Mataba ang lupa sa kanayunan para paigtingin ang digmang bayan
Ang bawat sulok ng mga bukid at kabundukan sa malawak na kanayunan ng Pilipinas ay batbat ng karukhaan at kagutuman. Walang lubay ang dinaranas na pagsasamantala at pang-aapi ng mahihirap na magsasaka, mga manggagawang bukid at iba pang saray ng masang anakpawis. Masidhi ang kanilang pagnanais na wakasan ang mahigit isang siglong sistemang malapyudal na animo’y gapos ng nakaraan at sagka sa panlipunang paglaya.
Sa buong bansa, naglalagablab ang diwang mapanlaban ng masang magsasaka para igiit ang kanilang kapakanan, ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at isulong ang kanilang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Lalo pang tumataba ang lupa para higit na mabilis at malawak na sumulong ang digmang bayan sa mga darating na panahon.
Di na mabata ng masang magsasaka ang paghahari ng malalaking panginoong maylupa, mga dambuhalang kapitalistang may-ari ng malalawak na plantasyon at mga kumpanya sa pagmimina at pagtotroso. Nag-uumapaw ang kanilang galit sa pasistang pananalakay ng mga armadong pwersa ng reaksyunaryong estado para supilin ang kanilang pakikibaka para sa lupa at katarungang panlipunan.
Lumalala ang laganap na problema ng kawalan at pang-aagaw ng lupa. Matapos ang halos pitong dekada ng mga huwad na programa sa reporma sa lupa, nasa kamay pa rin ng iilan ang malalaking asyenda at plantasyon. Upang mabuhay, milyun-milyong magsasaka ang pumapasok sa labis na mapagsamantalang kaayusan sa pangungupahan sa lupa o kaya’y mamasukan bilang mga manggagawang bukid kapalit ang napakababang pasahod.
Pinakamalalala ang ganitong mga kaayusang pyudal sa malalawak na palayan, niyugan at tubuhan. Pasan-pasan ng mga magsasaka ang mataas na gastos sa produksyon. Itinatali sila sa mga binhing matakaw sa mamahaling pestisidyo at iba pang kemikal na ibinebenta ng malalaking dayong agribisnes.
Ang pagsasaka ay nakakukubang trabaho. Nananatiling atrasado ang sistema sa indibidwal at maliitang pagsasaka na binubuno lamang ng simpleng mga kagamitang manwal at mga hayop pambukid at umaasa sa tubig ulan. Limitado ang paggamit ng makinarya at mababa ang produksyon. Ngayong taon, halos 750,000 na ang nawalan ng hanapbuhay sa agrikultura.
Ang yamang nililikha ng masang magsasaka ay hinuhuthot ng mga panginoong maylupa na walang ambag ni patak ng pawis sa paglinang ng lupa. Kinakamkam nila ang 30, 50 hanggang 90 porsyento ng ani ng magsasaka bilang upa sa lupa. Upang may panggastos sa pagsasaka at sa pang-araw-araw na pangangailangan, napipilitan ang mga magsasaka na isanla ang kanilang lupa at karapatang mangupahan upang mangutang sa mga usurero, aryendador, mga rural bank at ahensya sa microfinance na lubhang mataas ang interes. Pito sa sampung nagbabayad ng amortisasyon sa lupa ang napilitan nang isuko ang kanilang titulo.
Malaking patong sa gastos sa produksyon ang upa sa lupa at interes sa pautang. Barya na lamang ang natitira sa bulsa ng magsasaka matapos baratin ng mga komers-yante ang kanilang mga produktoó palay man, kopra, abaka o mais. Lalupang tumindi ang kanilang katayuan sa harap ng pagsirit ng mga presyo ng mga bilihin ngayong taon dulot ng mga ipinataw na buwis ni Duterte.
Laganap ang mga kaso ng pagpapalayas sa mga magsasaka, mangingisda at masang minorya sa kanilang lupang sinasaka o lupang ninuno. Daan-daan libong ektarya ang hinahawan ni Duterte upang bigyang-daan ang ekspansyon ng mga operasyong pagmimina, o mga negosyo sa real estate, turismo, enerhiya, mga proyektong pang-imprastruktura at mga plantasyon ng pinya, saging, oil palm at iba pang produktong pang-eksport kasosyo ang malalaking kapitalistang dayuhan.
