OPE-P: Papatinding panghihimasok militar ng US
Sa ilalim ng paghahari ni Rodrigo Duterte, lalong lumalalim at lumalawak ang panghihimasok militar ng US sa Pilipinas. Siya mismo ang naghawan ng daan sa mas mahigpit na kontrol ng US sa bansa, laluna sa AFP, nang ipataw niya ang batas militar sa Mindanao noong Mayo 2017 para “sugpuin ang teroristang grupong Maute.”
Mula simula hanggang katapusan ng kanyang “gera kontra-terorismo” laban sa grupong Maute, pinamunuan ng US ang mga operasyon ng AFP sa loob ng Marawi City. Isinangkalan ng US ang labanan sa syudad para pormal na itatag ang Operation Pacific Eagle-Philippines (OPE-P) noong Setyembre 1, 2017. Ipinalit ang OPE-P sa Operation Enduring Freedom-Philippines (OEF-P) bilang “pinangalanang operasyon” ng US sa bansa. Nagkahugis ang OEF-P sa 900-kataong Joint Special Operations Task Force-Philippines na nakabase sa loob ng base ng AFP sa Zamboanga City mula 2002 hanggang 2015. Katulad ng OEF-P, nakabalangkas ang OPE-P sa overseas contigency operations (OCO) ng US (dating tinawag na “global war on terror”) na pinopondohan ng dambuhalang badyet ng Pentagon.
Noong Disyembre 2017, idineklara ni Duterte na mga grupong “terorista” ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) para bigyan ng dagdag na katwiran ang pag-iral ng OPE-P at palawakin ang mga operasyon nito labas sa Mindanao.
Sa ulat ng Lead Inspector General ng US Defense Department para sa Enero-Mayo 2018, mayroong 200-300 tropang US ang OPE-P na permanenteng nakabase sa bansa para magbigay diumano ng payo, pagsasanay at tulong sa mga tropang Pilipino. Tapos na ang labanan sa Marawi sa panahong ito at panaka-naka na lamang ang mga sagupaan sa pagitan ng AFP at mga armadong grupong Moro.
Sa loob ng kasalukuyang taon, nag-ulat ang OPE-P ng gastos na $32.4 milyon (P1.8 bilyon sa palitang P55-$1). Kalakhan ng pondong ito ay napunta sa pagbibigay ng suportang sarbeylans mula sa himpapawid gamit ang mga unmanned aerial vehicle (UAV o drone) sa mga operasyong kombat ng AFP.
Bagamat ang “ISIS-Philippines” ang tinukoy na pangunahing target ng OPE-P, markado ang paglipad ng mga drone bago ang mga pang-aatake ng AFP sa mga eryang pinaghihinalaang kinikilusan ng BHB ngayong taon. Halos laging may nauunang sarbeylans ng drone sa 59 insidente ng istraping at pambobomba mula sa himpapawid na naitala ng National Democratic Front-Mindanao simula Enero 2018. Mga drone din ang nauuna sa mga lugar kung saan mayroong nakapokus na operasyong militar ng AFP. Para sa 2019, humingi ng $108.2 milyon (P5.95 bilyon) o triple sa kasalukuyang pondo ang OPE-P para sa mga operasyon nito sa bansa.
Ginamit din ng US ang OPE-P para palawakin ang mga pagsasanay militar at maglagay ng mas malaking pwersang militar sa loob ng bansa. Nakapailalim sa OPE-P ang Balikatan 34 na nilahukan ng 8,000 tropa (3,000 Amerikano at 5,000 Pilipino) noong Mayo. Sinundan ito ng dalawa pang malalaking pagsasanay militar: ang MTA Sama Sama noong Hulyo at Kamandag 2 (dating Phiblex) nitong Oktubre. Bahagi ng mga pagsasanay na ito ang mga paggamit ng live-fire at “amphibious landing” (pagsasanay sa paglusob sa mga baybaying dagat), taliwas sa unang deklarasyon ni Duterte na “babawasan” kung hindi man tahasan niyang ipagbabawal ang mga ito.
Ang malalaking pagsasanay na ito ay bahagi ng masinsing presensya ng mga tropa ng US sa kalupaan at karagatan ng Pilipinas. Halos araw-araw, may nagaganap na maliliit at malalaking pagsasanay, kumperensya, pagpupulong o iba pang aktibidad na pinangungunahan ng mga tropang Amerikano sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Mula sa 258 noong 2017, tumaas tungong 261 ang naturang mga aktibidad-militar sa 2018 at tataas pa tungong 281 sa 2019. Taun-taon, dumarami at lumalaki ang mga itinatakdang pagsasanay sa iba’t ibang aspetong militar.
