Maikling rebyu ng mga susing dokumento sa UDKP
Kung walang rebolusyonaryong teorya, walang rebolusyonaryong kilusan,” wika ni Lenin.
Makailang beses na pinatunayang wasto ang mahalagang turong ito ng dakilang Lenin sa mga kilusang pagwawasto sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) tulad ng Una at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at iba pang pagwawasto sa nakaraang 50 taon. Partikular sa artikulong ito, pagtutuunan natin ng pansin ang Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto (UDKP) na pormal na sinimulan noong 1967 at nagtapos noong 1977.
Bago ang muling pagtatag ng Partido noong 1968 aktibong naglunsad ang mga batang proletaryong rebolusyonaryo ng kilusang pagwawasto. Nangangahulugan ito ng isang malawakang kilusan ng edukasyong Marxismo sa pamamagitan ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili. Tungo rito, masigla silang naglunsad ng mga “discussion group” at “teach-in” sa mga unibersidad at kolehiyo, pabrika at komunidad ng mga manggagawa at magsasaka.
Binasa at pinag-aralan nila ang mga akda nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao, kabilang ang Communist Manifesto; Das Kapital; Wages, Prices and Profit; Anti-D¸hring; Critique of the Gotha Program; Civil War in France; What Is to Be Done; Materialism and Empirio-Criticism; State and Revolution; Two Tactics of Social Democracy; “Left Wing” Communism: An Infantile Disorder; Imperialism: The Highest Stage of Capitalism; Foundations of Leninism; Short History of the CPSU (Communist Party of the Soviet Union); Selected Works of Mao Zedong; the Polemics on the General Line of the International Communist Movement.
Ginamit nila ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong bilang gabay sa rebolusyonaryong gawain. Itinuturing ng mga batang proletaryong rebolusyonaryo na ang Kaisipang Mao Zedong ay bunga ng mahabang rebolusyonaryong karanasan ng proletaryado ng daigdig sa gabay ng Marxismo-Leninismo, at bilang pinakabago, pinakakumprehensibo, pinakamalalim at pinakaepektibong instrumento sa pagsusuri sa kasaysayan at kalagayan ng sambayanang Pilipino at sa paglalatag ng mga tungkulin upang tuparin ang demokratikong rebolusyon ng bayan para sa paghahanda sa sosyalistang rebolusyon.
Sa tulong ng mga turo ni Mao hinggil sa pagbubuo ng Partido, ng hukbong bayan at nagkakaisang prente, nilagom at sinuri nila sa pangunguna ni Jose Maria Sison ang kasaysayan ng lumang Partido Komunista. Pinuna ang depektibong pundasyong pang-ideolohiya ng pinagsanib na mga partidong komunista at sosyalista at pangunahin, ang burges na suhetibismo at mga mayor na Kanan at “Kaliwang” oportunistang kamalian ng magkakasunod na magkakapatid na Lava (Vicente, Jose at Jesus) na naging mga pangkalahatang kalihim ng Partido.
Nagpasya silang humiwalay sa lumang partido at inilunsad ang UDKP noong 1967, at muling pagtatatag ng Partido Komunista noong Disyembre 26, 1968. Inilabas at ipinagtibay sa Kongreso ng Pagkatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas-Kaisipang Mao Zedong ang batayang mga dokumento ng kilusang pagwawasto, ang Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Itatag ang Partido.
Layunin ng kilusang pagwawasto kapwa para punahin at itakwil ang mga kamalian ng mga rebisyunistang Lavang taksil at ipinahayag ang kagyat na pangangailangan ng paglulunsad ng digmang bayan ayon sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan laban sa imperyalismong US at mga lokal na mapagsamantalang uri ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Binuo ang tatlong dakilang sandata ng rebolusyonóang Partido bilang sulong na destakamento ng proletaryado, ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka batay sa alyansang manggagawa at magsasaka, at ang nagkakaisang prente ng mga patriyotiko at progresibong pwersa.