Sa ilalim ng Oplan Kapayapaan ng rehimeng Duterte, at sa tulak at suporta ng imperyalismong US, walang habas ang paggamit sa AFP, PNP at mga grupong paramilitar para kubkubin at sakupin ang daan-daang komunidad sa kanayunan, kabilang ang mga lugar ng Moro. Walang-habas ang pag-abuso sa mga karapatang-tao laluna sa Mindanao na mahigit isang taon nang nasa ilalim ng batas militar. Walang batayang isinasakdal ang masa at itinuturing silang iligal at tagasuporta ng armadong kilusan. Mahigit 4,000 na ang pinwersang pumarada bilang mga “sumukong NPA.” Labintatlo na ang mga kaso ng brutal na pagmasaker. Hindi bababa sa 170 magsasaka ang pinaslang sa ilalim ni Duterte. Lagpas 500,000 ang napwersang magbakwit.
Subalit bigo ang todong gerang panunupil ng rehimeng US-Duterte laban sa masang magsasaka. Sa halip na masindak at yumuko, lalo nilang itinataas ang kanilang noo at kinukuyom ang kamao, batid na mas matinding kaapihan at pagsasamantala ang kahahantungan kung susuko sila tiraniya at terorismo ng mga panginoong maylupa, malalaking dayuhang korporasyon at mga kasapakat na bulok na burukratang kapitalista at pasista.
Mataba ang lupa ng kanayunan para mas malakas na isulong ang armadong rebolusyon. Panghawakan kapwa ang obhetibong kalagayan at suhetibong lakas upang isulong nang walang kaparis sa bilis at lawak ang digmang bayan sa buong bansa.
Dapat puspusang isulong ang mga pakikibaka ng masang magsasaka. Matatag na isulong ang mga pakikibakang antipyudal, antipasista at anti-imperyalista at pakilusin ang milyun-milyong masang anakpawis sa kanayunan. Isagawa ang masusi at masaklaw na pagsisiyasat sa kalagayan at mga problema ng masa at tukuyin ang mga solusyon at hakbangin para tugunan ang kanilang kagalingan sa harap ng matinding krisis sa ekonomya at lumulubhang kalagayang panlipunan. Isulong ang lahat ng anyo ng paglaban para igiit at ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa, mula sa simpleng karapatang magtanim ng makakain hanggang sa pag-angkin ng pag-aari sa lupa.
Hikayatin ang malawakang pagsapi ng mga magsasaka, laluna ang mga kabataan, sa hukbong bayan upang mas lalo pang palakasin ang BHB bilang kanilang hukbo. Tuluy-tuloy na palawakin at paigtingin ang pakikidigmang gerilya sa batayan ng malalim at masaklaw na suporta at pagpapakilos ng masa. Malawakang ilunsad ang mga taktikal na opensiba laban sa masasahol na pasistang kaaway.
Ibayong palawakin at patatagin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa at ang mga komiteng rebolusyonaryo mula sa antas barangay pataas bilang mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Sa bawat antas, ipatupad ang mga programa para sa edukasyong masa, kultura, kalusugang pampubliko, depensa at pangangalaga sa kapayapaan, ekonomya at iba pang larangan para lutasin ang kanilang mga problema.
Malikhaing labanan ang todong gera ng kaaway at kampanya ng iligalisasyon sa masa.
Patuloy at mas masaklaw na ipatupad ang minimum na programa ng Partido sa reporma sa lupa para ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang usura at igiit ang makatwirang presyo ng mga produkto. Ipatupad ang maksimum na programa ng kumpiskasyon ng lupa kung saan maaari itong ipagtanggol ng BHB. Sa bawat yugto, sistematikong pagplanuhan ang ekonomya upang tiyakin ang produksyon ng pagkain, tuluy-tuloy na itaas ang kita ng masang magsasaka at suportahan ang ibayong paglaki ng hukbong bayan.
Sa lahat ng ito, susi ang pagpapalawak at pagpapatatag ng Partido. Dapat mas lalo pang palalimin at palawakin ang pag-ugat ng Partido sa hanay ng masang anakpawis sa kanayunan, upang epektibong makapagsanay at makapagpanday ng mga lider sa proletaryong pananaw, paninindigan at pamamaraan. Ibayong palawakin, patatagin at paramihin ang mga sangay at seksyon ng Partido.
Ilahad sa mga pabrika at paaralan sa kalunsuran ang mga isyu at pakikibaka sa kanayunan. Ang mga kadre at kasapi ng Partido at mga aktibista sa kalunsuran ay hinihikayat na maramihang magtungo sa kanayunan at mag-ambag sa pagsusulong ng digmang bayan. Higit kailanman, kailangang-kailangan ang mga kadreng manggagawa at mga intelektwal, para mag-ambag ng kanilang kaalaman at kasanayan sa pagsusulong ng mga pakikibakang magsasaka at rebolusyong agraryo, pagtatatag at pangangasiwa sa gubyernong bayan at pagpapalakas ng hukbo at pagsusulong ng armadong pakikibaka.