Mga salarin sa Sagay masaker, tukoy na
MATAPOS ANG MASINSING imbestigasyon, pinangalanan ng National Democratic Front (NDF)-Negros ang ilan sa mga paramilitar na sangkot sa pagmasaker sa siyam na magsasaka sa Hacienda Nene, Sagay noong Oktubre 20. Kinilala ni Fr. Frank Fernandez, tagapagsalita ng NDF-Negros, ang mga salarin na sina Vito Lotrago, Eduardo Linugon, Rexi Robles at isang nagngangalang Rako, dating mga myembro ng Revolutionary Proletarian Army at ngayon ay aktibong mga myembro ng Special Civilian Active Auxiliary ng AFP.
Kasabay nito, kinutya ng BHB-Northen Negros (Roselyn Pelle Command) ang P500,000 pabuya para sa mga salarin na inilabas ng mag-amang Alfredo Maranon Jr, gubernador ng Negros Occidental, at Alfredo Maranon III, meyor ng Sagay City. Ang pabuyang ito ay pakitang-tao lamang para palabasing wala silang kinalaman sa krimen. Ang totoo, ang mga Maranon, kasama ng iba pang malalaking panginoong maylupa, ang nagpapatakbo sa SCAA na naghahasik ng teror sa Sagay City. Kabilang sa mga krimen ng SCAA ang pagpatay sa mga lider-magsasaka na sina Ronald Manlanat at Flora Jemola.
Taong 2003 pa ipinailalim sa reporma sa lupa at iniutos sa pamilyang Tolentino na ipamahagi sa mga magsasaka ang 90-ektaryang Hacienda Nene. Noong 2013, naigiit ng mga magsasaka ang kanilang karapatan sa lupa at inilabas ng Department of Agrarian Reform ang kautusan para ipamahagi ito sa 39 pamilyang benepisyaryo. Para ikutan ang kautusang ito, “ipinamigay” ng mga Tolentino ang 70 ektarya sa kanilang drayber, kasambahay at iba pang “benepisyaryo.” Pinaupahan ng mga “benepisyaryong” ito ang lupa sa ibang panginoong maylupa para taniman ng tubo sa ilalim ng sistemang aryendo.
Matapos ng 15 taon ng makatarungang paggigiit, nagdesisyon ang mga magsasaka dito na magbungkalan para pansamantalang ibsan ang gutom at hirap ng kanilang pamilya. Nakipag-usap sila sa sa mga aryendador para payagan silang magbungkal matapos anihin ang nakatanim na tubo.
Ayon sa National Federation of Sugar Workers (NFSW) sa Negros, dati nang nagtatanim ang mga magsasaka sa tiwangwang na mga lupa para magkaroon ng pagkain ang kanilang mga pamilya sa panahon ng Tiempo Muerto (panahon pagitan ng anihan at pagtatanim ng tubo). Ang kasalukuyang porma nito, ang sama-samang pagsasaka o bungkalan ay inilulunsad sa isla mula pa 2009.
Noong Abril, tinangka ng AFP na gawin itong iligal sa pagdedeklarang “aktibidad” ng Bagong Hukbong Bayan ang mga bungkalan at iniugnay pa ito sa hungkag na Red October. Mariing kinundena ng NFSW ang mga kasinungalingang ito, kasama ang pinakamalaking kasinungalingan na ang organisasyon ang may pakana sa masaker dahil “isinubo” nito ang mga magsasaka. Malinaw ang layunin ng AFP na itago ang mga krimen ng mga tauhan nito sa sala-salabat at paulit-ulit na mga akusasyon at nilubid na mga kwento.
Samantala, kinundena ng BHB-Northern Negros ang isa pang kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa isla. Masinsing pang-aabuso at pananakot ang sinapit ng mga residente ng Purok Hoodam, Sityo Bideo sa Barangay Codcod, San Carlos City sa kamay ng 79th IB noong Oktubre 22. Binugbog ng mga sundalo ang 13 residente at pilit na pinaaming mga kasapi sila ng BHB. Lima sa kanila ay dinala pa sa kampo ng 79th IB sa Bato, Sagay City. Niransak din ng may 100 nag-ooperasyong sundalo ang mga bahay ng halos lahat ng mga residente at hinalughog ang kanilang mga gamit.