Pambabarat sa mga magsasaka sa Mindanao

,

PINABULAANAN NG NATIONAL Democratic Front of the Philippines-North Eastern Mindanao Region (NDFP-NEMR) ang pahayag ng rehimeng US-Duterte na ang mataas na presyo ng bigas ay dahil sa mataas na presyo ng lokal na palay.

Sa isang pag-aaral hinggil sa kalagayan ng mga magsasaka ng palay sa NEMR, ang 50 kilo na palay ay binibili ng komersyante sa halagang P900 (P18 bawat kilo) mula sa mga magsasaka sa panahon ng anihan. Karaniwan, ang giniling na 50 kilong palay ay nagpoprodyus ng umaabot sa 32-35 kilong bigas. Gumagastos ang komersyante ng kabuuang P145ó P50 para sa pagbilad, P75 para sa pagkiskis at P20 para sa transportasyon.

Ibinebenta ng komersyante ang napoprodyus na 35 kilong bigas mula sa 50-kilong palay sa P55/kilo o P1,925 kada sako. Kung ibabawas ang ipinambayad sa magsasasaka (P900) at gastos sa pagpapakiskis (P145), lalabas na P880 ang netong kita ng komersyante sa bawat 50-kilong sakong palay. Kung bibili ang komersyante ng 100 sako na palay, kikita siya ng P880,000 kada anihan.

Sa North Central Mindanao Region, laganap din ang murang pagbili ng mga produkto ng magsasaka. Ito ay sa harap ng nagmamahalang sangkap ng produksyon, mataas na upa sa lupa, mataas na singil sa pautang, mababang sahod at iba pang mapagsamantalang kundisyon. Halimbawa nito ay ang kalagayan ng mga mag-aabaka sa San Fernando, Bukidnon kung saan kumikita lamang ang bawat magsasaka ng P106 kada araw sa ibinebenta niyang abaka. Samantala, kumikita nang hanggang P7,643 ang mga komersyante sa ibinebentang abaka ng mga magsasaka.

Malubha ring pinagsasamantalahan ang mga manggagawang bukid ng Dole Stanfilco sa Dangcagan at Kitaotao, Bukidnon na tumatanggap lamang ng P291 kada araw o P4,365 sa 15 araw na trabaho. Dahil sa mga kaltas ng kumpanya sa sahod, umaabot lamang sa P3,765 kada buwan ang kanilang aktwal na natatanggap.

Ang mga kundisyong ito ang nagtulak sa mga magsasaka na makibaka para sa kanilang karapatang mabuhay. Sa Bukidnon, naging matagumpay ang mga kampanya ng mga magsasaka sa sampung magkakatabing baryo para itaas ang presyo ng kanilang mga produkto. Sa isang lugar, napataas ng mga magsasaka ng saging ang presyo ng kanilang produkto mula sa P7.50 tungong P10 bawat kilo nitong buwan.

Sa Agusan del Norte, napataas naman ng mga magsasaka ng kape ang presyo ng kanilang ani nang P10 bawat kilo.

Pambabarat sa mga magsasaka sa Mindanao