Kasabay ng mga ito ang paglalayag ng mga barkong pandigma ng US sa karagatan ng Pilipinas at sa South China Sea sa tabing ng “freedom of navigation operations” at ang pagdaong ng ilan sa mga ito para sa pagkukumpuni, pagtatapon ng basura at pagkarga ng panggatong, gayundin para sa pagliliwaliw ng kanilang mga tropa.
Sa pangkalahatan, paparami at papadalas ang paglalabas-masok ng mga tropa at armas ng US. Liban sa mga pagsasanay, pinakamarami rito ang mga tropang sakay ng mga barkong pandigma na “bumisita” sa bansa. Sa kabuuan, sampung barkong pandigma ng US ang dumaong sa Manila Bay, Subic Bay at iba pang malalaking daungan mula Enero. Lulan ng mga ito ang hindi bababa sa 17,500 tropang militar, dose-dosenang eroplanong pandigm at iba pang armas pandigma. Ang pinakamamalaki sa mga ito ay pinaandar ng enerhiyang nukleyar. Mas malaki pa ang bilang ng mga tropang Amerikano na naglamas-masok sa teritoryo ng Pilipinas kung isasama ang tropa ng mga barkong nagsagawa ng hindi bababa sa 15 paglalayag sa paligid at loob ng mga karagatan ng bansa sa samutsaring dahilan, kabilang ang “freedom of navigation operations.” Isa rito ang USS Essex na nabunyag lamang na nakahimpil sa Philippine Sea noong Agosto dahil nalaglag sa barko at nawala ang isa sa mga Marino nito. Katuwang ng mga barkong US ang mga barkong Japanese at Australian.
Higit sa panghihimasok sa internal na mga usapin, muling naitulak ng US ang estratehikong plano nitong gawing permanente at mas masaklaw ang pagbabase ng tropa at pag-iimbak ng gamit nito sa Pilipinas sa ilalim ni Duterte.
Gamit ang dati nang mga kasunduang militar, sinimulan ng US ang hayag na konstruksyon ng mga pasilidad para sa mga tropang Amerikano sa loob ng mga dati nilang base militar. Noong 2017, pinasinayaan ng US at AFP ang bagong gusali sa loob ng Basa Air Force Base sa Pampanga na kunwa’y para sa mga operasyong pangkawanggawa pero sa aktwal ay para imbakan ng kanilang materyal pandigma. Inianunsyo rin ng US at AFP ang kagyat na pagsisimula ng konstruksyon ng katulad na mga pasilidad sa Fort Magsaysay Military Reservation, Lumbia Air Base, Antonio Bautista Airbase at Benito Ebuen Air Base. Ngayong taon, sinimulan ang konstruksyon ng isang base militar sa residensyal na erya ng Marawi City matapos ipaungkat at ipadeklara ng US sa rehimeng Duterte bilang military reservation ang malaking bahagi ng syudad. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi pa pinauuwi, at limitado lamang na pinabibisita, ang mga residente sa kanilang dating mga lugar.
Tuluy-tuloy na nakapagtatambak ang US ng mga eroplano, helikopter, barko, bala, bomba at iba pang materyal pandigma sa bansa. Sa tabing ng modernisasyon ng AFP, ipinasok ng US sa bansa ang armas at pinaglumaang kagamitan na nagkakahalaga ng P5 bilyon mula Enero 2017. Daragdagan pa ito ng iba pang gamit-militar, tulad ng anti-missile radar system na nakatakdang “bilhin” ni Duterte mula sa Israel at anim na F-16 fighter jet na galing sa US na kunwa’y para sa depensa sa karagatan ng Pilipinas. Ang “pagbili” ng gayong mga armas para diumano ipagtanggol ang South China Sea ay bahagi ng plano sa depensa ng US laban sa umuusbong na kapangyarihang militar ng China.
Tuluy-tuloy ang mahigpit na ugnayan ng mataas na upisyal nito sa mga upisyal-militar at ng State Department ng US. Taun-taon ang pagbisita ng kumander ng Indo-Pacific Command ng US sa bansa, gayundin ang pakikipagpulong ni Defense Secretary Lorenzana sa Washington D.C. at pagkikita ng matataas na upisyal-militar at State Department ng US sa bansa. Regular na nagpupulong ang Security Engagement Board, ang komiteng nagpapasya ng mga aktibidad ng US sa bansa.
Liban sa larangan ng militar, pinapasok din ng mga ahensya ng US ang iba’t ibang aspeto ng pambansang seguridad katulad ng mga programa ng Philippine National Police, pagmamanman sa social media, pamamahala sa daungan, paliparan at iba pa.