Kampanya kontra usura sa Capiz

,

MATAGUMPAY ANG MGA magsasaka ng mais sa Capiz na ibaba nang kalahati ang binabayaran nilang interes sa pautang ng mga komersyante-usurero. Bunsod ng serye ng mga pulong-dayalogo at negosasyong isinagawa ng mga magsasaka ng mais sa mga bayan ng Cuartero, Maayon at Tapaz sa mga komersyante, nilagdaan noong Oktubre ang isang kasunduan sa pagitan ng mga kinatawan ng mga magsasaka at ng komersyante.

Nakasaad sa kasunduan na magbabayad na lamang ang mga magsasaka nang 10% mula 20% ang interes sa pautang o mula P5,000 tungong P2,500 kada apat-na-buwang siklo ng taniman para sa ibinebentang binhi, pestisidyo at pamatay ng damo mula sa mga komersyante-usurero.

Dagdag dito, obligado ang komersyante na sundin ang itinakda at umiiral na presyo ng mais sa lokal na pamilihan at ibaba ang singil sa resiko. Obligadong magbigay ng upisyal na resibo ang komersyante kapag nabayaran na ng magsasaka ang kanyang utang. Para maiwasan ang pandaraya sa pagbili, napagkasunduan na kada buwan ay itatama ng mga komersyante ang kanilang mga kilohan. Sa kabilang banda, hindi na obligadong magbayad ng interes sa utang ang magsasaka kapag nasalanta ng kalamidad ang kanyang sakahan.

Dahil sa panimulang tagumpay na ito, nangako ang mga magsasaka na higit pang isusulong ang kanilang kampanya laban sa iba pang mapagsamantalang patakaran ng mga komersyante tulad ng sobra-sobrang pagpepresyo sa mga farm inputs.

Pinamunuan ang kampanya kontra usura ng Pamanggas sang mga Mangunguma sa Panay kag Guimaras at Kahublagan sang mga Mangunguma kag Mamumugon sa Uma sa Capiz .

Kampanya kontra usura sa Capiz