Komboy ng PNP, inambus ng BHB sa CamSur

,

 

MATAGUMPAY NA INAMBUS ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-West Camarines Sur (Norben Gruta Command) ang 1st Camarines Sur Provincial Public Safety Company (PPSC) ng Philippine National Police (PNP) sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Napolidan, Lupi, Camarines Sur noong Oktubre 18, alas-8:55 ng umaga.

Ang nasabing yunit ng PNP ay bahagi ng komboy panseguridad ni Bureau of Food and Drugs Authority Director General Mila Puno. Tatlong pulis ang napatay at apat ang nasugatan. Nasamsam mula sa kanila ang isang ripleng M14, limang magasin ng bala nito at dalawang magasin ng kalibre .45 pistola.

Taliwas sa pinalalabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PPSC, masinsing pinipili ng Pulang hukbo ang mga target nito sa bawat taktikal na opensiba. Partikular sa insidente sa Lupi, ang mga armadong elemento lamang ng PNP ang tinarget ng command-detonated na mga eksplosibo, ani Ka Ma. Roja Banua, tagapagsalita ng National Democratic Front-Bicol. Dahil kontrolado ang pagsabog at tukoy ang target, iniwasan ang sasakyang lulan si Puno. Ayon kay Banua, nakuha nila ang eksaktong mga detalye sa komboy mula mismo sa PNP.

Bago nito, tinambangan din ng BHB si Teodoro Adaptante noong Oktubre 17, isang CAFGU na nakadestino sa Barangay Alanao ng parehong bayan.

Ang PPSC at iba pang mersenaryong armadong pwersa ng reaksyunaryong gubyerno ay sangkot sa hindi mabilang na mga krimen ng paglabag sa mga karapatang-tao sa Bicol. Liban sa walang habas na pagpatay sa mga sibilyan sa tabing ng “gera kontra droga,” sangkot din sila sa mga kaso ng pagpaslang sa mga aktibista.

Camarines Norte. Noong Oktubre 14, dalawang M4 assault rifle ang nasamsam ng BHB-Camarines Norte matapos nilang ambusin ang 96th IB sa Purok 7, Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte, bandang alas-4 ng hapon. Walo ang napatay at dalawa ang nasugatan sa mga sundalo.

Isinagawa ang ambus malapit lamang sa pansamantalang pinagkakampuhan ng 96th IB.

Agusan del Sur. Naglunsad ang BHB-Agusan del Sur ng aksyong pamamarusa noong Oktubre 4 laban kay Charity Ampong, isang despotikong panginoong maylupang nagmamay-ari ng daan-daang ektaryang sakahan ng kalamansi sa Barangay San Luis, Agusan del Sur. Pinaralisa ng mga Pulang mandirigma ang isang trak at sinunog ang ilang sako ng abono at 18 ektaryang sakahan na pag-aari ni Ampong. Ang hakbang pamamarusa ay tugon sa reklamo kaugnay sa napakababang pasahod at hindi makataong kundisyon sa paggawa sa asyenda.

Sa panahon ng taniman, pinasasahod lamang ni Ampong ng P250 kada araw ang mga magsasaka. Hindi sila pinahihintulutang magpahinga liban sa tanghali. Kapag tumigil sila sa pagtatrabaho nang wala sa panahon, kinakaltasan ang kanilang sahod. Tuwing anihan, binabayaran lamang sila ng P90 kada sako ng napitas na kalamansi.

Kinabukasan, tinambangan ng BHB ang mga elemento ng CAFGU Active Auxiliary na walang patumanggang nagpaputok sa barangay. Walo ang kumpirmadong nasugatan sa mga ito. Pinarangalan ng BHB-Agusan del Sur si Joel Seguero na namartir sa nasabing labanan.

Northern Samar. Inambus ng mga Pulang mandirigma mula sa Special Operations Group ng BHB-Northern Samar (Arnulfo Ortiz Command) sina Ananias Rebato, dating alkalde ng bayan ng San Jose de Buan kasama ang mersenaryong si Severino Tesoro Jr. noong Oktubre 8 sa Barangay Babaclayon, San Jose de Buan. Namatay sa insidente si Tesoro habang malubhang nasugatan si Rebato. Namatay kalaunan sa ospital si Rebato.

Kilala si Rebato sa pagiging kurakot at despotiko. Nakasampa laban sa kanya ang 31 kaso ng panghahalay at panggagahasa sa kababaihan. Bilang isang masugid na tagatangkilik ng AFP, pinangunahan niya ang paghahasik ng ligalig sa mga komunidad ng nasabing bayan at ang pagpapalayas, panggigipit at pagpaslang sa mga magsasakang naninirahan doon.

Ang aksyong pamamarusa ay paggawad ng rebolusyonaryong hustisya hindi lamang para sa mga direktang biktima ni Rebato kundi para rin sa mamamayan ng San Jose de Buan na naghirap nang matindi sa ilalim ng kanyang tiranikong panunungkulan.

Samantala, isang kabataang magsasaka ang iligal na inaresto at inimbwelto ng militar sa nasabing opensiba.

Nag-alay ng Pulang saludo ang BHB-Eastern Visayas (Efren Martires Command) kay Ambie Gabane (Ka Mati/Ka Mamoy) na namartir habang isinasagawa ang ambus.

Komboy ng PNP, inambus ng BHB sa CamSur