaangkop pa ang Hapmun sa kasalukuyang kalagayan sa pamamagitan ng pagsubok sa bagong mga pamamaraan ng pag-oorganisa at pagsasagawa ng gawaing konsolidasyon. Isang epektibong paraan ng konsolidasyon ng kasapian ay sa pamamagitan ng pagpoprograma ng integrasyon. ng mga manggagawa sa mga yunit ng BHB. Sa nakaraang taon, may anim na manggagawa na ang nag-integrasyon sa Pulang hukbo. Sa pamamagitan nito, ani Ka Matos, aktwal na nararanasan ng mga manggagawa ang araw-araw na pamumuhay sa isang baseng gerilya sa kanayunan. “Higit sa lahat, kami ay umaasa na mayroong magpasya sa amin na manatili sa armadong rebolusyon,” pagwawakas niya.