Kriminalidad ng mga pulis laban sa kababaihan, palala nang palala
SA ILALIM NG rehimeng Duterte, palala nang palala ang mga krimen ng mga pulis laban sa mamamayan, partikular sa kababaihan. Lalong lumakas ang loob ng mga ito na magsamantala at mang-api dulot ng lantad na pagkamuhi ni Rodrigo Duterte sa sektor.
Sa isang pag-aaral ng Center for Women’s Resources (CWR) noong Oktubre, umaabot na sa 56 mga pulis ang sangkot sa 33 kaso ng pagsasamantala sa kababaihan at bata mula nang maupo si Duterte. Kalahati nito ay mga kaso ng panggagahasa, habang 13 ay mga krimeng isinagawa sa kumpas ng “gera kontra-droga.” Pinakahuli rito ang nalantad na panggagahasa ng isang pulis sa 15-anyos na anak ng mga pinagsuspetsahang gumagamit ng droga. Isang 11-anyos na batang babae rin ang hinalay ng apat na pulis habang naglulunsad ng kontra-drogang operasyon. Walang pakundangang nang-aabuso ang mga pulis, ayon pa sa CWR, dahil tiyak silang hindi sila mapaparusahan. Katunayan, sa mga kasong ito, isa pa lamang ang inaksyunan ng estado. Mayorya sa mga reklamo ay ibinasura o hindi na sinundan ng ng pagsasampa ng kaso.
Direktang responsable si Duterte sa mga krimeng ito. Harap-harapang ineengganyo niya ang mga pulis, gayundin ang mga sundalo, hindi lamang para lapastanganin ang karapatan ng mamamayan, kundi patayin sila. Makailang beses niyang ipanawagan ang pagpatay sa mga inaakusahang gumagamit at nagtutulak ng droga at magtanim ng ebidensya laban sa kanila. Ibinibigay ni Duterte ang kanyang proteksyon sa mga pulis at sundalo, kabilang ang mga manggagahasa at mamamatay ng mga bata. Hindi iilang pagkakataong ginagantimpalaan pa niya ang mga ito ng pera at posisyon.