Noong 1970 inilimbag ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino (LRP), na unang inilimbag sa anyong mimyograp noong 1969. Bilang isang pangunahing dokumento ng pagkatatag, inilalahad dito ni Guerrero, Tagapangulong Tagapagtatag ng PKP, ang kasaysayan ng mamamayang Pilipino, pagsusuri ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa Pilipinas at nilinaw ang demokratikong rebolusyon ng bayan, kabilang ang namumunong pwersa, ang pangunahing pwersa, at iba pang motibong pwersa, at ang mga tungkulin at sosyalistang perspektiba.
Pinuna at itinakwil ang rebisyunistang linya ng grupong Lava at ng Communist Party of Soviet Union. Sa librong Pangkalahatang Sagot (Pangkalahatang Sagot sa Propagandang Lavaista para sa Rebisyonismo at Pasismo, 1971, at Pomeroy’s Portrait: Revisionist Renegade, 1972) tinutukan ang rebisyunismo ng grupong Lava at ang masugid nitong ahente na si William Pomeroy.
Noong Abril 1972, inilabas bilang isang manwal ang Gabay Pang-organisasyon at Balangkas ng mga Ulat at Gabay para sa Pagbubuo ng Demokratikong Pamahalaang Bayan. Idinagdag sa mga batayang dokumento ng pagwawasto ng Partido ay ang “Pahayag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB),” ang “Batayang Alituntunin at Regulasyon ng BHB,” na pinagtibay noong Marso 29, 1969. Nagsilbing gabay ang manwal na ito para sa pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, ang iba’t ibang organisasyong masa, mga yunit ng hukbong bayan at Partido sa loob nito at sa mga lokalidad. Kasunod nito, ipinalaganap din ang Rebolusyonaryong Gabay para sa Reporma sa Lupa bilang kumprehensibo at detalyadong gabay sa pangunahing demokratikong kahilingan ng magbubukid para sa lupa.
Pagkaraan ng tatlong taon, nilagom ng bagong tatag na Partido ang kanyang karanasan sa Summing Up Our Experience After Three Years (1968-1971). Kumprehensibong ipinakita sa dokumento ang pag-unlad ng rebolusyonaryong pakikibaka, mahahalagang tagumpay sa pagpangibabaw sa malalaking kahirapan, mga kamalian at kahinaan para sa pagwawasto at pagsulong.
Upang bigyan ng kongkretong hugis ang digmang bayan sa Pilipinas, inilabas noong 1974 ng Komite Sentral ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan. Nilinaw nito ang mga sumusunod: ang ating digmang bayan ay isang pambansang demokratikong rebolusyon ng bagong tipo; kinakailangang ilunsad ang digmang bayan sa kanayunan; lumalaban tayo sa isang mabundok na kapuluan; malaki at malakas na kaaway habang tayo ay maliit at mahina; lumitaw ang isang pasistang diktadura sa gitna ng krisis sa pulitika at ekonomya ng naghaharing sistema; pinaghaharian ang bansa ng isang imperyalistang poder at kung gayon, ay may iisang armadong reaksyon; at ang United States ay pabulusok sa Asia at sa buong mundo; ang rebolusyon ay umaabante sa gitna ng pangkalahatang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.
Bagamat disbentahe sa simula ng paglulunsad ng digmang bayan tulad ng Pilipinas, ito ay magiging paborable sa pangmatagalan. Pinabulaanan nito ang lumang mga ideya na imposible ang paglulunsad ng matagalang digmang bayan sa isang pulu-pulong bansa at maipapanalo lamang ang rebolusyon sa pamamagitan ng isang matagalang ligal na pakikibaka na sinusuportahan ng isang armadong pag-aalsa sa Maynila at kanunog na mga rehiyon.
Batay sa kabang-yamang natipon noon at pagkatapos ng plenum ng Disyembre 1975, inilathala ng Komite Sentral ng Partido Ang Mahigit Nating Mga Tungkulin. Ito ay hindi lamang para tukuyin ang mga kamalian at mga kahinaan kundi ang karampatang mga solusyon nito. Matagumpay na binigyang gabay ng batayang dokumentong ito ang paglaki ng rebolusyonaryong kilusan ayon sa linyang antipasista, anti-imperyalista at antipyudal mula 1976 pasulong. Bago magtapos ang dekada 1970, pumasok na ang ating digmang bayan sa abanteng subyugto ng estratehikong depensiba.