Labanan ang panlilinlang at mga hakbanging anti-demokratiko ni Duterte
Isang engrandeng saywar laban sa mamamayang Pilipino ang isinasagawa ngayon ng rehimeng US-Duterte. Sa ngalan ng “pagsugpo sa Red October,” pakana diumano ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) para ibagsak si Rodrigo Duterte ngayong Oktubre, pinagbabantaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na supilin ang saligang mga karapatang demokratiko ng mamamayang Pilipino.
Tahasang pinagbabantaan ni Duterte ang karapatang mag-organisa at magpahayag ng iba’t ibang demokratikong sektor, sa pagsabing ang gayong mga hakbang ay bahagi ng pakana.
Pinag-iinitan ni Duterte ang mga estudyante at akademiko. Kaliwa’t kanang inakusahan ng mga pinuno ng AFP ang mga unibersidad at kolehiyo na bahagi ng anila’y pakanang “Red October.” Pinananagot ng AFP ang mga administrador at may-ari ng mga eskwelahan sa pagpapahintulot sa mga guro at estudyante na talakayin at ihalintulad ang batas militar ni Marcos sa kasalukuyang panahon. Kumukubabaw ngayon ang banta ng AFP na manghimasok, maniktik o pagbantaan ang akademikong komunidad sa mga kampus.
Pinagbabantaan rin ni Duterte at ng AFP ang mga manggagawa laban sa paglulunsad ng mga welga na bahagi rin diumano ng “Red October.” Pakay rin diumano ng mga welga na papagsarahin ang mga pabrika, ayon sa balu-baluktot na pagkakatwiran ng AFP. Tinatabunan nito ang buhay-kamatayang mga isyu ng umento sa sahod, kontraktwalisasyon at iba pang hinaing ng mga manggagawa na nagtutulak sa kanila na maglunsad ng iba’t ibang anyo ng sama-samang paglaban.
Tinatarget rin ni Duterte ang mga manggagawa at estudyante sa pagsabing bahagi ng diumanong pakana ang aktibismo at pagpoprotesta sa mga kampus at pagwewelga sa mga pabrika. Pakay ng gayong mga pahayag na bigyang-matwid ang planong paggamit sa armadong pwersa ng estado upang supilin ang mga demokratikong karapatan ng mamamayan na mag-organisa, magpahayag at maglantad sa mga kabulukang panlipunan, at sama-samang kumilos upang isulong ang kanilang mga kahilingan para sa kanilang kagalingan.
Nalalantad ang makitid na utak-Marcos ni Duterte at ng AFP. Para sa kanila, lahat ng anyo ng paglalantad ng tunay na kalagayang panlipunan ng mamamayan, pagpapahayag ng pagtutol at paggigiit ng lehitimong mga interes ay bahagi ng isang “sabwatang komunista.”
Balubaluktot ang iniimbetong kwento ni Duterte at ng AFP. Sa isang panig, minamaliit niya ang PKP at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa pagsabing sila’y “walang suporta ng mamamayan,” “walang hawak ni isang barangay,” “mapupulbos sa kalagitnaan ng 2019,” atbp. Sa kabilang banda, nagkukumahog naman ang rehimen na palabasing mayroon diumanong pakanang “Red October” kung saan inilalarawan ang PKP na nakapangingibabaw na banta at tagapagmando sa lahat ng demokratikong sektor at oposisyon sa pulitika sa ginagawa nilang pagpapahayag ng disgusto sa nakaupong rehimen.
Sa pamimilit na palabasing lahat ng anyo ng pagtutol laban sa kanyang paghahari ay bahagi ng “pakanang komunista,” pakay ni Duterte na gawing iligal ang demokratikong kilusang masa, ang oposisyon at maging ang kritikal na midya. Kaliwa’t kanang itinuturo sila ni Duterte na “kasabwat” o “ginagamit ng mga komunista.”
Hindi ito nalalayo sa ginagawang iligalisasyon ng AFP sa kanayunan. Buo-buong komunidad ng mga magsasaka at minoryang mamamayan ang pinalalabas na sumusuporta sa PKP at BHB. Sa ganitong taktika ng todong gera, isinasaisantabi ng AFP ang lahat ng mga prosesong ligal at mga karapatang-tao, at ipinapataw ang absolutong kapangyarihan nito upang ipailalim ang libu-libong mga tao sa armadong pananakot, paninindak at pamimilit sa desperasyong lumikha ng ilusyon ng “maramihang pagsurender” at palabasing nakapaghahari at nakapangyayari si Duterte.
