Daantaong kolonyal na edukasyon sa Pilipinas

,

Sa loob ng mahigit isang siglo, instrumento ng US ang edukasyon, kaakibat ang iba pang mga institusyon sa kultura tulad ng midya, para patatagin ang kontrol at dominasyon nito sa lokal na ekonomya at pulitika.

Mula sa unang mga gurong Amerikano hanggang sa kasalukuyang programang K-12, ginagamit ng US ang sistema ng edukasyon para ihulma at sanayin ang kabataang Pilipino alinsunod sa mga estratehiko nitong interes sa loob ng bansa at sa rehiyon.

Ginamit ng US ang kolonyal na gubyerno at ang magkakasunod na papet nitong rehimen mula 1946 para sistematikong i-ayon sa “American Dream” ang kultura, gawi at pagkakakilanlan ng kabataang Pilipino. Pinaglaanan nito ng rekurso ang sistema ng edukasyon para tiyakin na nagsisilbi ang mga paaralan, kapwa ang mga pribado at pampubliko, para sa mga pangangailangan ng mga kumpanya at institusyon nito sa loob at labas ng bansa, gayundin sa burukrasyang sibil at panseguridad ng papet nitong estado.

Edukasyong Amerikano

Itinatag ang sentralisadong sistema ng pampublikong edukasyon sa Pilipinas noong 1901 sa bisa ng Act No. 74 ng Philippine Commission, ang kolonyal na gubyerno ng US na pinamunuan ni William Howard Taft. Itinayo nito ang Department of Public Instruction (Kagawaran sa Pampublikong Instruksyon) na nagpasok sa bansa ng 500 mga guro mula sa United States na kinilala bilang mga “Thomasites.”

Itinayo ng US ang sistema ng primaryang edukasyon sa Pilipinas, gayundin ang Philippine Normal School (ngayo’y Philippine Normal University) para sanayin ang mga Pilipinong guro na kinalaunan ay pumalit sa pagtuturo sa mga publikong paaralan. Ipinatupad ang paggamit ng Ingles bilang wika sa instruksyon at mga librong batay sa kulturang Amerikano ang ginamit.

Pinalawak ang pampublikong edukasyon sa pagtatayo ng University of the Philippines noong 1908 sa bisa ng Act No. 1870. Ginamit ang unibersidad para magsanay ng mga Pilipinong dalubhasa sa pulitika at ekonomya alinsunod sa disenyo ng US upang tumao at mamuno sa kolonyal na burukrasya.

Noong 1927, sa bisa ng Commonwealth Act (CA) No. 337, sinimulan ang teknikal-bokasyunal na edukasyon sa bansa. Sinundan ito ng CA 313 na nagtayo ng mga bokasyunal at agrikultural na hayskul sa mga rehiyon.
Isinabatas din ang Education Act of 1940 na layunin diumanong bawasan ang kamangmangan ng matatandang Pilipino. Ngunit batay dito, ipinatupad ang isang “citizenship training program,” isang programa para sa pagsasanay sa mga trabahong manwal. Layunin ng mga ito na tugunan ang pagpapadala ng mga Pilipino sa US, laluna sa Hawaii, para maging manggagawa sa agrikultura.

Edukasyon sa ilalim ng mga papet na rehimen
Mula 1946, sunud-sunod na nagpatupad ang mga papet na rehimen ng mga patakaran para ipagpatuloy at higit pang patatagin ang kolonyal na edukasyon sa bansa. Sa partikular, tiniyak ng mga ito na natutugunan ang pangangailangan para sa mura at kiming lakas-paggawa ng mga kumpanyang imperyalista.

Isinabatas ni Pres. Diosdado Macapagal ang Republic Act. No. 3742 noong 1963 na bumuo sa Bureau of Vocational Education para pangasiwaan ang pagpapaunlad ng kasanayan sa agrikultura, industriya, teknikal at iba pang bokasyunal na kurso. Kasabay ito ng pagsisimula ng pamumuhunan ng mga dayuhan sa mga pabrika sa tela at damit.

Sa payong ng World Bank (WB), binuo ng rehimeng Marcos noong 1969 ang Philippine Commision to Survey Philippine Education (PCSPE) para iayon ang edukasyon sa bansa sa “pambansang kaunlaran.” Mula sa mga rekomendasyon nito, ipinatupad ni Marcos ang Ten-Year Educational Development Plan, isang P500 milyong programang pinondohan ng WB na nagbigay diin sa edukasyong nakatuon sa mabababang klase ng kasanayan. Tinugunan nito ang noo’y partikular na pangangailangan para sa murang lakas-paggawa sa mga export-processing zone. Itinulak din ni Marcos ang pangingibang-bayan ng mga gradweyt ng mga eskwelahang bokasyunal-teknikal bilang solusyon sa malalang problema ng disempleyo.

