Mga manggagawa sa NAMASUFA, nagwelga
Paralisado ang operasyon ng pito sa 11 packing plant ng Sumitomo Fruit Corp. (Sumifru) sa Compostela Valley matapos ilunsad ang welga ng may 900 kasapi ng Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farm (NAMASUFA) nitong Oktubre 1. Ang Sumifru ay isang kumpanyang Japanese na nagluluwas ng saging.
Iginigiit ng mga manggagawa na kilalanin ng Sumifru ang kanilang unyon at makipagnegosasyon para sa isang collective bargaining agreement (CBA). Dito, nakatakdang ihapag ng mga manggagawa ang kahilingang regularisasyon at benepisyo. Labindalawang taon nang ikinakampanya ng NAMASUFA na magkaroon ng CBA, ngunit ayaw silang kilalanin ng maneydsment ng Sumifru dahil mga kontraktwal lamang umano sila.
Gayunman, iginigiit ng NAMASUFA na saklaw sila ng desisyong inilabas ng Korte Suprema noong 2017 na nagsasabing may ugnayang “employer-employee” sa pagitan ng Sumifru at mga kasapi ng unyon. Sa katunayan, ginawaran na ng sertipikasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang unyon bilang tanging kinatawan sa pakikipagnegosasyon ng mga manggagawa ng Sumifru.
Nakaranas naman ng panggigipit ang mga kasapi ng unyon buhat nang ikasa ang welga. Isa sa mga biktima si Mildred Maglahus. Pinasok ng may 15 hindi nakilalang lalaki ang kanyang bahay at hinahanap si Elizar Diayon, bise-presidente ng NAMASUFA. Nang hindi matagpuan ng mga lalaki si Diayon, umalis sila at nagnakaw pa ng mga suplay ng pagkain sa kalapit na himpilan ng protesta.
Isa pang lider ng unyon, si Alma Abraham, ang nag-ulat na apat na lalaking nagpakilala bilang mga tauhan ni Duterte ang pumunta sa kanyang bahay sa Barangay Pilar Babag sa bayan ng Monkayo noong Oktubre 2. Binantaan ng mga lalaki ang kanyang anak at sinabihang ipatigil ni Abraham ang welga. Pangatlong beses nang pinuntahan ng hindi kilalang mga lalaki ang bahay ni Abraham at pinaratangan siyang kasapi ng BHB.
Nito ring nagdaang mga araw, ilang ulit pinwersa ng mga eskirol na may kasamang militar ang piketlayn sa Packing Plant 115 ng Sumifru upang mapadaan ang mga van na may lulang saging.
SMT. Sa Real, Calamba, nakaamba namang ikasa ang welga ng mga manggagawa ng SMT-Philippines, isang pagawaan ng mga semi-conductor, matapos dali-daling isara ang pabrika noong Oktubre 1. Nasa gitna ng mga negosasyon para sa CBA ang mga manggagawa at maneydsment nang ipasara ang pabrika. Matapos nito, nagpiket ang mga manggagawa upang pigilan ang paglalabas ng mga makina mula sa pagawaan.
Ayon kay Sylvia Lescana, pangulo ng SMT Workers Union, nagsara lamang ang pabrika hindi dahil nalugi ito kundi upang maiwasan ang negosasyon sa unyon. Naniniwala ang mga manggagawa na magbubukas itong muli sa ilalim ng ibang pangalan.
May isang linggo nang nakapiket ang mga manggagawa sa harap ng pabrika, at makailang ulit na ring hinarangan ng pulisya at mga gwardya ng Light Industry and Science Park 2 ang dumarating na pagkain at gamit mula sa ibang mga manggagawa at kanilang mga tagasuporta.
Tagumpay ng mga manggagawa
Samantala, naging matagumpay ang mga pagkilos ng mga manggagawa ng Nexperia Inc. at ng Clarmil para sa regularisasyon ng mga manggagawang kontraktwal
Naipagwagi ng Nexperia Inc. Workers’ Union sa Cabuyao, Laguna ang regularisasyon ng 801 manggagawang kontraktwal mula sa AMI, Bolinao at Manchester Agency. Susi sa tagumpay na ito ang sama-sama at pursigidong pagkilos ng mga manggagawa laban sa Nexperia Inc.
Tagumpay din ng mga kasapi ng unyon at asosasyon ng kontraktwal na mga manggagawa sa Clarmil, na gumagawa ng mga keyk at tinapay ng Goldilocks, ang pagpapalabas ng Writ of Execution ng DOLE para sa regularisasyon ng 274 manggagawa ng Clarmil sa Laguna.
Mahigpit na sinuportahan ng unyon ang laban ng mga manggagawang kontraktwal sa pamamagitan ng pagsama sa adyenda nila sa CBA nito sa kumpanya.
Kaugnay nito, binati ng Liga ng mga Manggagawang Kontraktwal sa Timog Katagalugan ang mga manggagawa ng Nexperia at Clarmil sa nakamit nilang mga tagumpay dahil sa pagkakaisa at sama-samang pagkilos. Magsisilbing inspirasyon ito sa iba pang manggagawang lumalaban para sa kanilang mga batayang karapatan at kagalingan, anang liga.
Maramihang pagliban
Hindi pumasok sa kanilang mga klase ang 3,000 mga guro noong Oktubre 5, Pandaigdigang Araw ng Mga Guro, para igiit na itaas ang kanilang sahod sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin. Panawagan din nilang itaas sa P30,000 ang sweldo ng Teacher 1; P31,000 para sa Instructor 1; P16,000 para sa Salary Grade 1; at magkaroon ng P5,000 Personnel Economic Relief Allowance. Pinangunahan ng Alliance of Concerned Teachers ang naturang “mass leave.”
Isang araw bago nito, nagmartsa ang may 11,000 guro ng Maynila sa Rizal Memorial Sports Complex para manawagan ng dagdag sweldo at makataong kalagayan sa trabaho. Partikular nilang panawagan ang pagtanggal sa mga trabahong di-akademiko na ipinapataw sa mga guro dahil sa kawalan ng empleyado para sa mga gawaing ito.
Bungkalan sa tubuhan
Sa Negros Occidental, nagsimula nang magbungkalan ang may 200 magsasaka sa aabot sa sampung ektaryang lupang tiwangwang na nasa La Granja, La Carlota City. Ang lupang binungkal ay bahagi ng 288 ektaryang lupain ng UP Los BaÒos College of Agriculture Research and Training Station na matagal nang tiwangwang.
‘Zero Eviction Day’
Binansagang “Zero Eviction Day” ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang protestang inilunsad nila noong Oktubre 1 kaugnay ng paggunita sa International Habitat Month.
Bitbit ang panawagang itigil na ang pagpapalayas sa mahihirap sa kanilang mga komunidad, naglunsad ng mga protesta sa Bacolod, Isabela, Bulacan, at Rizal. Nagkasa rin ang mga maralitang lunsod ng mga piket sa ibang bansa, kabilang ang Taiwan, Italy, Malaysia, at Korea.