Sa ilalim ng inimbento ng AFP na “Red October,” ginagamit ang “multong komunista” para pagbantaang atakehin ang mga patriyotiko, demokratiko at progresibong pwersa na silang nasa unahan ng pakikibaka laban sa tiraniya, pasismo, narco-pulitika at anti-mamamayang mga patakaran sa ekonomya ng rehimeng Duterte. Sinasabi ni Duterte na ang mga komunista lamang ang kanyang target, subalit ang nangyayari’y lahat ng tumututol ay kanyang tinututukan.
Inilalatag niya ang batayan para maideklara ang batas militar o iba pang anyo ng absolutong paghahari upang patatagin ang kanyang rehimen at palawigin pa ang kanyang kapangyarihan sa harap ng lumalawak na panawagan para siya patalsikin. Hangad niyang makuha ang suporta ng malalaking burgesyang kumprador, malalaking panginoong maylupa at mga dayuhang monopolyong kapitalista sa pagpangakong ng mas malaking pakinabang sa ilalim ng paghaharing kamay-na-bakal.
Dahil sa mga ipinataw na buwis ni Duterte, sa pagtutulak ng ibayong liberalisasyon at kanyang tali-sa-utang at batbat-sa-korapsyong mga minamadaling proyektong pang-imprastruktura, ang ekonomya ng Pilipinas ay nailalagay sa bingit ng masidhing krisis. Mabilis na nababangkarote ang gubyernong Duterte at umaasa na lamang sa dayong pautang na mataas ang interes mula sa China at iba pang dayuhang institusyon, at ayudang militar at mga pinaglumaang gamit-militar mula sa US.
Nagdurusa ang sambayanang Pilipino sa malawak na kawalan ng trabaho, mababang sahod, pagsirit ng presyo ng pagkain at mga batayang bilihin, kawalan ng lupa, kahirapan, gutom, kawalan ng serbisyong panlipunan at kabuuang paglubha ng kalagayang panlipunan. Dumaranas ang malawak na masa ng ibayong lumulubhang mga anyo ng pagsasamantala at pang-aapi.
Nananawagan ang Partido sa malawak na masang anakpawis na buong-lakas na isulong ang kanilang mga interes pang-ekonomya at pangkagalingan laban sa anti-mamamayan, maka-imperyalista at maka-malaking negosyong mga patakaran ni Duterte. Kasabay ng pagsusulong ng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa, dapat puspusang isulong ang pakikibaka para sa dagdag sahod, para sa regularisasyon at mas maayos na kundisyon sa paggawa.
Dapat magkaisa ang buong hanay ng mga kabataan at estudyante at ipagtanggol ang mga kampus laban sa mga armadong ahente ni Duterte.
Tinatawagan ng Partido ang sambayanang Pilipino na labanan nang buong lakas ang pasistang iskema ni Duterte, ilantad at labanan ang “Red October” na saywar ng AFP, at labanan ang mga planong paghigigpit laban sa mga demokratikong karapatan at ipataw ang batas militar para supilin ang lahat ng paglaban at oposisyon.
Mula pa noong isang taon, sumibol ang malawak na nagkakaisa prente laban sa tiraniya at pasismo ni Duterte. Habang nagiging mabagsik ang mga atake ni Duterte, lalo niyang ginagatungan ang galit ng sambayanan at inuupat silang lumaban.
Hinihikayat ng Partido ang sambayanang Pilipino na ibayong pagkaisahin ang lahat ng demokratikong pwersa at sektor, pandayin ang kanilang tapang, itaas ang moral sa paglaban at maghanda sa ibayong atake ni Duterte at lumaban na may ibayong sigla at determinasyon na wakasan ang pasistang rehimeng US-Duterte at isulong ang kanilang pambansa-demokratikong pakikibaka.
Habang sumusulong ang demokratikong kilusang masa laban kay Duterte, tuluy-tuloy ding lumalakas at sumusulong ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan sa buong bansa. Habang nagtatagal ang tiraniko at pasistang paghahari ni Duterte, at lumalalim ang krisis ng naghaharing sistema, mas lalong dumarami ang nais magsandata para maibagsak si Duterte at isulong ang rebolusyonaryong pagbabago sa bansa.