15,000 nagprotesta laban sa batas militar
Mahigit 15,000 ang nagmartsa sa buong Mindanao noong Oktubre 23 bitbit ang panawagang wakasan na ang Martial Law at ibagsak ang rehimeng Duterte. Tinawag nila ang protesta bilang Mindanao Day of Action against Martial Law. Isinagawa ang mga protesta sa Davao City, Cagayan De Oro, Butuan at General Santos.
Sa Cagayan de Oro, mahigit 5,000 ang lumahok mula sa mga demokratikong sektor at relihiyoso. Bitbit ang effigy ni Duterte na sakay sa tangkeng panggera, nagmartsa sila tungong Divisoria.
Mahigit 5,000 rin ang dumalo sa Butuan City. Gumawa ang mga grupo ng effigy ni Duterte na sakay ng tren bilang pagsasalarawan ng batas na TRAIN ng kanyang rehimen at ang pagpapahirap nito sa mamamayan. Sa pagtatapos ng programa, winasak ng mga Lumad at magsasaka ang effigy bilang simbolo ng kanilang galit at pagtutol sa kanyang mga patakaran.
Matagumpay namang nakadalo ang 600 manggagawang bukid mula sa Compostela Valley sa kabila ng mga tsekpoynt na itinayo ng AFP para pahirapan sila. Sumama sila sa 3,000 mamamayan na nagmartsa mula sa Davao City Hall tungong Freedom Park. Nasa unahan ng protesta ang mga manggagawang pangkulturang nagsuot ng mga damit na kunwa’y duguan upang isalarawan ang pasismo ng rehimen. Naging matagumpay ang pagkilos sa kabila ng pagpapakalat ng malisyosong atake at red-tagging ng anak ni Duterte at meyor ng Davao na si Sara sa social media at pandarahas ng mga elemento ng Task Force Davao at PNP-Davao.
Nakapaglunsad din ng pagkilos ang iba’t ibang sektor sa General Santos City upang kundenahin at ipanawagang itigil na ang militarisasyon sa kanilang mga komunidad. Ang ilan sa mga nagprotesta ay mula sa Lake Sebu, South Cotabato kung saan walong Dulangan-Manobo ang pinaslang ng pwersa ng estado noong 2017.
Rali ng mga paramilitar, kinundena
Kinundena ng iba’t ibang grupo ang paglulunsad ng rali sa University of the Philippines (UP)-Diliman ng pusakal na mga lider ng mga grupong paramilitar noong Oktubre 29. Kabilang sa mga ito ang mga lider ng Magahat-Bagani na sangkot sa masaker sa pinuno ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev) na si Emerito Samarca, at mga lider Lumad na sina Dionel Campos at Aurelio Sinzo noong 2015.
Nagtungo ang mga paramilitar sa UP upang ilahad na umano’y mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan ang pumapatay at naghahasik ng lagim sa mga komunidad ng Lumad.
Ayon sa UP Diliman University Student Council (USC), “red-tagging” ang ginagawa ng grupo na pinamunuan pa ni Mocha Uson, dating upisyal sa komunikasyon ng rehimeng Duterte. Anang mga estudyante, ipinapahamak lamang nina Uson ang iba pang organisasyong Lumad. Kinundena rin ng USC ang patuloy na pagsuporta ni Uson sa nag-aastang diktador na si Rodrigo Duterte, na patuloy na nagkakait sa karapatan sa lupang ninuno ng mga Lumad.
Naglunsad ng kontra-protesta ang mga grupo sa pangunguna ng Anakbayan at League of Filipino Students sa pamantasan noong araw ding iyon upang kontrahin ang mga paratang ng grupo ni Uson.
Protest caravan
Nagsagawa ng “protest caravan” noong Oktubre 30 sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno ang iba’t ibang progresibong grupo kasabay ng pagdinig sa kaso ng tinaguriang “Sta. Cruz 5” na dinakip noong Oktubre 15. Ang lima ay sina National Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultant Adelberto “Adel” Silva, Hedda Calderon, Ireneo Atadero, Ediciel Legazpi at Julio Lusania.
Kinundena ng mga grupo ang pag-aresto sa lima at ipinanawagan ang kanilang kagyat na paglaya. Anila, gawa-gawa lamang ang kasong isinampa laban sa lima, partikular ang “illegal possession of firearms and explosives,” dahil itinanim lamang ng mga operatiba ng militar at pulis ang mga baril at granada sa sasakyan nina Silva noong sila ay hulihin.
‘Die-in protest’
Noong Oktubre 25, nagsagawa naman ng “die-in protest” sa harap ng Iglesia Filipina Independiente National Cathedral sa Taft Avenue, Manila bilang pagkundena sa hindi bababa sa 13 masaker na naitala na sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan-Metro Manila, nagsindi ng mga kandila ang mga progresibong grupo at humiga sa kalsada upang isadula ang laganap na pagpatay sa ilalim ng rehimen.
Sa tala ng grupong Karapatan, 13 na ang naisadokumentong masaker sa ilalim ni Duterte mula 2016. Kabilang sa mga ito ang pagpatay sa mga magsasakang Lumad sa Lake Sebu noong 2017, pagpatay sa pitong kabataang magsasaka sa Patikul, Sulu noong Setyembre, at ang pagpatay sa siyam na magsasaka sa Sagay nitong Oktubre.