Presyo ng langis, pinakamataas sa nakaraang 10 taon

,

Mula nang maupo si Duterte sa poder, 28 beses nang tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Sa nakaraang 10 buwan lamang, tumaas na nang P13.50/litro ang diesel at P13.37/litro ang gasolina. Bahagi nito ay epekto ng TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) Law na nagdagdag ng P2.80 kada litro sa presyo ng diesel P2.97 para sa gasolina. Nitong Oktubre, pumalo sa pinakamataas ang presyo ng langis sa loob ng sampung taon.

Tumaas ang abereyds na presyo ng diesel nang P20.35/litro at nang gasolina ng P19.35 mula 2016. Sa Metro Manila, nasa P48.30/litro ang presyo ng diesel at ang presyo ng gasolina ay nasa P60.50/litro na ngayon. Taong 2008 pa huling pumalo nang P60-61/litro ang presyo ng gasolina.
Walong beses ding tumaas ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa taong ito. Sa ngayon, ang LPG ay ibinebenta sa Metro Manila sa presyong P866 kada 11-kilong tangke mula sa P400-P650 noong 2016.

Sinamantala ng malalaking kumpanya ng langis ang probisyon ng awtomatikong pagtataas ng presyo o “price adjustment” na nakasaad sa Oil Deregulation Law ng 1998. Gamit ang mekanismong ito, pinahihintulutan ang mga kumpanya ng langis na magtaas ng mga presyo alinsunod sa paggalaw ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado at ng palitan ng piso at dolyar. Sa ilalim nito, nadagdagan ng mga kumpanya ang kanilang kita nang P1.41/litro mula sa nabebenta nilang diesel, at mga P2.53/litro ng gasolina.

Ipinangako ng rehimen na isususpinde nito ang pangungolekta ng bagong buwis sa mga produktong petrolyo kapag pumalo sa $80/bariles ang presyo ng krudo sa internasyunal na pamilihan. Alinsunod ito sa isang probisyon sa batas na TRAIN. Pero ayon sa IBON, matagal nang pumalo sa $80/bariles ang krudo, kung pagbabatayan ang palitan ng piso at dolyar sa panahong ipinasa ang TRAIN. Gayundin, ilang beses nang pumalo sa presyong ito ang krudo sa pamilihan ng Singapore.

Masahol pa, ginagamit ngayon ng rehimen ang matataas na presyo para itulak ang joint oil exploration ng Pilipinas at China sa South China Sea, partikular sa Recto Bank. Ang Recto Bank ay bahagi ng Spratly Islands na soberanong teritoryo ng bansa.

Sobra-sobra ang suplay pero mataas ang presyo

Tuluy-tuloy na sumisirit ang presyo ng langis sa Pilipinas sa harap ng pagtatangka ng pandaigdigang kartel sa langis na kontrolin ang suplay at presyo sa harap ng sobra-sobrang suplay at mababang pangangailangan para rito sa internasyunal na pamilihan.

Bumagsak ang presyo ng krudo $40/bariles noong 2015, mula sa pinakamataas nitong P115/bariles noong 2016. Ibinunsod ito ng sobrang produksyon ng mga bansa sa Middle East, partikular ng Saudi Arabia, at sobra-sobrang pagmimina ng shale oil (langis na nakukuha mula sa bato) sa US.

Sa kabila ng ilang ulit na kaisahan ng OPEC (Organization of Petroleum Exporting Countries) na bawasan ang produksyon ng langis, pinanatili ng US at Saudi Arabia na mataas ang produksyon at mababa ang presyo ng langis sa tangkang paluhurin ang ibang bansa at agawin ang mga merkado. Sa partikular, tinarget nitong pilayin ang mga karibal nitong bansa, tulad ng Venezuela, Russia at Iraq na pawang nakasandig sa pag-eeksport ng langis.

Subalit simula 2017, kinaltasan ng Saudi Arabia, sa pakikipag-usap sa Russia, ang kanilang produksyon ng langis. Sa US, matapos umabot sa pinakamataas sa kasaysayan ang produksyon ng shale oil, binawasan ito hanggang sumadsad ang imbentaryo ng langis noong Hulyo sa pinakamababang antas mula Pebrero 2015.
Nito namang Mayo, unilateral na ibinasura ng US ang kasunduang nukleyar sa Iran at nagbanta sa ibang bansa na mag-aangkat ng langis mula sa naturang bansa. Layunin nitong kaltasan nang hanggang isang milyong bariles ang suplay ng krudo sa internasyunal na merkado at agawin ang pamilihang hawak ng Iran. Bumagsak din nang isang milyon ang produksyon ng langis ng Venezuela dulot ng matinding presyur ng US sa ekonomya at pulitika ng bansa.

Resulta ng lahat nang ito, umakyat tungong $78 ang bawat bariles ng krudo noong Abril mula P66/bariles sa simula ng taon. Gayunpaman, ang pagtaas na ito ay nakatakdang mabawi dulot ng pananatili pa ring mataas ng produksyon sa kabila ng mga pagbabawas kumpara sa bumibili nito.

Presyo ng langis, pinakamataas sa nakaraang 10 taon