Itinayo ni Marcos ang mga sentro para sa pagsasanay sa mga rehiyon at ipinailalim sa Upisina ng Presidente ang pananaliksik sa mas mabilis na treyning, partikular sa mga kabataang hindi nag-aaral at walang trabaho.
Sa pagpasa ng Education Act of 1982, binuo ni Marcos ang Bureau of Technical and Vocational Education para tasahin ang mga programang teknikal at bokasyunal at muling iayon ang mga kurso, gamit at pabrika sa noo’y nagsisimula nang neoliberal na kaayusan.
Bahagi nito ang pagsistematisa ng rehimen sa pagpapadala ng mga Pilipino sa ibayong dagat sa pamamagitan ng Executive Order No. 797 na bumuo sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA).

Ayon sa datos ng POEA, lumaki ng halos 1,035% ang bilang ng OFWs mula 36,029 noong 1975 tungo 372,784 ng 1985. Kalakhan sa kanila ay ipinadala sa Middle East at nagtrabaho bilang mga manggagawa sa proyektong konstruksyon noong dekada 1980.
Sa ilalim ng rehimeng Corazon Aquino, binuo ang New Secondary Education Curriculum ng 1989 na karugtong ng kapareho nitong kurikulum sa elementarya. Ipinakilala dito ang asignaturang Technology and Home Economics (THE) na itinuturo ang pagluluto, pananahi at pagpapanday. Gayundin, ipinakilala ang Values Education na nagkintal sa mga estudyante ng pagiging “masunurin” at “masipag sa pagtatrabaho.”

Karugtong nito, isinabatas ang RA 6655 o Free Public Secondary Education Act of 1988 para gawing libre at obligasyon ang pagpasok sa hayskul. Isa sa mga probisyon nito ang pagkakaroon ng mga kursong bokasyunal at teknikal sa kurikulum para agad nang makapagtrabaho ang mga gradweyt ng hayskul.

Taong 1994, itinatag ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at ihiniwalay sa Commission on Higher Education ang mga teknikal-bokasyunal na pag-aaral. Mula nang itatag ito, nadadagdagan at nagbabago ang klase ng mga kurso na itinuturo ng TESDA depende sa pangangailangan para sa partikular na kasanayan sa pandaigdigang pamilihan.

Noong 1998, naglabas ng pag-aaral ang World Bank at Asian Development Bank, ang Philippine Education for the 21st Century: The 1998 Philippine Education Sector Study (PESS). Nilaman nito ang mungkahi na bawasan ang mga asignatura sa elementarya. Ayon sa kanila, ang kinakailangan sa panahong ito ay pagpapaunlad ng kasanayan sa pagbabasa at komunikasyon at batayang kaalaman sa matematika o aritmetik. Akmang-akma ang repormang ito sa umuusbong na business process outsourcing sa bansa na nagsimula noong 1992 at lumaganap mula 2001.

Pagkaupo ni Arroyo bilang pangulo, binuo at ipinatupad ang 2002 Basic Education Curriculum (BEC) o mas kilala sa tawag na Millenium Curriculum. Binalangkas nito sa lima ang mga asignatura—Ingles, Matematika, Syensya, Filipino at Makabayan (Pag-SIKAP o Araling (Pag)papahalaga, (S)ining, (I)nformation and Communication Technology, (K)ultura, Kalusugan at Kabuhayan, at (A)raling (P)anlipunan at Araling Pangkalusugan).

Pinaiksi nito ang pagtatalakay sa syensyang panlipunan na lalong nagpakitid sa espasyo para mapag-usapan ang kasaysayan at kalagayan ng lipunan at bansa. Gayundin, sa BEC, ibinalik bilang wika sa pagtuturo ang Ingles para i-ayon sa pangangailangan ng pandaigdigang merkado. Ngunit dahil sa naging malawakang pagtutol dito, ibinalik ang wikang Pilipino pero bilang katuwang lamang na lengwahe sa pagtuturo.

Sa panunungkulan ni Benigno S. Aquino III, kagyat na dinisenyo ang programang K-12 at ipinatupad sa bisa ng Enhanced Basic Education Act of 2013. Malaking bahagi ng K-12 ang nagdiin sa mga kurso at pagsasanay, pareho ang teknikal-bokasyunal at propesyunal, para sa mga trabaho at pusisyon sa labas ng bansa. Sa ilalim ng programa, dinagdagan ng Grade 11 at 12 o Senior High School na mayroong apat na “track” o direksyon: Technical-Vocational-Livelihood (TVL), Academic, Arts and Design at Sports.
Kabilang sa mga kursong nakapaloob sa TVL ang pagsasanay sa pagiging manikurista, welder, matansero, mga kasanayang kaugnay ng information and communications technology at iba pang kinakailangan sa Canada, Middle East at iba pang bansa.

Mayorya ng mga estudyante ng hayskul ay inilalagay sa direksyong Technical-Vocational Livelihood, at ineengganyong huwag nang tumuloy sa kolehiyo. Sa gayon, awtomatiko silang pumapasok sa malawak na hanay ng mga walang trabaho. Kung nais nilang magtrabaho, ang mapagpipilian lamang nila ay maging mga kontraktwal na may napakababang sahod at walang benepisyo sa loob o di kaya’y sa labas ng bansa.

Daantaong kolonyal na edukasyon sa Pilipinas